Init, ingay, usok, gutom, at matinding trapik ang tipikal na pagsubok na sinusuong ng mga tsuper sa kanilang pamamasada araw-araw. Tuwing rush hour ay dagsa ang pasahero sa mga terminal, sa pilahan man ng dyip sa Stop & Shop sa Sta. Mesa, himpilan ng tricycle sa may Pureza, o paradahan ng mga modern jeep sa Shopwise, Cubao.
Sa araw-araw na kalbaryo, may isa pang krus na kailangan nilang pasanin. Patuloy at mas pinalawak pa ang pagsulong ng pamahalaan sa Public Transport Modernization Program (PTMP) na pinangangambahan ng maraming tsuper at operator dahil sa posibleng pagkawala ng kanilang hanapbuhay.
Layon ng naturang programa na gawing mas moderno, ligtas, at makakalikasan ang kasalukuyang pampublikong transportasyon ng bansa, ngunit pag-alma ng mga tsuper at mga komyuter ang kinahinatnan nito.
Sa Sta. Mesa
Oras ng siesta, hindi alintana ni Tatay Orlando, 53 taong gulang, ang tirik na araw ng katanghalian habang matiyagang nakatigil sa pila ng mga jeep sa kahabaan ng Old Sta. Mesa sa Maynila.
Sakripisyo ang oras ng pahinga at pagkain, babaybayin niya ang lansangan upang mamasada matapos ang mahabang hintayan. Punuan kasi ang sistema. Hindi siya maaaring umalis hangga’t hindi pa puno ang kaniyang jeep.
Biyaheng Parang-Cubao-Stop & Shop ang jeep ni Tatay Orlando. Mula nang matutong magmaneho noong kabataan niya, jeep na ang tumustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya sa loob ng 25 na taon. Kasama niya sa pamamasada ang kanyang asawang nagsisilbing konduktor.
Sa kabila ng makailang ulit na pag-ikot sa kanyang ruta, sapat lamang ang kanyang kinikita upang maitawid ang pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.
Gaya ng ibang jeepney drivers, paiba-iba rin ang kita ni Tatay Orlando kada araw. Tinatayang pumapalo sa 400 piso hanggang 1,000 piso kada araw ang mga kinikita ng jeepney drivers, ayon sa datos ng IBON Foundation.
Ngunit bukod sa mga karaniwang sagabal sa kalsada, isang balakid pa ang nakahambalang sa mga jeepney driver na kagaya ni Tatay Orlando at ito ang PTMP kung saan mapapalitan ng modernized units o e-jeeps ang mga tradisyunal na jeep.
Isa sa mga pangunahing probisyon ng programa ang consolidation ng prangkisa ng mga tsuper sa isang kooperatiba o korporasyon. Sa pinakahuling datos mula kay Andy Ortega, kalihim ng Department of Transportation (DOTr), 83% na umano ng mga jeepney sa buong bansa ang consolidated na.
Dagdag pa ni Ortega, 5% na lang umano ang tumututol sa programa. Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang strike ng transport groups na nagpapanawagang tuluyang ibasura ang PTMP.
Isa sa mga tumugon sa franchise consolidation ang kooperatiba ni Tatay Orlando. Aniya, napilitan na lang daw i-consolidate ng kanilang “boss” ang hawak niyang 15 jeepney units para patuloy na makapamasada. Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin maalis sa kaniya ang pangamba na baka balang araw, tuluyan din silang mawala sa kalsada.
“Kahit nga consolidated, ‘pag nagbago isip ng gobyerno ‘di ba? ‘Di naman kasi natin alam magiging desisyon ng gobyerno, pabago-bago,” ani Tatay Orlando.
Dagdag pa niya, kung sakali mang imandato na ng kanilang kooperatiba ang pagbili ng modern jeep, hindi nila ito kakayanin dahil hindi naman sapat ang kanilang kinikita.
“Kahit mga operator hindi kakayanin ‘yan,” saad ng kaniyang asawa.
Ayon pa kay Tatay Orlando, mariin niyang tinututulan ang modernisasyon dahil ang mga traditional jeepney na ang kinagisnan ng mga pasahero. Bukod pa rito, ito na rin ang kaniyang naging hanapbuhay sa loob ng mahabang panahon.
