top of page
Writer's pictureThe Communicator

Pahina 2024: Balik-Tanaw sa mga Kwento ng Pakikipaglaban, Pagkapanalo, at Pag-asa

Kung ating ilalathala sa isang libro ang taong 2024, tiyak na kukulangin ang 365 na pahina para sa napakaraming kaganapan sa buong taon. Iba’t ibang kwento ang ating sinubaybayan at samu’t saring emosyon ang ating naramdaman. Kaya’t bago natin tuluyang ilipat ang pahina, halina’t magbalik-tanaw sa mga istoryang nagpasaya, nagpa-iyak, nang-inis, nang-intriga, at nagbigay kulay sa taong ito. 



Sa mga istoryang hatid ng 2024, ano kaya ang iyong naging paborito? Ano kaya ang uulit-ulitin mong basahin at iyong babalik-balikan?


Kwentong Iskolar: Danas ng mga Tanglaw ng Bayan


Puno ng kulay, talento, talino, emosyon, at pakikibaka. Ganyan mailalarawan ang buong taon ng mga iskolar ng bayan.


Hindi pa man din nangangalahati ang taon, sinimulan nang ipamalas ng mga iskolar ang kanilang galing kasabay ng pakikibaka para sa mas maayos na lipunan. Sa ginanap na Tanglaw Fest na may temang: “Mga Kabataang Makabayan, Tara sa Biyaheng Tungo sa Mapagpalayang Lipunan!”, nabalot ng talento at diwa ng pakikipaglaban para sa makataong sistema ang buong unibersidad.     


Kasabay naman ng pagsisimula ng panibagong pang-akademikong taon, sinalubong din ng mga PUPian ang mga bagong iskolar na magsisilbing tanglaw ng bayan. Bitbit ang kanilang husay at mga panawagan, matagumpay na nairaos ng mga isko’t iska ang Balik Sinta 2024. 


Bagaman masaya’t makulay, sa ganitong uri ng lipunan, hindi mawawala ang takot at panganib sa kwento ng isang estudyanteng nakikibaka para sa kanilang karapatan.  


Setyembre 19, sa kahabaan ng Dapitan, Maynila,  tatlong iskolar at artista ng bayan ang inaresto ng kapulisan dahil daw sa paglabag sa Manila City Ordinance on Vandalism. Ang tatlong mag-aaral na binansagang PUP 3, ay nagsasagawa lamang ng ‘Oplan Dikit’ at ‘Oplan Pinta’ bilang paghahanda para sa ika-52 anibersaryo ng Martial Law. 


Mula nang sila ay ikulong, hanggang sa sila ay makalaya, pinatunayan ng mga kapwa natin iskolar na walang mali sa ginawa nilang porma ng pakikibaka at paggunita sa hindi makataong rehimen ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.               


“PUP Ako, Tagumpay Ako!” iyan naman ang pinatunayan ng ating mga atleta sa 34th State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA-NCR). Mula volleyball, basketball, judo, track and field, at hanggang sa arnis, humakot ng medalya ang buong pwersa ng PUP Radicals. Ngayong taon, muling inangkin ng PUP Lady Radicals Women’s Volleyball Team ang kampeonato matapos magwagi kontra Rizal Technological University (RTU) Lady Thunders. Patunay na ang isang PUPian ay laging tagumpay!


Sa kabila ng takot at pakikipaglaban, mananatili pa rin ang diwa ng kasiyahan at selebrasyon sa kwento ng mga isko’t iska. Sa pagpasok ng Disyembre, sinimulan ng PUP ang selebrasyon ng pagtatapos ng taong ito sa pamamagitan ng Thanksgiving Mass at Lighting of the Belen na taunang idinaraos ng pamantasan. 


Maingay, makulay, at makabuluhan namang tinapos ng mga iskolar ang selebrasyon sa pamamagitan ng PUP Iskolaris 2024. Dinaluhan ito ng ilang sikat na personalidad at drag artist gaya nina Precious Paula Nicole, ang Drag Race Philippines Season 1 Winner,  Popstar Bench mula sa Season 3, at iba pa. 


