Pait sa Matamis na Pinyang Del Monte
- The Communicator
- 7 minutes ago
- 6 min read
Ang matatamis na pinya ng Del Monte Philippines ay karaniwang bunga ng pagsusumikap at ilang buwang pagtatanim ng mga magsasaka sa Bukidnon, ngunit mapait ang mga katanungang bumabalot sa lupang pinagtataniman ng mga ito.

Sa dokumentaryo ni Karen Davila na inilabas noong Nobyembre 27, ibinahagi ni Del Monte Philippines Chief Executive Officer (CEO) Joselito Campos ang mahahalagang benepisyong natatanggap ng mga empleyado, magsasaka, at kanilang pamilya mula sa pagtatrabaho sa kumpanya.
Kapalit ng mga pinya, ibinalandra ang libreng pabahay, tubig, kuryente, edukasyon, at gamot na nakalaan lamang para sa may regular na posisyon sa kumpanya, habang maraming uring manggagawa, magsasaka, at katutubong mamamayan ang napag-iiwanan pa rin sa mga pribilehiyong ito.
Marami ang humanga sa malasakit ng Del Monte kaya marami ang naengganyong tumangkilik sa mga produkto nito. Ngunit nagkataon lang ba na sa bisperas ng pasko inilabas ang dokumentaryo, kung kailan panahon ng malasakit at pasasalamat, o bahagi ito ng pagbuo ng imaheng “Maka-Pilipino”?
Ayon sa pag-aaral ni Inigo Acosta mula sa George Washington University, iilan sa mga naninirahan sa libreng pabahay ay mga katutubong mamamayan (indigenous people) na matagal nang nakakaranas ng exploitation at pagpapatahimik. Nakasangay ito sa pagpapabago ng Del Monte sa nakasanayang kultura ng mga katutubo.
Ang mga estratehiya ay bahagi ng tinatawag na “"corporate land control”" kung saan ang pwersahang pagpapalipat ng mga komunidad sa ibang lugar, libreng edukasyon, programang pangkalusugan at sanitasyon, at trabaho ay ginagamit bilang mekanismo upang patuloy na gamiting pangnegosyo ang lupa.
Maaaring kuwestyunin ang layunin ng dokumentaryo dahil kung ang midya ay pumalya sa pagiging mapanuri, malilito rin ang publiko sa kaibahan ng patalastas at balita.Ang propaganda ng nasa kapangyarihan ay magmumukhang ordinaryong impormasyon na nagpapabuti lamang sa imahe ng kumpanya.
Nabanggit sa ulat ng Global Witness, isang internasyonal na non-governmental organization (NGO) na lumalaban sa korapsyon at karapatang pantao, na ang kasalukuyang Mayor ng Quezon, Bukidnon na si Pablo Lorenzo III ay inakusahan sa panunupil ng mga katutubong aktibista. Isa siyang lokal na rancher at tagapamahala sa pagtubo ng pinya. Ilang taon niyang kasosyo sa negosyo ang Del Monte Philippines.
Noong Pebrero 2017, binaril sa ulo at namatay habang nagmamaneho ng motorsiklo kasama ang kaniyang asawa at limang taong gulang na anak si Renato Anglao, secretary-general ng Tribal Indigenous Oppressed Group Association (TINDOGA). Hindi nakilala ang tatlong lalaking bumaril sa kaniya dahil sa agarang pagtakas ng mga ito. Si Anglao ay kilala bilang aktibista na ipinaglaban ang pagsasauli ng kanilang lupa na ginagamit ng Montalvan Ranch, na siyang pagmamay-ari rin ni Lorenzo. Ang lupa ay may lawak na 12,000 hektarya at ginagamit para sa negosyong pang-agrikultura at plantasyon.
Iginiit ng TINDOGA na mga katutubong Manobo ang totoong may-ari ng ninunong lupa at inutang lamang ito ni Lorenzo sa kanila.
Noong Marso 2014, ang mga guwardya ni Lorenzo ay inakusahan din sa pagpatay ng aktibista sa isang protesta sa Montalvan Ranch. Dalawa naman ang naiwang sugatan. Lahat ay naturang mga miyembro rin ng TINDOGA. Hindi rin ito nabigyan ng lokal na hustisya.
