top of page
Writer's pictureThe Communicator

Pasko ng Magkaibang Mundo: Ang Liwanag ng Lungsod, Anino ng Kanayunan

Christmas lights, christmas tree, mga parol, puto bumbong, bibingka, lechon at iba pang masasarap na pagkain; iilan lamang iyan sa mga madalas nating makita tuwing simula ng Disyembre bilang simbolo na nalalapit na ang pinakahihintay na kapaskuhan. 



Sa kulturang Pilipino, kahit nga wala pang Disyembre o di kaya’y sumapit lang ang ber months may mga naglalagay na ng dekorasyong pampasko. Maging sa Sintang Paaralan, bago pa magsimula ang Disyembre, maliwanag at kumukutitap na ang mga pailaw na masasaksihan tuwing pagkagat ng kadiliman.  


Ganito sa Pilipinas, higit na maliwanag tuwing nalalapit ang kapaskuhan, lalo na sa lungsod, nandito kasi madalas ang mga may pera. 


Pero paano naman kaya sa kanayunan? Sa bukid, sa baybayin? Sa lugar kung nasaan ang mga magsasaka, at mangingisda, paano kaya ang pasko nila? 


Marahil, sa kinasanayang kaisipan ng mga Pilipino at hindi pagbibigay prayoridad ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda ay nagbubunga ng mababang kita na hindi kailanman mapapantayan ang hirap na kanilang ibinuhos. Marahil kaakibat ng mga salitang “magsasaka” at “mangingisda” ang salitang mahirap.


Ayon sa United States’ Department of Agriculture (USDA), ang Pilipinas ay inaasahan na maging pinakamalaking taga-angkat ng bigas sa buong mundo ngayong 2024. Hindi ba sobrang nakakatawa at nakalulungkot lamang isipin na kahit malaking bahagi ang mga magsasaka sa pangkalahatang populasyon ng Pilipinas ay sa ibang bansa pa rin tayo kumukuha ng bigas?


Mahal ba talaga ng mga Pilipino ang kapwa nila Pilipino?


Kasi kung oo, bakit napakahaba ng kasaysayan ng kawalang katarungan para sa mga magsasaka? Bakit patuloy ang mga reclamation projects na nakasisira ng kabuhayan ng mga mangingisda?


Sabi nga ng kaibigan ko, ilusyon lamang ang komportableng buhay. 


Nagtaka ako kasi naisip ko na mayroon namang mga mayayaman, ‘di ba? Hindi ba sila ang pinakamalinaw na halimbawa at representasyon ng komportableng buhay? 


Sabi niya naman, mayaman sila kasi may mahirap; nasasarapan sila kasi naghihirap ang  iba. Ngunit sa kabilang dako, mayaman sila dahil sa mahihirap. Mayaman sila dahil ang patuloy na kumakayod ay ang mga nasa laylayan, ang mga nagsasakripisyo ng kanilang oras kakabuhos sa paggawa sa maghapon upang patuloy na yumaman ang mga nasa tuktok. 


Ipinaliwanag niya na kung ang mga mahihirap ang dahilan ng kanilang pag-angat, balang araw ay masisingil sila, at ang ideya na ito ay ang sumasalungat at kumokontra sa perspektibo na komportable ang buhay ng mga mayayaman.


Dahil sa kasaganahan nila, mayroon namang mga naghihikahos at hindi tunay na may puso ang magi-isip na walang mali sa naratibo na ito. Ang mga salita n’ya ay tumatak sa’kin, hindi naalis sa isip ko ang punto na binitawan n’ya na nakapagpaalala sa akin na sa kabila ng masayang paghahanda natin sa paparating na pasko, mayroon pa rin palang kawalan ng katarungan sa bansa natin.


Hangga’t may tatsulok, may naaapi: at kapag may naaapi, patuloy na magiging ilusyon lamang ang komportableng buhay. Sa paglipas ng panahon, sana mabigyang halaga rin ang mga bumubuo sa malaking sektor ng lipunan. 


May bigas tayong kinakain dahil may mga magsasaka. 

May isda tayong hinihimay dahil may mga mangingisda.


Kasabay ng pagsasaya ng mga taga-lungsod dahil sa nalalapit na pasko, sana'y maipagdiwang din natin ang kasipagan at sakripisyo ng mga magsasaka at mangingisda sa kanayunan.


Sana sa susunod, maging totoo na ang konsepto ng komportable na buhay; para naman tuwing pasko, maramdaman din ng ating mga magsasaka at mangigisda ang totoong diwa ng pasko sa pamamagitan ng maayos na pasahod, mga resources, puwesto na magagamit nila sa kanilang hanapbuhay, tunay na reporma sa lupa, at suporta ng kapwa natin Pilipino sa pagtangkilik ng mga produkto at serbisyo na alay nila. 


Sana sa mga susunod na pasko ay hindi na lamang sa lungsod maliwanag, sana maging sa kanayunan din.


Artikulo: Jeserie Joy Ilao

Grapiks: Emar Lorenz Samar

コメント


bottom of page