Hindi rin pinalampas ng mga iskolar ang malaking pagkakataon upang ipamalas ang kanilang husay at talento, at ipanawagan at tutulan ang mga isyung matagal nang ipinaglalaban. Nariyan at buhay ang patuloy na pagtutol sa budget cut, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (MROTC), at iba pang isyu na kinahaharap ng pamantasan.    


Sa dami ng pagdiriwang at selebrasyon sa unibersidad sa loob lang ng isang taon, tunay ngang masaya’t makulay ang kwento ng isang iskolar ng bayan. Gayunpaman, nasa porma man ng kasiyahan, ito rin ang paraan natin upang kolektibong paugungin ang ating mga boses na isinisigaw ang mga danas na ating ipinaglalaban. 


Kwentong COCian: Parangal at Pagbabago


Sa dalawang palapag na gusali, kwento ng tagumpay at pagbabago ang hindi natin dapat na ikubli.


Ngayong taon, nagkaroon ng bagong magulang at tila nadagdagan pa ang kinang ng College of Communication (COC) nang pamunuan ito ni Dr. Jose Reuben Alagaran.


Panibagong hanay rin ng mga lider-estudyante ang nagsisilbing representasyon ng mga COCian. Kasabay nito, kapansin-pansin din ang mababang partisipasyon ng mga botante mula sa kolehiyo. Ayon sa datos, mula sa 2,544 na botante mula sa kolehiyo, 878 o 40% lamang ng populasyon ang bumoto sa ginanap na Student Council Elections (SCE) ngayong taon. 


Ang suliraning ito ay nagsisilbi na ngayong hamon para sa mga nasa pwesto. Ang hamon na hikayatin at gawing aktibo ang mga kapwa nila mag-aaral na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at maging susi ng makinang na pagbabago.


Bilang kolehiyo ng mga kampeon at makikinang na iskolar ng bayan, muli ring nagtipon para sa SIKAT Awards 2024 ang mga COCian upang parangalan ang husay at talino na nagbibigay kinang sa buong kolehiyo.


Tunay na ang kolehiyo ng komunikasyon ay puno ng makikinang na kwento ng parangal at pagbabago na hindi natin dapat na ikinukubli sa iilang sulok at palapag ng ating gusali.     


Kwentong Politika: Kadiliman vs. Kasamaan 


Ngayong taon, isa sa pinakamainit na pinag-uusapan sa bansa ay ang tuluyan nang pagkawatak-watak ng ‘UniTeam’ nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte. Iyan ay matapos lantarang pagbantaan at pagmumurahin ni Duterte si Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez. 


Bago ito, ilang senate hearings muna ang pinagdaanan ng bise tungkol sa kwestyunableng paggastos niya ng confidential funds sa kanyang termino bilang sekretarya ng Department of Education (DepEd) at pinuno ng Office of the Vice President (OVP). 


Gayunpaman, hindi lang si Sara ang nag-iisang Duterte na isinalang sa mga pagdinig. Dalawang taon matapos ang kanyang termino, nilitis din sa Senado ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa naging pagdinig, tila sunod-sunod na bomba tungkol sa kanyang madugong kampanya kontra ilegal na droga at resulta nitong Extrajudicial Killings (EJK), ang pinasabog ni Duterte. Ilan sa mga ito ay ang pag-utos sa mga pulis na hikayating manlaban ang mga suspek para maging mas katanggap-tanggap ang pagpatay sa mga ito, personal na pagpatay niya sa anim hanggang pitong tao, at ang Davao Death Squad (DDS). 


Isa rin sa malalapit na kaibigan at kaalyado ng mga Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy—ang nagtatag sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ang naupo sa trono, hindi ng kung sinong Diyos, kundi trono ng mga nililitis sa hukuman ng senado. Ito ay matapos lumutang ang mga biktima ng child at sexual na pang-aabuso ng pastor. Bago pa litisin sa Pilipinas, wanted na si Quiboloy sa Estados Unidos sa kasong labor trafficking scheme at iba pa.


