top of page

Pista de Peligro: Pasko ng Pilipino

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 7 hours ago
  • 4 min read

Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamakulay at pinakamasayang pagdiriwang ng kapaskuhan sa buong mundo. Ngunit kaakibat nito ang iba’t ibang suliranin tulad ng trapiko at pagtaas ng mga bilihin sa merkado na hindi naman na bago sa mga Pilipino. Kaya bakit idadahilan ang kapaskuhan sa matagal naman nang palpak na sistema ng gobyerno? 


ree

Malaking pagdiriwang ang kapaskuhan sa masang Pilipino, mula sa mga parol, pailaw, at tugtuging pampasko.  Ito ang araw kung saan kumpleto ang pamilya sa hapag kainan na mayroong mga putahe na pagsasaluhan, suot ang bagong mga damit na binili ni nanay at masayang idaraos ang gabing ito. Ito ang mukha ng pangmasang Pasko noon. Pero dahil sa sistema ng lipunan ngayon, nikatiting na pagsasaluhan sa selebrasyon na ito ay hirap nang hagilapin ng mga nasa laylayan.  


Kamakailan lamang ay naglabas ng pahayag ang Department of Trade and Industry (DTI) na tila malayo sa reyalidad ng mga Pilipino, maaari daw magdiwang ng Noche Buena ang pamilyang Pilipino sa halagang P500. Kung titignan natin, malaking halaga na ito para sa mga sumasahod bilang ‘minimum wage earner’, pero sa taas ng presyo ng mga bilihin sa  bansa, katatwang marinig na pinagpipilitan ng ahensya na sapat na ang halagang ito na tila ba ngayon lamang tayo magdiriwang ng pasko. 


Kahit magbase pa sa Noche Buena price guide na inilabas ng DTI ang mga Pilipino—na ang listahan ay hindi naman pangunahing kailangan sa handaang pampasko—hindi pa rin sapat ang P500. Sa halaga pa lang ng baboy na hindi bababa sa P335 kada kilo, wala pa ang ibang mga rekado, wala ng matitira sa badyet mo. Hindi kumpleto ang paskong pinoy kung walang salad na puno ng makukulay na prutas na kukunsumo ng P280, ang Spaghetti na mapula at maraming hotdogs at keso sa halagang hindi bababa sa P180, dagdag pa ang mga ulam tulad ng Menudo, Afritada, Adobo, at marami pa. 


Palibhasa, pilit pinapalimot ng gobyerno sa bawat Pilipino na ang espesyal na selebrasyon ng araw na ito ay usapin ng maraming pagkaing ipagpapasalamat, gabing hindi makakalimutan ng mga bata, at kakaiba sa mga araw na nagdaan ngayong taon. Hindi ito isang petsa de peligro sa kalendaryo na mairaos lang, ayos na. 


Sa kabilang banda, kahit pa idahilan ng gobyerno na bumaba naman  sa 1.5% ang inflation rate noong Nobyembre, mula sa 1.7% na naitala noong nakaraang buwan base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi pa rin naman ito randam ng masa. Lalo pa’t sanga-sanga ang mga nagpapahirap dito, mula sa gastusin sa pagkain, krudo, pamasahe,  kuryente, tubig—na libre sanang natatamasa ng taumbayan—at kung paano pa pinagkakasya ng mga ‘minimum wage earner’ o mga may kitang barya-barya ang araw-araw kahit hindi pasko o bagong taon. 


Hindi dapat natin kalimutan na marami pa rin ang mga Pilipino na walang trabaho. Ngayong Oktubre lamang, tumaas sa 5% ang datos ng unemployment rate sa bansa batay sa PSA, kung saan umabot ng 2.54 milyon ang mga Pilipino na walang trabaho—hindi hamak na mas mataas kumpara sa 1.96 milyon o 3.8% na bilang ng mga Pilipino noong Setyembre. 


Kaya isang malaking kabastusan hindi lang sa tradisyon ng kapaskuhan ang pahayag ng gobyerno, kundi maging sa mga Pilipinong naghihikahos upang maitawid ang pang araw-araw na gastusin. 


At kung hindi pa sapat ang pagkalabit ng DTI sa gatilyo ng pasensya ng mga Pilipino, huwag mag-alala dahil iniratsada rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang solusyon nila sa lumalalang krisis ng trapiko ngayong kapaskuhan. 


Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, isa sa mga dahilan ng mas nagpabigat ng trapiko sa EDSA ngayong kapaskuhan ay ang malawakang sale ng mga mall. Ngunit kung tutuusin, kahit hindi naman pasko nakakainit ng ulo ang buhol-buhol na trapiko sa bansa. Mas lumilitaw lamang ngayon dahil panahon ng kapaskuhan at may rason ang ahensya ng gobyerno na ituro itong dahilan. 


Base sa MMDA, hindi bababa sa 3.6 milyon ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa mga kalsada ng Metro Manila araw-araw ngayong taon. Kaya isang mababaw na solusyon ang pagbabawas ng mga “sale” sa mall dahil ang trapiko ay matagal nang nakaugat sa problema ng bansa. Mula sa pagiging car-centric ng lipunan natin kung saan mas marami pa ang mga pribadong sasakyan kaysa sa aksisableng pampublikong transportasyon, hanggang sa poor urban planning na hindi umaangkop sa mga napapanahong pangangailangan sa pagdidisenyo ng mga lungsod.  


Kaya kahit pa may mga panukala na pilit isinusulong upang mapagaan ang trapiko tulad ng “No Garage, No Car Policy,” mananatiling umuusok sa galit ang mga byahero kung hindi naman ito pipiliing isabatas ng gobyerno.


Kaya’t bilang resulta ng bulok na sistema ng pampublikong transportasyon,  nauudyok ang mga indibidwal na bumili ng kanilang sariling mga sasakyan. Sino ba naman nga ang nanaising makipagsiksikan sa Light Rail Transit (LRT) o Metro Rail Transit (MRT) na parang sardinas, o maipit sa mausok na lansangan sa kamaynilaan, kung kaya mo namang bumili ng sariling sasakyan? Sabi nga ni MMDA Chairman Artes, pwede naman tayo gumamit ng bus carousel, LRT, at MRT—oo, kung kasing haba ng trapiko sa EDSA ang pasensya na meron tayo. 


Ang mga palpak na solusyon ng gobyerno ang mas nagpapalala sa trapiko kahit hindi pasko. Maaalala natin ang planong pagpapasara sa EDSA Bus lane upang gumaan daw kuno ang trapiko, kahit na sa isang bus hindi bababa sa 55 na pasahero ang pwedeng makasakay. Idagdag na rin natin ang hanggang ngayo’y gumigipit sa mga tsuper na huwad na PUV Modernization Program, na naglilimita sa mga ito na pumasada. Kaya sa huli, komyuter ang nagdurusa dahil sa kakulangan ng mga sasakyang pangmasa . 


Ang mga isyung pilit pinagtatakpan ng gobyerno ngayong kapaskuhan ay hindi na bago sa lipunan natin. Isa itong sistemang deka-dekada nang nagpapahirap sa mga Pilipino kahit walang pista—sistemang nakaugat sa gobyernong iisa lang ang mukha: ang pagtiisin sa hirap ang taumbayan. Isang patunay lamang na hindi natutugunan ng pamahalaan ang problema ng bansa, dahil paano nga ba masosolusyunan ng mga kinauukulan ang problemang hindi naman nila nararanasan? 


Walang isyung panlipunan ang masosolusyunan kung hindi kinokonsulta ang taumbayan na siyang pinakanaaapektuhan. Mga problemang hindi ramdam ng mga nasa kapangyarihan na siyang nagpapakasasa sa yaman na galing din sa kaban ng bayan. Kaya wala tayong maaasahan na solusyon mula sa mga taong bulag at nagbibingi-bingihan sa peligro ng taumbayan. 


Hangga’t patuloy na pagpipiyestahan ng pamahalaan ang sa kanila'y masarap na kapangyarihan, hindi rin matatapos ang mapait na pagdurusa ng sambayanan. At hangga’t nagpapatuloy ang nakagawiang paraan sa pagpili ng mga lingkod-bayan, hindi lamang diwa ng kapaskuhan ang mananakaw, kundi pati na rin ang magandang kinabukasan na dapat tinatamasa nating mga ordinaryong mamamayan.


Artikulo: Roselle Ochobillo

Dibuho: Kaiser Aaron Caya

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page