Muling nabuhay ang diwa ng Philippine Basketball Association (PBA) matapos ang dikdikang serye ng Commissioner’s Cup Finals sa pagitan ng Barangay Ginebra San Miguel at guest team na Bay Area Dragons.
Nakamit ng Ginebra ang kanilang ika-15 kampeonato sa tulong ni Best Import of the Conference Justin Brownlee na nakapagtala ng 34 na puntos, 12 assists at walong rebounds, at ni Best Player of the Conference Scottie Thompson na nakapagtala naman ng 18 puntos, apat na assists, at siyam na rebounds, matapos tambakan ang Bay Area Dragons, 114-99, sa do-or-die game sa Philippine Arena, Enero 15.
Record-breaking ang bilang ng live audience sa Game 7 na umabot ng 54,589, samantalang, humigit-kumulang 460,000 fans naman ang nanood via Facebook live.
Malaking bagay ito para sa PBA matapos ang ilang taong pagkalugmok ng liga dahil sa mga kontrobersiya.
Maraming kritiko at taga-subaybay ang nagsasabing hindi patas ang mga trade na mayroon ang liga kung saan nagmimistulang "farm teams" ang mga independent na koponan. Halimbawa ang nangyaring trade sa pagitan ng Terrafirma Dyip at ng powerhouse na San Miguel Beer. Nakuha ng San Miguel ang superstar na si CJ Perez kapalit lamang ng tatlong bangko at dalawang first round picks para lalong palakasin ang line-up nilang mayroon nang June Mar Fajardo, Terrence Romeo, Marcio Lassiter, at Moala Tautuaa.
Sino ang gaganahan manood sa ligang paulit-ulit na lang ang koponan na naglalaban sa huli dahil sa hindi balanseng mga roster na pumapabor sa mga koponang pagmamay-ari ng malalaking kompanya?
Taga-draft na lang ng mga pausbong na superstar ang mga independent team na sa huli ay mapupunta rin sa mga powerhouse team sa pamamagitan ng paluging trade offer.
Dahil dito, naging prediktable ang liga, unti-unting nawala ang excitement ng fans. Nakadagdag pa sa paghina ang pitong buwang hiatus na dulot ng restriksyong pangkalusugan bunga ng pandemya.
Kaya malaking bagay ang pagpasok ng Bay Area. Nagkaroon ng bagong istoryang aabangan ang mga tao. Isang banyagang koponan na nag-uumapaw ang talento na gustong dominahin ang mga Pinoy sa kanilang numero unong isports.
Sa simula pa lang ng komperensya, nagpakitang gilas na agad ang Bay Area nang tapusin nila ang elimination round na may 10-2 na standing. Dinurog naman nila ang Rain or Shine sa quarterfinals habang pinadapa ang San Miguel Beer sa semifinals.
Sa finals, laking tuwa ng PBA na Ginebra ang nakatapat ng Bay Area. Ginebra ang may pinakamarami at aktibong tagasuporta simula pa noong panahon ni PBA legend Robert Jaworsky. Ito ang koponan ng masang Pilipino.
Kaya naman sa tagumpay na nakuha ng PBA sa komperensyang ito, 'di na nakagugulat na isa ang Ginebra sa mga dahilan. Ngunit hindi ito magiging posible kung wala ang Bay Area na binigay ang kanilang isang daang porsyento sa bawat laban.
Magandang ipagpatuloy ng PBA ang pagsali ng isang guest team sa bawat kumperensya kung gusto nilang umangat ang antas ng kompetisyon at tuluyang manumbalik ang interes at pagmamahal ng mga tao sa liga. Itigil na rin ang mga one-sided trade para maging balanse at magkaroon ng pagkakataon lumakas ang ibang koponan nang sa gayon, maibalik ang "glory days" ng PBA.
Artikulo: Glen Kerby U. Dalumpines
Dibuho ni: Randzmar Longcop
Comments