top of page

Pagbawi sa Isinademonyong Pagkatao

  • Writer: Charles Vincent Nagaño
    Charles Vincent Nagaño
  • 6 days ago
  • 3 min read

Sa mahabang panahon, pilit na binusalan at itinago sa dilim ang mga pagkataong hindi ayon sa kombensyonal—pinagdamutan ng karapatan at isinademonyo ang mga pagkatao. 

Bitbit at impluwensya ng kolonisasyon, konserbatismo, at marami pang mga aspekto, patuloy ang pagsubok na burahin ang pagkakakilanlan ng ikatlong kasarian. Dahil dito, ang mga salitang ‘bakla,’ ‘lesbyana,’ ‘trans,’ at iba pang pantukoy sa kanila ay tila naging isang uri ng insulto at pamkutya. 


Kaya naman, nabuhay sa nakabibinging katahimikan ang mga pagkataong maski ang pangalan ay tila isang malaking kasalanan—habambuhay na uhaw sa ganap na pagtanggap at pagkilala. 


Isinademonyong pangalan


Saksi ang kasaysayan sa kung paano itinakwil ng lipunan ang mga hindi nila maintindihan. Sinubaybayan nito kung paano lantarang binusalan ang kanilang mga boses, tinapakan ang kanilang mga karapatang pantao, at binansagan silang mga makasalanan.


Malalim na nakatatak sa mga Pilipino ang pagtingin at paggamit sa mga pangalang tumutukoy sa identidad ng mga bahagi ng makulay na komunidad bilang pang-insulto. Tila pagmumura kung ituring kahit ang pagbanggit lamang sa kanilang tunay na pagkakakilanlan at isang pagkakasala ang pagkilala sa kanilang pagkatao.


Ikinulong nito ang sangkabaklaan sa pagtingin na katumbas nila ang isang demonyo dahil lang sa kanilang pagkatao—naging laman ng mga pangsisisi maging ng mga pamahiin at paniniwala. 


Dahil dito, marami ang nananatiling mga aninong walang pangalan, nabuhay sa piling ng kahihiyan, at yakap ng pag-iisip na palagi silang may dapat patunayan.


Nakabibinging katahimikan 


Sa bawat sulok ng lipunan, nakabibingi ang mga sigaw at kalampag para sa pagsusulong ng hustisya at karapatan. Ngunit may ilang mga kanto pa rin ang nababalot ng matinding katahimikan—karaniwan, sa sari-sarili pa nilang tahanan. 


Maraming miyembro ng komunidad ang nananatiling tahimik sa bisig ng pagdodoble kayod at paggawa ng sarili nilang daan tungo sa pagkamit sa posisyon sa lipunan na hindi makatarungang ipinagkait sa kanila. 


Nabubuhay sa lilim ng mga ekspektasyon ang sangkabaklaan. Karaniwang langit ang limitasyon para sa mga miyembro ng komunidad: kailangan maging pinakamagaling, pinakamaaasahan, at pinakamalayo ang mararating sa buhay. Ito ay para bang pambayad sa kasalanang hindi naman nila ginawa—sa kasalanang lipunan lang din ang naghatol.


Ang pagtanggap ay tila isang gintong medalya na dapat mapanalunan. Maging sa loob ng kani-kanyang mga tahanan, para itong gantimpala na makakamit lang ng isang bakla kapag siya ay nagtagumpay sa isang laban kung saan sarili niyang apoy ang kailangang apulahin. 


Kalimitan ding limitado ang komunidad sa iisang imahe na lipunan lang din ang nagpinta. Kung paanong ang isang bakla ay ang siyang may bitbit ng katatawanan, ang mga lesbyana ang panibagong hulma ng ‘pagkalalaki,’ ang heteronormatibong konsepto ng kanilang mga romantikong relasyon, at iba pang mga estereotipo. At sa mga pagkakataong tumaliwas sila sa mga imaheng ito ay tila mas lalo lamang silang lumulubog sa impyernong nagliliyab sa panghuhusga.


Isang walang katapusang giyera kung tutuusin ang paglaban sa pagpapatahimik sa komunidad—laban sa isinademonyong sarili at sa demonyong hindi nagpapatulog sa bawat gabi.


Pagbawi 


Sa kasalukuyan, patuloy pang lumalalim ang sugat ng komunidad. Patuloy ang pagtanggi sa kanilang mga karapatan, pagbabalewala sa kanilang kaligtasan, at pagmamasama sa kanilang mga panawagan; patuloy na ginagamit ng lipunan ang kanilang mga pangalan bilang porma ng pamamahiya at pangmamaliit. 


Ngunit sa pagbabago ng panahon, ang mga salitang ‘bakla,’ ‘binabae,’ ‘lesbyana,’ ‘tomboy,’ ‘trans,’ at iba pa ay unti-unti nang nababawi mula sa pagsasademonyo rito. Unti-unti na silang umookupa ng mas marami at malawak na espasyo sa lipunan, dahan-dahan tinatanggal ang sariling busal, at itinataas ang sarili mula sa mga mapanghilang pamantayan. 


Ang pagyakap sa mga isinademonyong pagkataong ito ay isa sa mga unang hakbang sa pagkamit ng pangarap na matagal nang inaasam ng komunidad—ang kalayaan mula sa lipunang patuloy na nagpapatahimik at dinudumihan ang kanilang mga pangalan. 


Bagaman nandito pa rin ang katahimikan, hindi na nakabibingi, dahil alam na ng komunidad ang lugar nila sa mundo na minsang ipinagkait sa kanila at unti-unti na nila itong binabawi.


Artikulo: Charles Vincent Nagaño

Grapiks: Kent Bicol

Commentaires


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page