Tuwing sasapit ang ber months, buhay na buhay ang konsepto ng kapaskuhan sa bansa. Makikita sa bawat bintana ng mga kabahayan ang mga umiindayog na ilaw ng kani-kanilang christmas lights, ang kaliwaan na tugtugan ng mga pamaskong awitin, at mga paslit na abot tenga ang ngiti habang pinatutunog ang kani-kanilang instrumentong gawa sa tansan, goma, at lata.

Ilan lamang ito sa mga maliliit na bagay na naging basehan ng pagkabuhay ng diwa ng Pasko sa bansa. Kasabay ng mga ito ang muling pagiging bukambibig ng karamihan—si Santa Claus.
Ika nga ng mga nakatatanda, tuwing papalapit ang Pasko, sumulat ka daw ng iyong mga hiling sa isang pirasong papel at ilagay ito sa medyas na nakasabit sa pinto. Kasi raw, tuwing hatinggabi, dumaraan ang manong na nakasuot ng pula at may mahabang balbas. Siya raw ang nagbabasa ng mga hiling na nakasabit sa bawat medyas sa bawat tahanan, dala ang mahika ng Pasko, at ang pangakong magbibigay katuparan sa mga pangarap.
Marahil noong bata ka, sabik na sabik ka tuwing Pasko, dahil nakatatak na sa iyong isipan na kayang ibigay ni Santa ang lahat ng iyong nais hilingin. At syempre, may kasabihan pa ang matatanda: kailangan maging mabait ka sa buong taon, dahil kapag nakita ni Santa Claus na ikaw ay naging mabuti, bibigyan ka niya ng isang malaki’t magarbong regalo.
Pero sa kabila ng pagiging mabuti sa loob ng isang taon, may mga batang hindi napagbibigyan, madalas makikitang nakatira sa barong-barong o sa tabi ng kalsada. Bakit kaya?
Si Santa sa mga Kapos-Palad
Siguro, may mali. Baka hindi maayos na medyas ang naisabit ni Totoy sa kanilang pinto. Baka kailangan niyang gumamit ng isa, pero wala na kasi siyang ibang mahanap—ang tanging pares na ginagamit niya sa tuwing pumapasok na lamang ang mayroon siya. Hindi niya kayang isugal na butasin ng pako ang nag-iisang pares na iyon, kaya't nang hindi natanggap ang kanyang hiling, baka iyon ang naging dahilan.
Bakit nga ba hindi kayang tuparin ni Santa ang simpleng hiling na pares ng tsinelas ni Ineng? Marahil wala silang tahanan. Paano nga ba isasabit ang medyas na naglalaman ng kahilingan kung ang malamig na semento ng bangketa ang nagsisilbing pahingahan nila tuwing gabi?
Bakit nga ba hindi kayang ibigay ni Santa ang hiling ni Bimbo na kendi? Hindi naman mabigat iyon, ‘di ba? Siguro, dahil hindi malinis na papel ang ginamit ni Bimbo para isulat ang kanyang kahilingan. Bakit nga naman, karton lang ng yosi ang mayroon sila. Sa kabila ng simpleng hiling, may mga bagay na tila hindi sapat—hindi dahil hindi karapat-dapat, kundi dahil sa mga kalagayan ng buhay na hindi nila kayang baguhin agad.
Bakit namimili si Santa?
Si Santa sa mga Nakatataas
Bakit kaya, kahit na naging pilyo o pilya ang ibang bata sa loob ng isang taon, sobra pa sa kanilang hiling ang tinutupad ni Santa? Siguro, dahil kay Santa, hindi lang ang kabutihan ang tinitingnan.
Magarbo pa! Nakalagay sa malaki, pula, at makintab na kahon ang regalong hiniling nila kay Santa. Parang isang himala, kahit na hindi sila laging mabait, sobra pa sa inaasahan ang kanilang natanggap.
Bakit si John, na madalas mang-alipusta ng kanyang mga kaklase, ay natanggap ang hiling na Xbox? Bakit si Christian, na hindi sumusunod sa kanyang mga magulang, ay nakuha pa rin ang ninanais na robot? Bakit si Amity, na panay ang irap sa nakatatanda, ay natanggap pa rin ang regalong manika?
Siguro, si Santa ay hindi lang tinitingnan ang mga pagkakamali at kahinaan ng bawat isa.
