‘Palabang Kween,’ itinampok ang laban ng kababaihan
- The Communicator
- 3 hours ago
- 2 min read
Ipinagdiwang ng PUP College of Communication Student Council (COC SC) ang huling araw ng Pambansang Buwan ng Kababaihan 2026 sa isang palaban at malalim na diskurso sa programang, PalaBANG Kween: Makabagong Kababaihan Laban sa Abuso at Pananamantala noong Marso 31 sa COC Audio Visual-Room (AVR).

Layunin ng programa na bigyang-pugay ang katapangan at pakikipaglaban ng mga kababaihan sa gitna ng mga sistematikong hadlang at diskriminasyon, sa pamamagitan ng panawagan para sa ligtas na espasyo, sa loob at labas ng pamantasan.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita ng programa sina Secretary-General ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Ka Mimi Doringo, Bahaghari PUP Chairperson Mx. Faith Delos Santos, Education Officer mula sa League of Filipino Students PUP Mx. Precious Colambo, Student Representative ng PUP Committee on Decorum and Investigation Mx. Wellyssa Torne, at PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) Vice President Tracy Ramos.
Sa kanyang pahayag, binigyang diin ni Doringo ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga kababaihan sa mga pagkilos sa gitna ng mga suliraning kinahaharap ng bansa, tulad ng pagtaas ng presyo ng langis, mababang pasahod, demolisyong nararanasan ng mga maralita, at pagtingin sa kababaihan bilang sekswal na bagay.
“Ang pagiging isang babae, ang pagiging isang militante, ay isang paglaban hindi lamang para sa kanyang sarili, hindi lang para sa kanyang pamilya kundi para sa lipunan.”
Pinalawak naman ni Torne ang talakayan tungkol sa pagkakaroon ng ligtas at komportableng espasyo para sa kababaihan sa loob at labas ng pamantasan.
“Nakakabahala kasi sa kabila ng napakaraming rights na meron tayo, batas, at mekanismo na meron ang gobyerno, hindi pa rin bumababa ang bilang ng mga ganitong kaso. Patuloy na tumataas ang VAWC lalo na with the emergence and prevalence of digital platforms,” saad ni Torne.
Dagdag pa ni Torne, maaaring lumapit at magreklamo ang mga kababaihan na nakakaranas ng misconduct, sexual harassment, at assault sa Committee on Decorum and Investigation (CODI).
Samantala, ipinaliwanag ni Colambo kung paanong lalong nalalagay sa alanganin ang kababaihan at mga bata sa gitna ng umiigting na imperyalismo at digmaan, lalo na’t hindi nila natatanggap ang nararapat na serbisyong pangkalusugan sa Middle East.
Dagdag ni Colambo, mahalaga ang pagtindig ng mga mag-aaral at pagsali sa mga pakikibaka upang masupil ang imperyalismong nagdudulot ng giyera sa mundo.
“Ine-encourage ko ang mga mag-aaral na sumama sa mga pang-masang organisasyon. At siyempre, huwag matakot na makibaka dahil ayon naman ang lugar nating mga kababaihan at kabaklaan.”
Bukod sa talakayan, nagkaroon din ng mga pagtatanghal kung saan nagpakita ng kanilang husay at talento ang grupong Movers and Motion, Sining Lila, Baby Alive, at sina Zephre Winx, Scyra Winx, at Jinxxi.
Ayon kay Abijah Villagomez, Overall Head ng PalaBANG Kween, binuo ang programa upang magsilbing boses ng kababaihan at maipabatid ang kanilang mga karanasan sa lipunan.
“Sa pagbuo pa lamang ng tema, malinaw na sa amin na hindi lamang ito dapat maging isang simpleng selebrasyon. Layunin naming gawin itong isang plataporma upang mas palakasin ang boses ng kababaihan at magbigay-linaw sa kanilang mga pang-araw-araw na danas.”
Bilang pagtatapos ng PalaBANG Kween 2026, kinilala ni Villagomez ang ambag ng mga babaeng nakibaka para sa lipunan, at hinikayat niya rin ang iba pang mga kababaihan na isapuso ang pagiging militante at lumabas sa mga pamantayan upang wasakin ang pasista, macho-pyudal, at mapang-abusong sistema.
Artikulo: Sherri Mae Fernandez
Grapiks: Kent Bicol



Comments