Marami pa ang nabalitang pagpatay sa mga aktibista sa Bukidnon, tulad na lamang ng kaso ni Angelito Marivao, isang aktibistang lumaban sa pagpasok ng pagmimina sa Bukidnon, pagpatay kay Nedis Bacong na isang lider ng grupong magsasaka, at kaso ni Leah Tumbalang na isang Manobong aktibista.
Karamihan sa mga biktima ay hindi nabibigyang hustisya at maiuugnay rito ang paulit-ulit na kaso ng red-tagging. Ito ay sumasalamin sa kabiguan ng sistema na bigyang proteksyon ang mga aktibistang katutubo sa Bukidnon.
Sa kabila ng ebidensya, nagpatuloy ang Del Monte sa renewal ng mga kontrata kay Lorenzo. Isa ito sa mga desisyon na dumidiin sa etikal at legal na responsibilidad ng kumpanya hinggil sa proteksyon ng mga katutubong aktibista.
Sa imbestigasyon ng Global Witness, nagbigay ng panayam ang Del Monte kung saan sinasabi nilang wala silang sapat na kaalaman sa mga akusasyon laban kay Lorenzo. Iginiit nila na kung alam lamang nila, sana ay nasuri nila ito nang maigi at gumawa ng tamang mga hakbang.
Bagamat kinilala kahit papaano ng Del Monte ang isyu, hindi maipagkakaila ang kakulangan dahil sa dami ng naibalitang kaso at akusasyon laban kay Lorenzo. Ang red-tagging din ay hindi naman tago sa Bukidnon.
Mistulang bulag ang hindi nakakaalam sa mga nangyayari, dagdag pa ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa politiko tulad ni Lorenzo. Ito ay repleksyon ng pagsasawalang-bahala sa mga katutubo at tila pagkukunsinti sa manunupil.
Hanggang ngayon, maraming katutubong aktibista sa Bukidnon ang lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa para magamit ang lupain nila sa kanilang mga negosyo imbes na ang malaking kumpanya tulad ng Del Monte Philippines ang makinabang at kumita.
Kahit pa kapalit ng pagrerenta sa lupain ay maraming libreng benepisyo tulad ng tirahan, tubig, at kuryente, hindi nito matutumbasan ang mga kinitil na buhay na isinawalang bahala lamang ng kumpanya.
Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ang ninunong lupa ng TINDOGA ay hiniram ng unang gobernador ng Bukidnon na si Don “Manolo” Fortich para sa panginginain ng mga baka noong 1921. Matapos ang tatlumpung taon, hindi na ito isinauli, kaya itinuring itong “stolen land” o ninakaw na lupa.
Noong 2011, sinimulang gamitin ng Montalvan Ranch ang lupa kahit pa mawalan ng bisa ang permit nito. Sinubukang angkinin muli ng TINDOGA ang lupa sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga bahay ngunit pinagtangkaan ng mga guwardiya ang buhay nila at tinakot. Inakusahan muli si Lorenzo na inutusan ang mga guwardiya para sugpuin sila.
Simula palang, dapat ay inalam na ng Del Monte ang kasaysayan ng ilang hektaryang lupain sa Bukidnon dahil alam nilang maaaring makasira sa kanilang reputasyon ang pakikipag-ugnayan kay Lorenzo.
Hindi man Del Monte ang nanunupil sa mga katutubo, hindi pa rin maiiwasang isipin na mas angat sa isipan nila ang kapakanan ng negosyo.
Sa dokumentaryo ni Davila, ibinalandra ang 30,000 na hektarya ng lupa kung saan itinatanim ang libo-libong pinya. Ipinakita ang pahayag ng isang magsasaka at empleyado ng Del Monte na sinasabing masuwerte siya at kaniyang pamilya sa kumpanya dahil sa libreng bahay, edukasyon, kuryente, tubig, at medisina.
Sinabi naman ni Campos ang totoo na ang lupa ay hindi nila orihinal na pagmamay-ari. Ito ay hiram na lupa lamang na pagmamay-ari pa rin ng mga katutubo. Ngunit ang magandang imahe ay tinabunan na ang katotohanang pinakita lamang sa bandang dulo ng dokumentaryo.
Kung panonoorin ng ordinaryong mamamayan, hindi niya agad mauunawaan ang kasaysayan ng lupaing iyon. Masyadong nabigyan ng papuri ang kumpanya kumpara sa lupang tunay na pagmamay-ari ng mga magsasaka, katutubo, at mga benepisyaryo ng agrarian-reform.
