top of page
Writer's pictureThe Communicator

OPINYON | Laban para sa bayan, hindi sa pagitan ng paaralan

Kasabay sa init ng panahon ang tensyon ng diskusyon sa pagitan ng dalawang unofficial public Facebook pages ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at De La Salle University (DLSU), pumutok sa Facebook ang post ng DLSU Freedom Wall isang meme na nagsasabing, “We’re Lasallians, of course we can’t cross the road without manong kuya guard.”



Ikinumpara naman ito ng PUP Memes sa kalagayan sa PUP Manila, “We’re PUPians, of course we can cross the railroad kahit nandyan na ‘yung PNR”. Ibinahagi ng DLSU Freedom Wall admin ang post ng PUP Memes na may caption na “Nagpa-meme mga future employees natin.”


Sa samu't saring komento mula sa magkabilang kampo, ang hatid komedya nito para sa madla ay kuwela para sa iilan ngunit simbolo ng elitismo para sa mga Iskolar ng Bayan.


Ang ganitong klaseng biro ay maaaring normal sa kabilang panig ngunit may ibang dating para sa mga Iskolar ng Bayan. Dahil katulad ng mga nasa itaas, hangad din ng mga nasa ibaba ang makamtan ang propesyong pinapangarap at hindi mamuhay bilang sunud-sunuran lamang sa kapitalismo ng korporasyon.


Ang pagbibigay ng PUP Memes ng opinyon ukol dito ang naging mitsa upang dumaing ang DLSU Freedom Wall. Ngunit hindi ito sapat na rason upang pumuna at maging mapagmataas sa antas ng pamumuhay. Malayo ang agwat ng dalawang unibersidad kung pasilidad at sistema ang pag-uusapan dahil pampublikong institusyon ang PUP at pribado naman ang DLSU. Sa kabilang banda, hindi ito sukatan ng karunungan pagdating sa trabaho. 


Nitong nakaraang taon lamang nang manguna ang PUP sa Top Source of Hireable Graduates na inilunsad ng Jobstreet. Matatandaang sinundan ito ng University of the Philippines at ng DLSU sa ikatlong puwesto.


Mula sa panig ng La Salle, ang konteksto ng meme ay parte lamang ng katuwaan. Isiniwalat nito ang karangalan at kasipagan ng mga security personnel sa pagtugon sa kanilang trabaho.  Ayon sa opisyal na website ng DLSU, layon ng kanilang security office ang pagpapanatili ng ligtas na kondisyon para sa kanilang komunidad. Kaya naman ang simpleng gawaing ito ay hindi pag-aasta ng pagiging matapobre kundi pagkilala sa serbisyo.


Sa kalaunan ng usapin, naglabas ng Facebook post ang isa sa mga admin ng DLSU Freedom Wall. Ang laman ng mensahe ay pagtatanggol lamang sa kapwa nitong admin at walang kahit anong simpatya. Mababaw ang personal na rason upang makapagbitaw ng pananalitang maaaring biro sa kanila ngunit isyu sa iba.


Gayunpaman, ang dalawang institusyon ay walang kinalaman sa kung anong atityud ang ipinamalas ng mga estudyanteng kinasasaklawan nito. Ang mga 'meme' ay ideya lamang ng mga admin na walang pagkakakilanlan. 


Sa katunayan, mayroong mabuting koneksyon ang PUP at DLSU sa mga nagdaang taon. Marami nang mga pagkakaisa mula sa dalawang unibersidad na ito kabilang ang kolaborasyon sa College of Liberal Arts and Communication Graduate Studies ng DLSU-Dasmariñas at PUP taong 2022. Parehong nirepresenta ng dalawang unibersidad ang Pilipinas sa buong Asya para sa Shell eco-team marathon sa parehas na taon, pagsali at pagkapanalo ng PUP Manila team sa Exceed: The Annual DLSU Accounting Convention for Business Leaders taong 2023, at marami pang iba.


Iisa lang din ang tunguhin ng mga nabanggit na paaralan: ang magpatuloy sa pagbibigay ng edukasyong tutugon sa pangangailangan ng mga estudyante. May hatid na iba’t ibang scholarships ang DLSU para sa mga nais mag-aral dito, gayundin ang PUP na nagbibigay tiyansa sa mga kabataang Pilipino na makapag-aral nang libre sa tulong ng Free Tuition Law.


Sa huli, ang pagpataw ng interes sa ganitong usapin ay hindi na dapat paglabanan pa. May mga mas kritikal na isyu na kinakaharap ang ating lipunan na mas kailangang bigyan ng atensyon. Nararapat lang na magkaisa ang mga unibersidad na magpatuloy sa mga panawagang tutulong sa isyung panlipunan kahit sa simpleng pamamaraan, halimbawa na lang ang pakikibaka sa lansangan.


Sa pagitan ng PUP at DLSU, paalala itong nararapat nating pagnilayan dahil patuloy pa rin ang elitismo sa bansa. Kahit saan pa man nanggaling ang pananalita,  kokontra ang isang tao kung ito'y panganib sa buhay, kinabukasan, at dangal niya. 


Artikulo: Anne Margareth Dela Merced


Comments


bottom of page