Usapang trono, sibak naman sa pwesto si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa grave misconduct. Matatandaang matapos ang ilang pagdinig ukol sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), napatunayang si Guo at si Guo Hua Ping ay iisa matapos mag-match ang kanilang fingerprints. 


Kinalaunan, naging tulay ang kasong ito at ang iilang mga senador gaya ni Senator Risa Hontiveros para ipahinto o i-ban ang operasyon ng POGO sa buong bansa. 


Bukod sa isyu nina Duterte, Quiboloy, at Guo, nagbigay pangamba rin sa mga Pilipino ang balitang walang matatanggap na subsidiya ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula sa ratipikado nang 2025 National Budget. Dahilan ng ilang mambabatas, mayroon pa raw P600 billion na reserved funds ang PhilHealth na maaari nilang gamitin para sa susunod na taon.   


Sa napakaraming paglilitis, lumulutang ang katotohanan sa likod ng bulok na sistema ng Pilipinas. Walang pag-unlad sapagkat ang mga inaasahang mag-aangat ng bansa ay sila pang mas humahamak nito. Sa away ng dalawang pinakamataas na lider, wala sa kanila ang matatalo. Ang tunay na kawawa ay ang mga Pilipino.


Kwento ng Pag-asa: Minimithing Kalayaan


Sa sistema ng hustisya na mayroon ang bansa, tila napakahirap nang makamit muli ang kalayaang inangkin ng mga mapagsamantalang indibidwal.


Matapos ang pagkakakulong sa Indonesia sa loob ng 14 na taon, pagkakagawad ng kamatayan, at pagkawalay sa pamilya, nakauwi na sa Pilipinas si Mary Jane Veloso—ang babaeng nangarap lang na makahanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa ngunit dahil sa mga mapagsamantalang indibidwal ay naharap sa kamatayan at pinagdamutan ng oras sa pamilya, at kalayaan.


Nakauwi man sa kanyang sariling bansa, kasalukuyan pa ring nakapiit si Veloso sa Correctional Institution for Women (CIW) at tila hindi pa rin nakakamit ang matagal na minimithing kalayaan. 


Gaya ni Veloso, isa rin si Frenchie Mae Cumpio sa maraming indibidwal na nangangarap na muling matamasa ang kalayaang ipinagkait sa kanila. Si Cumpio ay isang community journalist at isa sa tinaguriang Tacloban 5 na nilusob at hinuli sa kanilang tinitirhan noong 2020 at sinampahan ng mga kasong illegal possession of firearms and explosives at terrorism financing.


Makalipas ang apat na taon, nito lang Nobyembre, nagkaroon ng pagkakataon si Cumpio na sumalang sa korte at makapaghain ng testimonya upang ipaglaban ang kanilang minimithing kalayaan.


Magkaiba man ang kaso at sitwasyon, si Veloso at Cumpio ang representasyon ng pagiging biktima ng bulok at hindi patas na sistema na pumapatay sa pangarap ng maraming Pilipino. 


Kwentong Patok, Kwentong Panalo: Cherry on Top! 

  

Hindi makukumpleto ang kwento nating mga Pilipino kung hindi natin sinubaybayan ang istorya ng mga kapwa natin pinoy sa beauty pageants, singing contests, at maging ang mga kontrobersiyang bumabalot sa showbiz. Ang bawat kwento ng pagkapanalo at kwentong patok sa masa ang cherry on top ng ating taon.


Tila napa-tumbling sa saya ang buong Pilipinas matapos makamit ni Carlos Edriel Yulo ang dalawang gintong medalya para sa floor exercise at vault events sa 2024 Paris Olympics. Si Yulo ang kauna-unahang Pilipino na nag-uwi ng dalawang gintong medalya mula sa prestihiyosong palaro sa loob ng iisang taon.


Ngayong taon, ipinamalas din ng apat na Pilipina na sina Chelsea Manalo, Gwendolyne Fourniol, Angelica Lopez, at Irha Mel Alfeche ang kanilang husay at talino bitbit ang pangalan ng bansa. Bigo man na masungkit ang korona sa Miss Universe, Miss World, Miss International, at Miss Earth, tagumpay naman na nairampa ng apat na kandidata ang kanilang mga adbokasiya. 


