Malinaw na isa lamang palabas, pagpapakita ng kapalpakan ng pamumuno sa bansa, at pagpapairal ng kanilang mga pansariling interes ang nangyayaring girian sa pagitan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte. Pinatutunayan lamang nito na hindi sa kapakanan ng taumbayan nakatuon ang pansin ng dalawang may pinakamataas na posisyon sa bansa, kundi sa kapangyarihan na kanilang tinatamasa habang sila ay nasa pwesto.
Simula noong Nobyembre, patuloy pa ring iniimbestigahan ang walang takot na pagbabanta ng bise presidente sa pangulo, maging kina House Speaker Martin Romualdez at First Lady Liza Marcos. Ilang mga pagdinig na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hindi sinipot ng bise presidente, tanda ng hindi nito pagrespeto sa sistema ng hukuman at pagsasawalang-bahala sa pagkondena sa kaniya ng pangulo, na matatandaang naging katambal niya noong nakaraang eleksyon.
Bagama't seryosong usapin ay katawa-tawang isiping hindi na agad naisakatuparan ng Marcos at Duterte tandem ang kanilang paulit-ulit na pangakong “UniTeam.” Sa nangyayaring pagtatalo na may halong pagbabanta ngayon—hindi lamang sa pagitan ng dalawa kundi pati na rin sa kanilang mga pamilyang patuloy na namamayagpag sa pulitika—ay masasabing hindi na nila naibibigay at naisasagawa ang talagang kailangan ng bansa.
Nariyang hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) noong panahon ng war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Datapwa’t nagsimula na ang mga pagdinig tungkol dito, magpahanggang-ngayon ay hindi pa rin hinahayaan ng pamahalaan na imbestigahan ito ng International Criminal Court (ICC) kung kaya't patuloy pa ring namumuhay nang normal ang dating pangulo at mga kasabwat nito na tila walang kinakaharap na kaso at mga reklamo.
Bukod pa rito, mabagal din ang pag-usad ng pagsisiyasat sa mga korapsyong kinasasangkutan ng bise presidente sa kabila ng mga malinaw na ebidensya. Ilan lamang dito ay ang mga datos ng Commission on Audit (COA) sa kwestyonableng paggastos sa milyon-milyong pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito, pati na rin ang mga inilabas na katunayan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa kawalan ng pagkakakilanlan ng mga nakatanggap sa pinamahaging “confidential funds” ng OVP.
Nadaragdagan din ang mga inihahaing impeachment complaint laban kay Duterte, ngunit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin naisusumite ang tatlong naunang reklamo sa House of Representatives. Para saan pa’t patuloy na nagkakaroon ng imbestigasyon sa kaligtasan ng pangulo gayong usad-pagong naman ang pagsusuri sa mga impeachment complaint laban kay Duterte na siyang nagbanta kay Marcos at walang-pakundangang winawaldas ang kaban ng bayan?
Marahil ay mahalaga nga ang seguridad ng pangulo na siyang pinakanamumuno sa bansa, ngunit hindi pa rin dapat isinasantabi ang panloloko sa taumbayan at milyon-milyong halaga ng pondong kinurakot ni Duterte tulad na nga lamang ng higit na P125 milyong confidential funds na ginastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong 2022, batay sa COA.
Samantala, alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 81 ng pangulo ay tinanggal bilang bahagi ng National Security Council (NSC) ang bise presidente sa kadahilanang hindi umano angkop sa ngayon na mapabilang si Duterte sa nasabing konseho na may tungkuling tutukan ang seguridad ng bansa. Kung iisipin, bagama’t nasa katwiran naman ang naging hakbang na ito ni Marcos ay kwestyonable pa rin ito. Ginawa nga ba niya talaga ito para sa kaligtasan nating mga Pilipino o sadya lamang na umabot na sa kasukdulan ang alitan nila ng bise presidente?
Malinaw ring sa ganitong pamamaraan ay ginagamit na ni Marcos ang kaniyang kapangyarihan upang itira sa kaniyang tabi ang mga kakampi at patuloy na alisin ang sinumang sumasalungat sa kaniyang pamumuno. Kung tunay niyang iniisip ang kapakanan ng bansa ay hindi rin dapat niya tinanggal ang ilang dating pangulo na noon pa man ay kabilang na sa NSC at maaari pa sanang makapagbigay ng mga suhestiyong makatutulong upang maprotektahan ang bansa. Isa pa, hindi rin naman matitiyak ang pambansang seguridad kung sa loob pa lamang ng pamahalaan ay may gulong patuloy na lumalaki’t nagdudulot ng komplikasyon sa pagkakaisa.
Sa estado ng pamahalaan, anong aasahan natin sa gobyernong puro bangayan ang solusyon sa paghihirap ng taumbayan?
Kung susumahin, lubhang nakadidismayang habang nagkakaroon ng isang mala-pelikulang girian sina Marcos at Duterte, patuloy naman sa pagtangis ang mga kababayan nating matagal nang humihiling ng hustisya, naghihintay ng trabaho upang may makain ang kanilang mga pamilya, at umaasang magkaroon ng aksesableng edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Indikasyon din ito ng hindi nila pagtalima nang maayos sa kanilang mga tungkulin bilang lider ng ating bansa at patuloy na paglihis sa tunay, tama, at dapat na layunin ng pamumuno.
Bilang mga Pilipino, nararapat na humingi tayo ng pananagutan. Hindi dapat tayo nagpapabulag at naeengganyo lamang sa kanilang mga nagiging sagutan, bagkus ay gamitin natin ito bilang pagpapatunay sa bawat kapalpakan ng pamahalaan. Irespeto natin ang mga inihahaing reklamo laban kay Duterte at patuloy na kalampagin ang administrasyong Marcos sa mga kasong pilit ibinabaon sa nakaraan. Marapat na humingi rin tayo ng maayos at konkretong plano at mga proyekto mula sa kanila lalo pa’t nasa panibagong taon tayong muli.
Higit sa lahat, huwag nating hayaan ang ating mga sariling pinanonood lamang sila sa isang pelikula ng kapalpakan kung saan sila ang mga karakter na nagbabangayan, umaabuso sa kapangyarihan, nagnanakaw sa kaban ng bayan, at pansariling interes lamang ang ipinaiiral.
Artikulo: Earies Porcioncula
Dibuho: Jan Mike Cabangin
Комментарии