Dagdag pa niya, isa rin siya sa libo-libong aktibong tsuper na nakikilahok sa mga transport strike na isinasagawa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa pangunguna ni Ka Mody Floranda kasama ng PUP Community.
Sa Pureza
Nagsisilbing isa sa pangunahing moda ng transportasyon sa bansa ang mga tricycle. Sa PUP, naihahatid sa halagang sampung piso kada pasahero at napagkakasya sa isang tricycle ang limang estudyante mula sa Main Campus papunta sa kalye Pureza at gayundin pabalik.
Makikita si Tatay Ronnie, 58 taong gulang mula sa Sta. Mesa, Manila, sa kahabaan ng pila ng tricycle sa kalye Anonas. Mula Pureza, madalian siyang pumipila rito para magsakay muli ng mga mag-aaral.
Sa loob ng higit dalawang dekadang pamamasada, ganito na ang kinagawiang buhay ni Tatay Ronnie. Hindi alintana ng mga kagaya niyang tsuper ang magpabalik-balik sa isang ruta maghapon lulan ng kaniyang tricycle unit na siya mismo ang nagpundar.
Mula alas sais ng umaga ay tinatantiyang nakakasampung ikot siya sa kalahating araw. Aniya, nakadepende sa dami ng mag-aaral ang kanyang naiuuwing kita. Kapag may pasok, umaabot ito sa isang libong piso, ngunit hindi pa kasama rito ang gasolina, pagkain, at iba pang gastusin.
Bagamat wala pang mandato na ibinababa para sa tricycle drivers, pinangangambahan niya nang sila naman ang susunod na pupuntiryahin ng programang ito.
Matatandaang isa sa mga layunin ng PTMP na palitan ng mga makinang Euro-4 compliant ang anumang uri ng pampublikong transportasyon, kabilang ang mga tricycle.
Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na pinapalitan ang kanilang mga makina. Matatandaang higit dalawang dekada na ang nakaraan nang magpatupad ang gobyerno ng kahawig na polisiya tulad ng Philippine Clean Air Act of 1999.
Pinangangambahan nilang maulit ang ganitong polisiya na nagpahirap sa kanila noon dahil sa pilit at mabilisang pagpapatupad ng gobyerno upang masunod ang pamantayan sa emisyon ng bagong milenyo.
Ngayon, isa na rin sa nagiging pangamba nina Tatay Ronnie ay ang katiyakan ng kanilang hanapbuhay. Patuloy kasi ang pagbibigay-halaga ng pamahalaan sa mga electric-centric tricycle unit na aniya'y hindi kakayanin ng kakarampot niyang kita.
Isa pang pangamba nila ay ang pagpapalit ng liderato sa lungsod dahil sa posibilidad na tuluyang mas maging mahigpit ang gobyerno sa kanilang polisiya.
“May pangamba s’yempre dahil sila ‘yong ‘project’ ng Maynila. Hindi natin alam kung ano ‘yong iisipin ng bagong mamumuno. Para sa amin, mahal, wala kaming ipapambibili ng gan’ong klase ng motor. ‘Yong tulong hindi naman sasapat, ikaw pa rin talaga ang sasalo,” ani Tatay Ronnie nang tanungin ukol sa posibleng epekto ng mga e-trike at modernisasyon sa kanilang kabuhayan.
Pabor man siya sa planong modernisasyon ng pamahalaan, kinakailangan pa rin nila ng sapat na tulong para makasabay sa minamatang pagbabago ng gobyerno.
Sa Cubao
Kung may maituturing na bunga ang programang modernisasyon ng gobyerno, marahil isa na rito ang bagong hanapbuhay ni Kuya Melito, 35 taong gulang, na apat na araw pa lang bilang e-jeep driver sa rutang Montalban-Cubao nang makapanayam.
Dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia at trailer truck driver si Kuya Melito. Aniya, nakakatatlo hanggang apat na ikot sila ng biyahe depende sa trapiko na nagsisimula ng alas sais ng umaga hanggang alas dose ng hatinggabi.
