top of page

PUPCET 2026, sinimulan na; mahigit 20,000 aplikante lumahok sa unang araw

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 9 minutes ago
  • 3 min read

Sa gitna ng mababang pondo para sa pamantasan, umabot sa 20,840 aplikante ang kumuha ng Polytechnic University of the Philippines College Entrance Test (PUPCET) 2026 para sa unang batch sa PUP Main Campus, Sta. Mesa, Manila noong Linggo, Enero 18.



Ayon sa pinakahuling datos ng Communication Management Office (CMO), tinatayang nasa 135,000 aplikante ang nagpasa ng aplikasyon mula sa iba’t ibang kampus ng pamantasan. Habang humigit-kumulang 12,000 freshmen naman ang inaasahang tatanggapin ng PUP Sta. Mesa Campus mula sa libu-libong aplikante nito. 


Samantala, bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga examinees at kanilang kasama, ipinatupad ng pamantasan ang pansamantalang road closure sa kahabaan ng Teresa at Anonas Street, mula Nuestra Señora de Salvacion hanggang sa PUP Main Campus, upang bigyang-daan ang libu-libong kukuha ng pagsusulit sa magkakahiwalay na araw nito. 


Isinagawa ang pagsusulit sa mga classrooms ng East at West Wings ng Main Building at piling classrooms sa PUP Laboratory High School. Nahati ito sa apat na cluster, kung saan tumatagal ng isang oras at labinlimang minuto ang bawat exam, na sinimulan bandang alas-8 ng umaga at nagtapos nang pasado alas-5 ng hapon.


Nagpatupad din ang pamantasan ng mahigpit na security measures, kabilang ang limitadong pagpasok sa kampus at “One Companion Policy” para sa mga aplikante.


Limitadong Badyet, Hamon sa PUP


Sa kabila ng mataas na bilang ng aplikante, nananatiling hamon pa rin ang usapin ng mababang pondong nakalaan para sa pamantasan.


Matatandaang kamakailan lang ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ₱3.7 bilyong pondo ng PUP, higit na mas mababa sa inihain nitong ₱12.7 bilyon, na nagresulta sa tinatayang ₱9 bilyong kaltas sa panukalang badyet ng pamantasan.


Kaugnay nito, noong ikatlo at huling pagbasa ng kamara, nasa mahigit ₱115 milyon lamang ang nadagdag sa ₱3.6 bilyong pondo ng PUP na naunang aprubahan sa ikalawang pagbasa.


Bagamat bahagyang tumaas ang badyet ng 10.72% kumpara sa nakaraang taon, ang limitadong pondo na ito ay inaasahang magdudulot pa rin ng kakulangan sa pasilidad, kagamitan, at limitadong espasyo para sa higit 95,000 na mag-aaral sa lahat ng 25 kampus.


PUPCET: Tulay ng Pangarap


Para sa ilang aplikante, ang PUPCET ay nananatiling pangunahing daan upang makapasok sa libreng pampublikong edukasyon. Ayon kay Eunice S. Alberto, PUPCET taker at anak ng isang OFW, wala silang sapat na kakayahan na gumastos sa pribadong unibersidad para sa kolehiyo, at higit na mababawasan ang bigat ng gastusin ng kanyang ina kung sakaling makapasok siya sa Sintang Paaralan.


“One of the reasons po is yung mama ko po is OFW and we don't have that enough income po. So parang mas makabawas po sa gastusin since yung mama ko po [ang] sumasagot po sa family ko po and sa family po ng parents ko po.”


Dagdag pa niya, simula pagkabata ay pangarap na niya ang maging isang arkitekto kung kaya't maganda at higit na makatutulong ang PUP sa mga katulad niya na nagnanais kumuha ng  architecture program.


Samantala, ilang magulang din ang naghanda para sa PUPCET at gumising pa nang maaga para sumuporta at samahan ang kanilang mga anak, isa na rito si Rikki Tolentino na naniniwalang disiplinado ang mga mag-aaral sa state university at tunay na maganda ang kalidad ng edukasyon dito.


“Siyempre, kasi aside from libre… quality naman [ang] education dito. At the same time, I believe na ‘pag state university, iba talaga yung discipline ng mga student.”


Mariing pinapaalalahanan ng pamantasan ang bawat aplikante na dalhin ang kanilang test permit, school ID, at lapis sa araw ng pagsusulit. 


Nakatakdang isagawa ang mga susunod na batch ng exam sa Pebrero 8, 22, at Marso 8 sa parehong kampus. Samantala, patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang mga kampus ng Quezon City, Taguig, San Juan, Caloocan, San Pedro, Sta. Rosa, Biñan at Leyte.


Binigyang-diin ng administrasyon na libre ang pagkuha ng PUPCET at iginiit na ang anumang pangongolekta ng pera mula sa hindi awtorisadong kawani ng unibersidad ay maituturing na iligal.


Inaasahang lalabas ang opisyal na resulta ng PUPCET 2026 sa buwan ng Hunyo, tatlong buwan matapos ang eksaminasyon. 



Article: Khloe Recreo at Mark Jay Tarrobago

Graphics: Jan Mike Cabangin 


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page