Sa Bawat Sulok ng Hindi Pagtanggap
- The Communicator
- Jun 8
- 4 min read
Matagal na raw tayong tanggap ng lipunan. Pero bakit hanggang ngayon, parang kasalanan pa rin ang magmahal? Bakit parang mali pa rin ibigin ang iyong kapwa? Sa mundong sinasabi nilang malaya—na malaya ang pagmamahal—bakit tila kailangan pa ring itago ang isang pag-ibig?

Nakakubli sa salitang “kaibigan” ang estado ng dalawang taong nagmamahalan. Hindi dahil hanggang doon lamang sila, kundi dahil doon sila mas matatanggap. May kaakibat na takot sa bawat pagtangkang ipakilala ang isa’t-isa bilang kasintahan. At kahit anong kagustuhan niyong isigaw at ipagmalaki ang isa’t isa, tila may nakabara sa lalamunan—hindi makawala ang mga salita na dapat sana’y pinapanindigan. Hanggang sa hindi na namamalayan na ang mga pusong umiibig ay nakakubli na sa dilim—hindi dahil gusto natin, kung ‘di dahil kailangan.
Nang minsan akong magmahal
Kalkulado ang bawat kilos namin noon. Laging may pangambang mahuli. Kilala naman siya ng mga magulang ko ngunit hindi sila sang-ayon. Kilala rin ako ng kaniyang pamilya…bilang kaibigan. Relihiyoso ang kanilang pamilya, at pastor ang kaniyang ama. Mahirap kumilos noon bilang magkaibigan lamang lalo’t higit kung naghuhumiyaw sa labis na pagmamahal ang puso’t isipan naming dalawa.
Sabay kaming naglalakad papuntang sakayan ng dyip. May mga pagkakataong magkahawak ang aming kamay, pero agad siyang bibitaw kapag may matatanaw kaming ibang tao na makakasalubong namin. Sa bawat bitaw, paulit-ulit kong tinatanong ang sarili: may mali ba? Mali ba talaga?
Normal din naman ang yakapan sa magkakaibigan, lalo’t isa ito sa mga paraan para batiin sila. Pero sa tuwing tatangkain namin ito, kinakailangan pa naming luminga sa paligid, magmasid kaliwa’t kanan na parang may ilegal kaming gagawin. Ang simpleng yakap ay puno ng hesitasyon—hindi dahil masama, kundi dahil hindi kami “magkaibigan lang.”
Saksi ang bawat sulok ng eskwelahan na pinapasukan namin noon kung paano namin itinago ang lahat. Ramdam ko rin sa bawat paglapat ng mga mata ko sa kaniya na mas malaya siya kumilos kapag kasama ang mga kaibigan niya, pero kapag kami na—tila laging may humaharang, na kahit simpleng tinginan ay may kasamang kaba. Bawal maging masyadong madikit. Bawal maging totoo.
Para kaming nakakulong sa ideolohiya na kailanma’y hindi magiging malaya ang pagmamahal namin para sa isa’t isa. Dahil kahit anong gawin naming ingat o pag-iwas, hindi kami ligtas sa mapanuring mata ng lipunan.
Ilalaban kita, ikabilanggo ko man ito
Hindi lamang ako ang may ganitong karanasan.
Sa paglipas ng panahon, napagtanto ko na hindi ako nag-iisa sa sakit ng pagmamahal na kailangang itago. Marami sa atin ang piniling manahimik, magkubli, at magpanggap na siyang bunga ng takot. Isa na rito si Marie, na sa kabila ng matatag at matagal nang relasyon, ay nabubuhay pa rin sa anino ng pangambang hindi siya maintindihan.
Sa kaniya, hindi kalsada o eskwelahan ang lugar ng pangamba, kundi ang mismong tahanang dapat sana ay unang yumakap sa katotohanan.
Habang umiiwas kami sa mata ng mga estranghero, si Marie naman ay araw-araw na kinakaharap ang mas masakit na katotohanan—na hindi niya kailangang lumabas ng bahay para maramdaman na hindi siya o sila tanggap.
