Palayain ang bawat isa mula sa ikot ng nakadidismayang pamumuno!
Panahon na naman nang walang sawang pag-aalay ng pag-asa ng mga hanggang pinapangarap pa lamang na mga reporma ng sangkaestudyantehan sa lider na maihahalal sa Student Regent Election 2023. Patong-patong pa rin ang mga suliranin na kinakaharap ng unibersidad na nakabigkis sa kung gaano kahusay at kasikhay ang kakayahan ng tagapamuno sa kung paano nito maibibigay ang kalidad na serbisyo para sa lahat.
Ang pagkakaroon ng ‘role model’ na titingalain ng mga mag-aaral ay luma at mababaw na pagsasabuhay sa kung ano ang deskripsyon ng pagiging isang lider-estudyante. Ngayon, ang manipestasyon ng isang mahusay na namumuno ay nakasalalay sa kakayahan nitong lumubog sa mga hinaing ng sangkaestudyantehan at walang palyang kritikal na pagboses sa mga isyu ng buong unibersidad. Kaya naman importante na ibigay ng ating mga kinatawan ang kanilang mga boto sa kung sino ang makapuputol sa tanikalang gawa sa huwad na pamumuno.
Manggagaling ang mga boto sa Alyansa ng Nagkakaisang Konseho ng PUP (ANAK PUP) na binubuo ng mga konseho ng mag-aaral sa loob ng PUP System. Sa kasalukuyan, binubuo ang alyansa ng 40 na konseho na nahahati sa limang clusters: NCR Cluster, Central Luzon Cluster, Laguna-Batangas Cluster, Quezon-Ragay Cluster, at Cavite-Mindoro Cluster.
Ang mga lider ng bawat konseho ay magluluklok ng pangulo na siyang tatayo bilang Student Regent (SR) upang kumatawan sa libo-libong populasyon mula sa Main Campus at sa iba pang branches ng PUP. Alinsunod ito sa R.A. 8292 o ang Higher Education Modernization Act at sa Constitution and Bylaws Article VIII, Section 3 ng ANAK PUP.
Ngunit kung pagbabasehan ang lagapak na serbisyo ng nagdaang iniluklok ng ganitong sistema, makaaasa pa ba ng kalidad na representasyon ang kabuuan ng estudyanteng populasyon?
Nakasusura na sa loob lang ng isang taon, mas lumala pa ang mga dagok na kinalulugmukan ng pangkalahatang bilang ng mga mag-aaral sa PUP. Naging tahimik ang incumbent SR na si Wilhelm Provido Jr. mula sa College of Computer & Information Services Student Council (CCIS SC) sa mga repormang isinulong ng mga kapwa niya lider-estudyante. Matatandaan din na sa kaniyang pamumuno pa lamang bilang SC ay hindi na siya mahagilap. Mula sa pag-apruba ng mga resolusyong sumusuporta sa kampanyang Ligtas Balik-Eskwela, sa pakikiisa sa Defend PUP at Tulong Kabataan Sta. Mesa, at hanggang sa dapat na pagtutol sa Mandatory ROTC.
Wala ring nagawa ang nagdaang liderato ni Provido Jr. sa pang-aabuso ng mga administrasyon sa Main Campus, maging sa mga branches. Wala man lang ipinahayag na pagkundena ang Office of the Student Regent (OSR) ukol sa mga isyung ito, lalo na ang SR.
Kamakailan lang, muntik nang maghari ang pang-aabuso ng kapangyarihan ng Commission on Elections (COMELEC) - PUP Sto. Tomas (PUP-STB) sa paghain nito ng disqualification cases kina Rey Saranate Jr. at Irish Lapid. Ang mga ito ang nakakuha ng dalawang pinakamataas na boto sa katatapos lamang na Student Council Elections 2023. Ngunit itinalaga rin kinalaunan ang dalawa bilang mga bagong halal na mga lider-estudyante sa PUP-STB.
Ayon sa liham na inilabas ng COMELEC, nilabag umano ni Saranate Jr. and Article V, Section 1 ng Bylaws ng Komisyon na nagsasabing ang kandidato ay dapat isang regular student at walang failed o back subjects. Samantala, pinaratangan namang nagpapakalat ng election vote states nang walang paalam sa COMELEC Executives si Lapid. Ngunit iginiit ng SAMASA STB na sumunod ang mga ito sa lahat ng proseso na walang nilabag na probisyon.
Samantala, busal din ang bibig ng SR sa pagkapasa ng National Polytechnic Bill (NPU Bill) sa Senate Committee level na una nang kinundena ng SAMASA PUP. Pahayag ng organisasyon, tinatapakan ng panukala ang demokratikong karapatan ng mga estudyante at karapatan sa libreng edukasyon. Paraan din umano ito ng gobyerno upang takasan ang responsibilidad nitong pondohan ang pamantasan.
Patuloy pa rin ang inaasam na ginhawa ng mga estudyante na maidudulot lamang ng pakikinig at pagresolba sa mga panawagan at kahilingan nila. Sa darating na eleksyon, inaasahan natin na makapili na ng rehente na siyang tunay at huwarang kakatawan sa interes ng mga mag-aaral.
Hindi waglit sa kamalayan ng mga lider-estudyante na kolektibong isinisigaw pa rin ng mga Iskolar ng Bayan ang pagbabasura sa NPU Bill, pagtutol sa budget cuts, pagkundena sa mga isyu ng edukasyon, pagiging tunay na safe space ng unibersidad, at iba pang mga panawagan. Kaya naman ang SR na hindi kayang itaguyod at ipaglaban ang karapatan ng mga Iskolar ng Bayan ay huwad.
Dahil sinasalamin ng unibersidad ang lipunang ating kinalalagyan, mabuting sa loob pa lang ng paaralan ay may kaalaman na ang lahat sa kung ano ang esensya ng maayos na pamumuno. Ito ay upang hindi tayo masanay sa pagtitiis sa walang kakayahan at hindi karapat-dapat na liderato. Samakatuwid, piliin dapat ang lider-estudyante na hindi bulag, pipi, at bingi. Hindi puro pamumulitika lang. Hindi peke ang intensyong magserbisyo at mapabuti ang kalagayan ng sangkaestudyantehan.
Tapusin na ang mababaw na pagtangan sa isyu ng pamumuno dahil sabik nang makalaya ang mga Iskolar ng Bayan sa siklo ng huwad na liderato.
Artikulo: Rupert Liam G. Ladaga
Dibuho: Randzmar Longcop
留言