top of page
Writer's pictureThe Communicator

OPINYON | Walang Makamasa sa Isang Paasa

Karapatan ng bawat mag-aaral na magkaroon ng isang masipag at matapang na representante bilang sandigan sa gitna ng panunupil. Subalit kapag ang nasabing representante ay hindi naman ipinaglalaban ang karapatan ng kaniyang mga pinamumunuan, ito ay isa nang maagang senyales ng palpak na pamumuno.



Naitalaga bilang 23rd Alyansa ng Nagkakaisang Konseho (ANAK) PUP Federation President at Student Regent (SR) si Wilhelm Provido Jr., ang kasalukuyang pangulo ng College of Computer & Information Sciences Student Council (CCIS SC), sa 23rd PUP SR selection nitong Nobyembre 26.


Siya ay nakasungkit ng 20 na boto mula sa PUP Main SCs, branches, at campuses na nagbigay sa kaniya ng panalo laban kay College of Political Science and Public Administration (CPSPA) SC President Joshua Aquiler, na siya namang nakakuha ng 16 na boto.


Ngunit bago pa man manumpa bilang rehante, napako na kaagad si Provido Jr. sa sarili niyang mga pangako na makatutulong umano sa pagsulong ng mga karapatan ng mga Iskolar ng Bayan ng Sintang Paaralan.


Bilang SR, layon umano ni Provido Jr. na gawing maka-estudyante ang reporma sa PUP Student Handbook; magbigay ng tulong pinansyal para sa mga Iskolar ng Bayan mula sa iba’t ibang branch at kampus; at gawing mas bukas sa lahat ang iba pang tulong pang-akademiko ng pamantasan.


Ngunit matatandaan na si Provido Jr. bilang pangulo ng CCIS SC ay hindi naman sumipot sa mismong araw ng pagpupulong sa unang Student Council Assembly (SCA) noong Nobyembre 6 na isang pagkakataon sana upang maisulong niya ang kanyang mga ipinangako.


Tinalakay din sa naturang SCA ang pakikiisa laban sa nakaambang budget cut ng pamahalaan sa PUP, kung saan sa kahit isang pahayag ay hindi nagparamdam ng suporta si Provido Jr. para sa kanyang kapwa Iskolar at lider-estudyante.


Dagdag pa rito, siya rin ay hindi mahagilap sa pag-apruba ng mga resolusyong sumusuporta sa kampanya ng Ligtas na Balik-Eskwela; sa pakikiisa sa Defend PUP at Tulong Kabataan Sta. Mesa; at sa pagtutol sa Mandatory ROTC. Walang paramdam si Provido Jr. sa mga pagpupulong na tumatalakay sa kapakanan at interes ng mga Iskolar ng Bayan, kung kaya ang kanyang pagkapanalo ay masasabing taliwas sa dapat ay progresibong pamumuno ng Office of the Student Regent (OSR).


Ilang libong Iskolar ang tumutok sa “#23rdANAKFed” sa social media upang bantayan ang eleksyon dahil sa dami at bigat ng mga responsibilidad ng isang SR.


Iisang rehante lamang kasi ang kumakatawan sa 70,000 na mag-aaral dahil sa pribilehiyo nitong mapabilang sa Board of Regents ng Sintang Paaralan. Nangangahulugan ito na mayroon lamang isang boses para sa 70,000 na interes, isang pandinig para sa 70,000 na hinaing, at isang aksyon para sa 70,000 na pagtindig ng mga mag-aaral ng pamantasan.


Ang Student Regent ang magsisilbing kalasag ng mga Iskolar ng Bayan sa panahong nagigipit ang mga karapatan nito. Gayundin, ang magsisilbing tulay ng mga mag-aaral tungo sa administrasyon ng PUP at sa mga administratibong desisyon nito.


Hindi magiging kampante ang mga Iskolar ng Bayan na basta na lamang ialay ang kanilang kapakanan sa isang taong hindi naman maramdaman ang presensya. Tapos na ang panahon ng mga mabulaklak na salita at matagal nang alam ng mga Iskolar ng Bayan na hindi mga pangako ang kumakatawan sa 70,000 na mag-aaral ng Sintang Paaralan.


Matagal nang tapos ang Halloween, kung kaya wala nang puwang pa para sa mga multo na maglibot sa Office of the Student Regent.


Bago tuparin ni Student Regent Provido Jr. ang kaniyang adhikain sa OSR, kailangan muna niyang balikan ang kaniyang maraming pagkukulang noon bilang lider-estudyante ng kanilang SC. Ang tagumpay niya mula rito ang siya pa lamang magiging patunay na handa na siyang mamuno bilang isang makamasa at maka-estudyanteng rehante ng Sintang Paaralan—hindi ang kaniyang binibitawang mga pangako.


Artikulo: John Lloyd A. Aleta

Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy


Comments


bottom of page