Isa sa araw-araw na kalbaryo ng mga manananakay ng e-jeep lalo na tuwing rush hour ang siksikan, pati na ang mga nagtatayuang pasahero na pilit ipinagkakasya ng konduktor hangga’t may espasyo pang natitira. Mainit at masikip man, pilit na lang itong tinitiis ng mga pasahero makauwi lang sa kani-kanilang tahanan.
Ayon kay Kuya Melito, ginagawa nila ito para kumita. May target kasing “quota” na dapat maabot ang kanilang araw-araw na pamamasada kaya pinupuno nila ang modern jeep sa kabila ng reklamo ng ilang mga pasahero.
Ipinatutupad ang “quota system” na ito ng mga e-jeep sa kada umiikot na unit. Kung ang mga traditional jeepney driver ay naiuuwi ang kanilang kita, iniaabot muna ng mga e-jeep driver ang kita sa pinuno ng kanilang kooperatiba. Ang sistemang ito ang paraan ng mga kooperatiba para matugunan ang napakalaking gastos sa pag-angkat ng isang e-jeep unit.
Dapat maabot nila ang target na kita na kadalasa’y nasa 3,500 hanggang 4,000 piso kada araw. Sa 4,000 pisong kita, 700 piso ang maiuuwi ng isang e-jeep driver. Kung hindi naman maabot ang quota sa isang araw dahil sa matumal na sakay at trapiko, pumapalo lamang sa 500 piso ang naiuuwi nila sa buong araw na pamamasada.
Sa ilalim ng PTMP, ganitong sistema na ang haharapin ng mga tsuper. Sa pagdami ng mga unit, pinangangambahang mas pahirapan ang pag-abot ng quota na kalauna’y magdudulot ng taas-pamasahe. Dagdag pa rito ang mas mahal na gastos sa maintenance dahil kailangang imported ang mga piyesa na aakma sa mga unit na inangkat sa ibang bansa.
Dalawa hanggang tatlong oras sa araw-araw ang iginugugol ng karamihan sa mga Pilipino sa biyahe. Ayon sa Japan International Cooperation Agency, tatlo’t kalahating bilyong piso ang nawawala kada araw sa patuloy na krisis ng pampublikong transportasyon at malalang trapiko sa bansa, halagang maaari pang pumalo ng triple sa taong 2030.
Matagal nang inilinaw ng mga transport groups na sila ay pabor sa planong modernisasyon. Talagang hindi lamang sila makapapayag na ang mga naghaharing-uri at dayuhan lamang ang makikinabang dito, lalo na dahil sa pag-angkat ng milyong pisong modernized units.
“Pumapayag naman kasi sa modernization, kung ano ‘yong gusto nilang ibigay. Maliban lang sa consolidation dahil mawawalan kami ng karapatan sa matagal na naming pinaghirapan na unit,” turan ni Jaime Caseñas, isang jeepney driver mula sa Manibela.
Pangunahing panawagan din ng mga tsuper ang pagbigay-pansin sa local manufacturers na magpasahanggang-ngayon ay hindi inaaprubahan. Ani Manibela chairman Mar Valbuena, sumusunod naman sa pamantayan ang mga unit na gawang-Pinoy at higit na mas mura. Nagkakahalagang 600,000 piso ang mga gawang-lokal na modernong dyip kumpara sa 2.8 milyong pisong angkat mula sa mga banyaga.
Matagal nang daing ng mga tsuper na mapansin ang kanilang hinaing nang sa gayo’y hindi akuin ng mga komyuter ang gastos sa modernisasyon sa pagtaas ng pamasahe. Anila, sa ganitong paraan ay magiging “win-win” ang PTMP nang hindi nailalagay sa pangamba ang kabuhayan ng mga tsuper at operator.
Kaya sa pangamba ng PTMP, patuloy na umuugong ang mga panawagang “serbisyo sa tao’y huwag gawing negosyo” at “sa laban ng tsuper, lagi’t laging kasama ang komyuter” mula Sta. Mesa hanggang sa iba’t ibang sulok ng bawat lungsod.
Artikulo nina: John David Parol at Paul Bryan Bio
Grapiks: Ramier Vincent Pediangco
Commentaires