Marahil, sa kadahilanang may magarbo silang pintuan na pwedeng sabitan ng medyas, o kaya naman ay puti at bago ang medyas na ginamit nila sa pagpapahatid ng kanilang hiling kay Santa. O di kaya’y dahil may chimney sila kung saan inilulusot ni Santa ang regalo para sa mga bata. Siguro, para kay Santa, ang mga simbolo ng Pasko—tulad ng maayos na medyas, magagandang pintuan, at mga chimneys—ay nagsisilbing paalala ng mga tahanang puno ng pagmamahal at katayuan sa buhay.
Bakit may pinipili si Santa?
Santa, hanggang kailan?
Ganito ba si Santa, ang pinaniniwalaang mapagbigay na manong, na pinipili ang mapagbibigyan base sa laki ng perang kinikita ng magulang? Bakit mas madalas siyang mag-ikot sa mga subdivision kaysa sa kalye ng Maynila, ng Tondo, o di kaya ng Baseco?
Baka nga, dahil mas maluwag ang mga kalye sa Forbes Park at kasya ang kanyang kareta, kaya't madalas doon dumaan si Santa. Sa amin kasi, iskinita lang, kaya siguro madalang siyang mabisita.
Pero sana, sa mga susunod na Kapaskuhan, dalawin din kami ni Santa. Hindi naman niya kailangang ilusot pa sa chimney ang regalo niya sa amin—sapat na sigurong iwan niya ito sa labas ng pinto ng aming tahanan. Sa katunayan, sa mga kanto ng kalye, sa ilalim ng mga puno, at sa mga baryo ng mahihirap, may mga bata rin na may malalaking pangarap at pusong puno ng pag-asa.
Marahil ang mga batang tulad nina Totoy, Ineng, at Bimbo ay patuloy na hinihintay ang pagdating ng panahon ng pagbabago, na kahit ang pinakamaliit na pangarap ay may pagkakataong matupad.
Si Santa sa pagtanda
Sa usapan ng oras, madalas nagmamadali ang mga bata. Gusto nilang makuha ang mga bagay na ‘di nila naranasan nang sila’y maliit pa lamang—ito ang nag-uudyok sa kanila para hindi gawin ang pagsabit ng medyas at pagsulat ng hiling sa pirasong papel upang makatanggap ng regalo, at hindi na nila kailangan pang hintayin si Santa Claus para sumaya.
Sa kalagayan nila John, Christian, at Amity nais nilang tumanda para mas makapagpuyat, makapaglaro, at maranasan ang mga bagay na mayroon sila.
Sa kabilang banda, ‘di malilimutan ng kabataan na katulad nina Totoy, Ineng, at Bimbo ang mga karanasan tuwing sasapit ang pasko. Sa halip na regalo, kendi, panibagong pares ng medyas at tsinelas, at marami pang iba ang kanilang matanggap—natuto silang tumayo sa sariling mga paa sa murang edad buhat ng kahirapan, hindi dahil sa kagustuhan kung hindi dahil wala naman silang pribilehiyo.
Sa pagtanda ng bawat mamamayang Pilipino, marahan na nating paniwalaan na ang punot dulo ng problema ay ang mga maling akala at patuloy na pagbubulag-bulagan. Tulad ng paniniwala ng mga kabataan kay Santa, hindi matatakpan ng mahika ng kasiyahan, simbolismo ng kaantay-antay na okasyon, at kasiglahan ng kulay pula ang tunay na problema ng ating bansa.
Pasko ang mas nagpapatunay na mahirap maging mahirap.
Nawa’y dahan-dahan nating mapagtanto na mali ang ilan sa ating mga paniniwala nang tayo’y musmos pa sa kahulugan ng buhay. Si Santa ay nakasalalay sa sarili nating mga kamay, ating kamtin ang bawat daing at gusto ng ating mga “batang ako,” at pumili ng maayos, marapat, tapat, at mahusay na sistema.
Ang konsepto ng Pasko ay para sa kabataan, ngunit ang aral ni Santa Claus ay para sa karamihan. Kung tutuusin, hindi mo na kailangang maghintay pa ng labing-isang buwan at dalawampu't limang araw bawat taon upang humiling sa kanya. Dati, ang nais lang ay bisita ni Santa, ngunit ngayon, ang sigaw ng puso ng mga nasa laylayan—may okasyon man o wala—ay magkaroon ng pribilehiyo.
Artikulo: King David Manghi & Gerie Marie Consolacion
Grapiks: Brenan Jake Saylanon
Comments