Isinaad sa editoryal ng Explained PH, noong 2000s, ang mga empleyado ay kumikita lamang ng P5,150 kada hektarya bawat taon, kalahati ng kita ay napupunta sa amortisasyon. Ang tunay na buwanang kita ng magsasaka ay P429.
Ginagamit ng Del Monte Philippines ang lupa, malaki ang kinikita nila, pero bakit katiting lamang ang ambag nila sa mga empleyado lalo na sa mga magsasakang maghapong babad sa araw at ulan?
Karamihan sa mga magsasakang ito ay laki sa hirap, marunong magtiis, at kayang pagkasyahin ang kung ano ang meron sila sa isang araw kung kaya't nagmumukhang nakakahiya ang magreklamo sa kumpanya kung halos lahat ay ibinibigay na sa kanila nang libre.
Sa kabila ng iba pang kakulangan, nabubulag ang mga Pilipino sa kayang ibigay ng nakatataas, makaraos lamang sa buhay at may maipamanang karera sa mga anak.
Gayundin sa pagboto ng pulitiko, kung ang Pilipino ay abutan ng limang kilong bigas at tatlong libong piso, tinatanaw na nila ito bilang utang na loob. Marahil sa tingin nila ay makakakain sila dahil sa gobyerno. Sa Del Monte, hindi na nila lubos naiisip na ang kumpanya ay may pananagutan sa patas na upa at kabayaran. Kung susuriin, sapat na bang kapalit ang mga benepisyo sa ninunong lupa?
Marami pa rin ang matatapang na aktibista hindi lang sa Bukidnon, kundi sa buong Pilipinas na ipinaglalaban ang tunay na reporma sa lupa. Ngunit marami ang hindi naniniwala sa dumi ng pangalan ng Del Monte, dahil hindi naman lahat ay nakararanas ng libre.
Ang dokumentaryo ni Davila ay makatotohanan pa rin kahit patalastas pa ito. Hindi masamang ikuwento ang maayos na pagtrato sa mga empleyado ng Del Monte. Hindi rin maitatanggi na maraming naiaangat na buhay ang kumpanya.
Ngunit kung magkukuwento, sana lahat ng aspeto ng istorya ay maibahagi, ang mabuti at ang masama. Nararapat na lahat ng tanong ay masagot, dahil kung hindi, makikita lamang lalo na ayaw ng Del Monte humarap sa responsibilidad.
Dapat malaman ng mga tao ang kabuuan ng ugnayan ng Del Monte at ni Lorenzo. Kung paano nila hinarap ang mga kaso ng panunupil at pagpatay sa mga aktibistang nais lamang ng karapatan sa tinubuang lupa.
Ibahagi nila ang kinikita nila kada hektaryo, kung naibabalik ba ang sapat na halaga sa mga katutubo. Hindi matutumbasan ng mga benepisyo ang madugong kasaysayan kung saan pinili ng Del Monte ang manahimik.
Sa pagsagot ng tanong kung dapat bang i-boycott ang Del Monte, hindi naman kailangan. Ngunit kailangang matigil ang labis na papuri sa kumpanya na umaabot sa puntong parang walang nangyaring masama sa loob ng ilang taon nilang paglago.
Kung hindi bibili ang mga tao sa kanila, apektado rin ang mga magsasakang may dangal na nagtatrabaho para kumita araw-araw. Ang mga konsyumer namang bumibili sa kanila para makatipid ay mapipilitang pumili ng ibang produkto na hindi nakasanayan ng panlasa nila.
Ang Del Monte ay dapat may aksesableng pampublikong panayam tungkol sa kasaysayan nito. Maging bukas sana sila sa hinaing ng mga Pilipino, lalo na ng mga grupong katutubo. Dahil hanggang ngayon, marami sa mga kaso ay hindi naimbestigahan nang maayos.
Pumapasok din ang katanungan tungkol sa layunin ni Davila, kung siya ba ay gumawa ng dokumentaryo bilang peryodista o bilang tagapag-endorso?
Ang nais lamang ng mga tao ay magkaroon ng pananagutan ang mga sangkot sa panunupil sa mga aktibista sa Bukidnon. Magkaroon ng paninindigan ang Del Monte na sila talaga ay para sa masa.
Artikulo: Angel Camille Dio
Dibuho: Kaiser







Comments