“I am definitely covered by fear of introducing my partner to my parents, thinking they would negatively judge her just like what they did to me,” aniya.
Hindi ito simpleng takot sa hindi pagtanggap o pag-intindi—ito'y takot na mawalan ng lugar sa sariling pamilya. Paano ka nga ba lalaban para sa pag-ibig kung ganito na ang sitwasyon?
Sa pakiramdam ni Marie, tila inakusahan siya ng kasong hindi niya naman ginawa at nahatulan ng “reclusion perpetua”—kinuha mula sa kaniya ang sariling karapatan, maging ang buhay niya.
Ani pa ni Marie, “because no one would understand and no one would be able to see how it is a living hell to hide and pretend, and how it is a heaven to feel loving someone whom your heart desires and yearns to.”
Sa kabila ng lahat, patuloy nilang pinipili ang isa't isa. Nanatili sila sa bisig ng isa't isa. Hindi dahill suwail silang mga anak, kundi dahil nagmamahal sila.
Kwento ni Marie ang patunay na ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa mga pamantayan ng lipunan, kundi sa tibay ng loob na ipaglaban ito, sa tibay ng paninindigan—kahit sa katahimikan, kahit sa dilim. Kahit ito’y kasalanan, kahit ikabilanggo niya pa ito.
Pantasya ko ang ibigin ka, sa makulay na mundo
Sa dami ng pagkakataong kinailangan naming itikom ang bibig, luminga sa paligid, at magpigil ng damdamin, naging malinaw sa akin: ang pag-ibig na hindi maipagsigawan ay hindi mahina—bagkus, matapang.
Ngunit hanggang dito na lang ba? Iilang tinig at anyo pa ng pagmamahal ang hindi natin maririnig at makikita dahil lamang hindi ito “normal” sa paningin ng karamihan?
Maraming pagkakataon na labis ang inggit natin sa mga “straight couple” dahil tanggap sila, dahil ganoon dapat. Wala silang kailangang patunayan. Walang tanong kung bakit sila magkasama. Kung pwede lamang diktahan ang puso natin na umibig ng nararapat at katanggap-tanggap para sa lipunan, marahil matagal na nating ginawa.
Pero kung ididikta na ito ng takot at ikinulong natin ang sarili sa kahon ng mga paniniwalang hindi naman talaga atin, matatawag pa ba itong pagmamahal?
Marahil ang tunay na pagtanggap ay hindi nagsisimula sa kanila—kundi sa atin, sa pagyakap natin sa sariling pag-ibig.
Nakakasakal man ang magtago sa liblib na espasyo para ikubli ang koneksyong pinagbuklod ng tiwala, handa tayong tiisin ito. Dahil baka bukas magising tayo sa himala na hindi na lamang tayo “tanggap”—baka bukas, malaya na tayong makakakilos sa lipunang ginawa para sa lahat. Baka bukas hindi na lamang tayo makikita at mamahalin tuwing buwan ng Hunyo.
Sa dulo ng lahat, hindi naman tayo humihingi ng malawak na entablado. Ang nais lang natin ay ang kalayaang magmahal—tahimik man o lantad, lihim man o hayag—nang walang takot, nang may paggalang, at higit sa lahat, nang may pag-unawa.
Ngayon, ikaw… hanggang kailan mo ikukubli ang pag-ibig na ‘yong itinatago?
Sa lipunang matagal na raw tayong tanggap, kailan mo hahayaang makita ka—hindi bilang lihim, kundi bilang taong may tapang at paninindigan sa pagmamahal?
Sapagkat ang tunay na pag-ibig, kahit hindi nakikita, ay hindi kailanman dapat ikahiya.
Dahil ang pagmamahal—ano man ang anyo nito—ay hindi kasalanan.
Artikulo: Vien Torres
Grapiks: Aldreich Pascual
Comments