Usapang rampa, pakak na pakak naman sa Pinas at maging sa ibang bansa ang puksaan ng queens mula sa Drag Race Philippines Season 3. Bagaman si Maxie Andreison ang hinirang na winner, panalong-panalo naman sa puso ng masa ang lahat ng kalahok sa season na ito dahil sa kani-kanilang talento, talino, at personalidad. 


Sa kantahan, hindi rin tayo nagpahuli! Wagi sa katatapos lang na The Voice US Season 26 si Sofronio Vasquez III matapos niyang awitin ang A Million Dreams sa finale. Si Vasquez ang kauna-unahang Pinoy at Asian na nagwagi sa kompetisyon. 


Pinoy pride ba kamo? Mistulang napaindak at napakanta ang buong mundo sa mga awitin ng Nation’s Girl Group na BINI na binubuo nina Jhoanna, Colet, Maloi, Aiah, Mikha, Gwen, Stacey, at Sheena. Umabot lang naman sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga awitin nilang Salamin, Salamin, Karera, Lagi, Cherry on Top, at ang Pantropiko na nagbukas ng maraming oportunidad para sa grupo. 


Muli namang nabuo ang grupo nina Sandara Park, CL, Minzy, at Park Bom o 2NE1—ang South Korean girl group na kinababaliwan natin mula 2009, nang kanilang ianunsyo ang kanilang comeback concert na ‘Welcome Back 2024-25 Asia Tour’ na kanilang sinimulan sa Pilipinas.


Bago pa ang 2NE1, nagtanghal din sa bansa ang Filipino-American na si Olivia Rodrigo para sa kanyang GUTS World Tour. Nabalot ng kulay ube ang buong Philippine Arena nang sabayan ng Livies ang ating “Pinoy pinsan” sa kanyang mga awitin. Kinaaliwan naman ng marami ang 1500 na presyo ng concert ticket at binansagan itong ‘presyong kababayan’. 


Hindi kulay ube, kundi kontrobersiya naman ang bumalot sa buhay at karera ng tambalang ‘MaThon’ o Maris Racal at Anthony Jennings nang isiwalat ng ex-girlfriend ni Anthony na si Jamela Villanueva ang ginawang panloloko sa kanya ng dalawa. 


Malinaw na nagloko ang dalawa, ngunit sa naging reaksyon ng publiko, malinaw rin na balot pa rin ng ‘misogyny’ ang ating lipunan. Hindi tama ang ginawa ni Maris at iyon dapat ang pinupuna kasabay ng pagpuna rin kay Anthony, ngunit hindi ganoon ang nangyayari. Mas binatikos at naging tampulan pa ng tukso ang mga linyang binitiwan ng aktres na nagpapakita ng kanyang pagiging ‘sexually active.’ Sa ganitong anggulo, ating makikita na ang pakikisawsaw ng mga Pilipino ay hindi para i-call out ang kamalian ng dalawa, kundi pagtawanan ang babaeng aktibo sa sekswal na usapin—bagay na nagpapahiwatig na ang ating lipunan ay nababalot pa rin ng misogyny. 


Huling Pahina Tungo sa Panibagong Kwento 


Sa napakaraming kwento ng pakikipaglaban, pagkapanalo, at pag-asa ngayong taon, tiyak ngang kulang ang 365 na pahina upang mailathala ang lahat ng istoryang may kulay, may buhay, at may kabuluhan. Gayunpaman, ilan sa mga kwentong ito ay dapat na nating iwanan ngayong taon, habang ang iba ay marapat nating bitbitin para sa susunod na kabanata. 


Sa mga kwentong hatid ng 2024, mahalagang makapulot tayo ng aral na ating magagamit tungo sa mga panibagong kwentong ihahatid sa atin ng 2025.    


Ngayong nakaabot na tayo sa huling pahina, ano ang paborito mong kwento? Ano ang istoryang babalik-balikan mo?


Artikulo: Rolan Muyot

Grapiks: Kent Bicol

Comments


bottom of page