top of page
Writer's pictureMark Joseph Sanchez

OPINYON | Soberanyang pilit inilalagay sa kamay ng imperyalista


Halos siyam na taon pa lamang nang pinirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sa ilalim ng rehimeng Aquino—na ang tunay na layon lamang ay mas paigtingin ang pagkamal ng imperyalistang Estados Unidos sa lakas-paggawa ng mga Pilipino upang magsilbi sa kanilang interes sa pagpapalawak ng kapangyarihan—ngunit higit daang taon nang nakasandig sa pagiging mala-kolonyal at mala-pyudal ang sistema ng lipunan na umiiral sa ating bansa na dulot ng matagal na pananakop at pang-uuto ng mga Amerikano.



Nitong ikalawa lamang ng Pebrero—matapos ang halos siyam na taong pag-iral ng EDCA at pagkamkam nito sa limang base militar sa ating bansa upang maging pagmamay-ari ng mga sundalong Amerikano—niratsada ang full implementation nito, kung saan nagkaroon ng panibagong kasunduan sa pagitan ng administrasyon Marcos at US na magtatag ng apat na mga karagdagang base militar sa ating bansa para pakinabangan ng dayuhang pwersa.


Puno ng mga butas at kasinungalingan ang EDCA—pawang ang Amerika lamang ang makikinabang sa kasunduang ito at hindi kailanman ang mga Pilipino. Ito ay labag sa Konstitusyon sapagkat ang kasunduang ito ay sa pagitan lamang ng ehekutibo ng ating bansa at ng US. Ipinasa ito nang hindi dumadaan sa lehislatura—pinirmahan ang kasunduang ito sa kabila ng kawalan ng pag-apruba ng Kongreso—at tahasang nilabag ang probisyong nagbabawal sa dayuhang militar na pumasok sa bansa nang hindi dumadaan sa lehislasyon.


Wala ring karampatang buwis ang pamamalagi ng pwersa ng mga pasistang Amerikanong militar sa ating bansa, at pinahihintulutan sila ng kasunduan na magkaroon ng sariling sistema ng komunikasyon habang namamalagi sa teritoryo ng Pilipinas.


Tila magiging tapunan din ng mga pinaglumaang pasilidad at kagamitan ang mga Pilipino, dahil nakasaad sa EDCA na maaaring magtayo ang mga Kano sa mga napagkasunduang base militar ng “non-relocatable structures” at “permanent buildings". Mapasasakamay lamang ng Pilipinas ang mga estruktura at kagamitan sa panahong ang mga ito’y hindi na pinakikinabangan pa ng Amerika.

Wala ring tiyak na limitasyon kung kailan matatapos ang pag-iral ng EDCA—10 taon ang inisyal na bisa ng nasabing kasunduan, ngunit awtomatikong manunumbalik ang bisa nito hangga’t hindi pinipigilan ng isang panig.


Matatandaan ding pinirmahan ang EDCA noong kasagsagan ng sigalot sa pagitan ng ating bansa at Tsina noong 2014 upang makakuha ng tulong mula sa Amerika sa pagdedepensa sa West Philippine Sea, ngunit kung iisipin, wala namang naidulot ang EDCA para protektahan ang pagkakamkam ng Tsina sa mga isla sa West Philippine Sea—marami nang mga estruktura ang itinayo ng Tsina sa ating mga isla at patuloy ang panggigipit ng Tsina sa mga Pilipinong mangingisda.


Ito ay klarong manipestasyon lamang na ang “tulong” na binabanggit ng Amerika ay tulong mula sa mga Pilipino upang matustusan ang kanilang pagkagahaman sa yaman, kapangyarihan, at teritoryo. Ang totoong layon ng US ay ang mas pagpapaigting sa umiiral na mala-kolonyal at neoliberal na sistema sa ating lipunan, at higit pa diyan ay ang paglilimita sa impluwensya ng Tsina sa ating bansa upang mas manaig ang impluwensya ng mga Kano sa mga Pilipino.


𝗞𝗮𝘀𝗮𝘆𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗺𝗮𝗻𝘁𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗺𝗮𝘆 𝗻𝗴 𝗶𝗺𝗽𝗲𝗿𝘆𝗮𝗹𝗶𝘀𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗨.𝗦.


Mahaba ang kasaysayan ng pananamantala ng imperyalistang US sa mga Pilipino at sa ating lupain—mula sa mga pang-aabuso sa karapatang-pantao at panlalason sa kaisipan ng mga mamamayan, paggawad ng huwad na kalayaan, at hanggang sa kasalukuyan kung saan patuloy ang pagpapatupad ng mga polisiya na tahasang nanghihimasok at umaapak sa soberanya ng ating bansa.


Hindi nagbabago ang taktika ng mga Kanong ang tanging layon lamang ay kumamkam ng mga teritoryo at mga likas na yaman, at ang magpalaganap ng impluwensya sa buong daigdig.


