top of page
Writer's pictureThe Communicator

‘Presto!’: Suyat, hinirang na Outstanding Faculty ng COC sa PESDI 2023

"Always be a student kasi hindi ka makakapagturo talaga kung hindi ka estudyante." 


Hinirang na Outstanding Faculty ng College of Communication (COC) si Associate Professor Prestoline Suyat sa Professional Enhancement Skills Development Incentive (PESDI) Awarding Ceremony sa Bulwagang Balagtas noong Nobyembre 13.



Sa temang “Dangal ng Bayan, Kawaning PUPian,” pinarangalan ang mga guro at kawani ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa kanilang natatanging kontribusyon sa pamantasan at sa akademya. Ang PESDI ay bahagi rin ng pagdiriwang sa ika-120 Founding Anniversary ng pamantasan.


"Kailangan laging learning, lagi kang nag-aaral para may maituturo ka sa mga students mo," ani Suyat sa isang panayam pagkatapos ng seremonya.


Sa loob ng higit 11 taon sa PUP, pakikinig ang naging sandigan ni Suyat sa pagtuturo. Ang tiwalang ibinibigay ng mga mag-aaral sa kanya ang nagsisilbing inspirasyon para pagbutihin ang kanyang trabaho. Bilang isang guro, sinisiguro niyang epektibo at makabuluhan ang bawat leksyon. Kwento pa niya, ilan sa mga paraan niya ang pagpapaganda ng kanyang presentation slides, paghahanda ng mga aktibidad na magpapalalim sa pagkatuto ng mga mag-aaral, at mentorship.


“Dumadating ‘yong point talaga na beyond sa pagtuturo ‘yong papel ng guro.”


Sa panahon ng krisis o personal na suliranin, ibinahagi niya na nagsisilbi rin siyang tagapakinig sa kaniyang mga mag-aaral bukod sa pagtuturo. Binibigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbibigay konsiderasyon at pagiging flexible sa pagtuturo, sapagkat nauunawaan niyang may mga pagkakataong hindi nakakayanang tumugon ng mga estudyante dahil sa mga hamon at pagsubok na kanilang pinagdaraanan.


Para sa kaniya, ang pagiging guro ay hindi natatapos sa loob ng silid-aralan, kaya patuloy siyang gagabay at susuporta sa mga susunod na alagad ng midya, sa klase man o sa labas ng paaralan. 


Kilala si Suyat bilang propesor ng Department of Journalism (DOJ) at PUP Open University (OU), at kasalukuyang adviser ng The Communicator at MULAT Documentary Guild. Nagsisilbi rin siyang Editorial Section Chief ng Research and Publications Office (RPO) ng pamantasan. 


Lubos ang pasasalamat ni Suyat sa kanyang mga supervisor at chairperson at mga mag-aaral sa COC at PUP OU. Aniya, madalas rin siyang biruin ng mga katrabaho ng “How to be you?” dahil sa mga Outstanding Evaluation na natatanggap kada taon. 


Gayunpaman, para sa kaniya, ang karangalang natanggap ay hindi lamang isang pagkilala kundi isang hamon na magpatuloy sa pagbibigay ng makabuluhang kaalaman sa kaniyang mga estudyante.


Sa kabila ng mga hamon sa propesyon, pahayag ni Suyat na patuloy siyang magsusumikap na magturo nang may puso.


“Kasi isa itong misyon hindi lamang isang propesyon. Tinuturing ko itong isang misyon na gagawin ko hanggang nabubuhay ako.”


Tinanggap rin ni Suyat ang isang parangal kasama ang kapwa gurong sina G. Nikki Leonado Fabon at Assoc. Prof. Renalyn Valdez bilang Coach sa Philippine Journalism Research Conference (PJRC) - Students Category. Ang kanilang gabay ay nagbigay-daan upang makamit ni Cris Vilchez ng DOJ ang 1st Place sa Photo Essay Competition ng PJRC sa kanyang entry na “Lubog sa Floating Area” noong 2023. 


Pinarangalan din sa PESDI sina Dr. Angelina Borican, Assoc. Prof. Kim Bernard Fajardo, Asst. Prof. Lailanie Teves, at G. Jairo Bolledo bilang Coach sa kaparehong patimpalak matapos makamit ng kolehiyo ang Top 2 News Feature at Top 3 Documentary. 


Bukod pa rito, kinilala rin sina Assoc. Prof. Arapia Ariraya, Dr. Edna Bernabe, Assoc. Prof. Milagros Dela Costa, Bb. Princess Esponilla, Assoc. Prof. Kim Bernard Fajardo, Dr. Ma. Pamela Grace Muhi, Asst. Prof. Sonny Versoza, at Assoc. Prof. Kriztine Viray sa kanilang natatanging paggabay matapos magawaran ng Most Child-Friendly Documentary Award ang kolehiyo.


Article: Jannine Lagbawan

Graphics: Ericka Castillo

Commentaires


bottom of page