Kung ating babalikan ang kasaysayan, matatandaan na noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa, nagpadala sila ng daan-daang mga guro sa porma ng mga Thomasite upang palaganapin ang kolonyal na sistema ng kanilang edukasyon sa kabataang Pilipino. Kanilang nilason ang batang kaisipan ng mga Pilipino nang sa gayon ay maging sunod-sunuran sa patakarang kolonyal na kanilang nais palaganapin sa ating bansa.


Ang sistema ng edukasyon na ipinalaganap ng mga Amerikano sa bansang Pilipinas daang taon na ang nakalipas, ay hindi naglalayong sagipin ang mga Pilipino sa pagiging mangmang, bagkus ito ay ginawang instrumento lamang para sanayin ang mga Pilipino na maging mamamayan ng isang bansang sakop ng Estados Unidos. Bunga ng pagbabalatkayo ng mga mananakop na Amerikano ay ang mala-kolonyal at neoliberal na sistema ng edukasyon na magpasa-hanggang ngayon ay siya pa ring nananaig sa ating bansa—sistemang hindi lapat sa tunay na pangangailangan at interes ng estudyanteng Pilipino.


Maihahalintulad ito sa kasalukuyang umiiral na EDCA, sapagkat pinalalabas ng Amerika na ang tanging layunin lamang nila ay tumulong at magpatatag ng relasyon ng dalawang bansa, ngunit ang malinaw na katotohanan ay ginagawa lamang nila ito para sa kanilang ganansya at interes.


𝗧𝗮𝗸𝘀𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗺𝗮𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝗮𝘁 𝘀𝗮 𝗹𝘂𝗽𝗮𝗶𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘀


Mariing tinututulan ng maraming sektor sa lipunan ang mas pagpapalawig pa ng EDCA dahil sa mga peligrong hatid nito sa mga Pilipino—kabilang na ang pagpapahintulot ng nasabing kasunduan sa pagbibigay sa Amerika ng hurisdiksyon sa mga sundalo nito habang nasa teritoryo ng ating bansa, maliban na lamang kung may “particular importance” ang gagawing krimen sa Pilipinas.


Kung ating matatandaan, isa ang kaso ni Jennifer Laude—ang Filipino transwoman na pinaslang ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton ilang buwan pa lamang matapos pirmahan ang EDCA—ang nagpapatunay na pinahihintulutan ng EDCA ang pang-aabuso, pagpatay, at pananamantala ng mga Amerikanong sundalo sa sambayanang Pilipino.


Hinatulan ng guilty verdict sa kasong pagpatay kay Laude si Pemberton noong Disyembre 2015, ngunit sa bisa ng EDCA at Visiting Forces Agreement (VFA), napunta sa awtoridad ng Amerika ang kanyang kustodiya at binigyan ni Duterte ng absolute pardon noong 2020.


Ang pagpapalaya sa isang dayuhang mamamatay-tao sa bisa ng kasunduang nakasandig sa interes ng imperyalistang US ay simbolo lamang ng siyang pagpatay rin soberanya ng ating bansa.


Sa kabila ng mariing pagkondena ng malawak na hanay ng masa laban sa pagpirma sa EDCA noon pa lamang 2014, hanggang sa pagraratsada nito sa anyo ng pagdaragdag ng apat pang base militar para sa mga Kano nito lamang Pebrero, itinuloy pa rin ng pamahalaan ang pagpayag sa karadgadagang kahilingang ito ng Amerika, at hindi pinakinggan ang panawagan ng sambayan na buwagin ito at ang iba pang mga kasunduang nagbibigay permiso sa US at Tsina na manghimasok sa teritoryo ng ating bansa.


Patuloy ang pagsirit ng presyo ng mga batayang pangangailangan sa ating bansa dulot ng inflation, marami pa rin ang mga Pilipinong naghihikahos dahil sa kahirapan, malaki ang bilang ng mga kabataang hindi nakapag-aaral, at marami pang ibang mga suliranin ang kinakaharap ng ating bansa, ngunit sa kabila ng mga ito, inuuna pa rin ng gobyerno ang mga pagpapatupad ng mga polisiyang mas magpapahirap sa sambayanang Pilipino.


Malinaw na pinakikita ng rehimeng Marcos–Duterte ang kanilang patuloy na pagiging lapdog ng mga imperyalista at naghahari-hariang mga bansa—partikular na ang US. Hindi nila dinidinig ang mga daing ng masang patuloy na pinagsamantalahan, bagkus ay kumikilos lamang sila nang naaayon sa kanilang mga personal na interes at ganansya na malayo sa tunay na solusyon sa mga pangangailangan ng masang Pilipino.



Dibuho ni: Rinoa Osnaznara


コメント


bottom of page