top of page

OPINYON | Huwag ipagkait ang pondong hindi galing sa bulsa niyo

Writer's picture: Glen Kerby DalumpinesGlen Kerby Dalumpines

Sa inilabas na budget proposal ng Department of Budget and Management (DBM) para sa taong 2023, mapapansin na malaki ang ikakaltas sa pondong nakalaan para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) dahil dumausdos ito ng 10.48%.



 


Ayon sa iminungkahing 2023 badyet, ang mga SUCs ay tatanggap lamang ng kabuuang ₱93.08 bilyon mula sa kabuuang badyet ngayong taon na ₱103.97 bilyon. Dahil dito, kabi-kabilang budget cuts ang nakaambang sasalubong sa mga pamantasan sa buong bansa.



Para sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), magkakaroon ng 5% total budget cut sa kasalukuyan nitong alokasyon sapagkat makakaltasan ito ng ₱129 milyon. Samantala, inaasahang ₱2.5 bilyon ang mababawas sa University of the Philippines (UP) System at ang Philippine General Hospital (PGH) na nakapaloob dito ay makakaltasan din ng ₱893 milyon.

 

Gayundin ang Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) o mas kilala bilang Free Higher Education Act na makararanas ng 2.2% na pagbaba sa pondo nito, sapagkat maglalaan lamang ng ₱25.8 bilyon mula sa naaprubahang pondo ng kasalukuyang taon na ₱26.3 bilyon.

 

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa nakatakdang aaprubahan sa kalagitnaan nang unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan.

 

Hangad ng mga estudyante at kaguruan na magkaroon ng ligtas na balik eskwela at hindi nakatutulong ang pagbabawas sa pondong nararapat para sa kanila. Sa halip na bawasan, mas dapat pa nga itong dagdagan dahil kasalukuyang nasa kritikal na transisyon ang mga kolehiyong institusyon; kung saan ang isang pagkakamali ay maaaring magresulta sa pagtaas muli ng mga kaso ng COVID-19 at bumalik na naman ang lahat sa distance learning — isang bagay na ayaw nang mangyari pa ng mga mag-aaral.


Bukod sa pagtitiyak ng kaligtasan para sa face-to-face classes, dapat ding pagtuunan ng pansin ang pagpapataas sa kalidad ng edukasyon sa bansa.


Mahirap man tanggapin, ngunit may kasalukuyang krisis pang-edukasyon tayong kinakaharap na mas lalong pinalala ng pandemya. Sa halos tatlong taon ng distance learning, napakahabang panahon ang nasayang at maraming estudyante ang nagtapos na pinagkaitan ng maayos na edukasyon. Ang kolehiyo sana ang magbibigay ng mga karanasang magagamit ng mga mag-aaral sa hinaharap, subalit ninakaw ito ng pandemya. Wala namang may kagustuhang mangyari ’yon, pero ang pagkakaroon ng ligtas na balik eskwela na sana ang pagkakataon para makabawi.

 

Kung tutuusin, hindi na dapat nagmamakaawa ang mga kolehiyong institusyon, kaguruan, at mga estudyante para sa makatarungang pondo dahil ang mga taxpayers naman ang nagpapakapagod para may pondong nagagamit. Ang mga taxpayers ay umaasang mailalaan ng pamahalaan ang kanilang mga buwis sa makabuluhang bagay. Gayundin ay karapatan ng mga mamamayan na malaman kung saan napupunta ang buwis na binabayaran nila. Ngunit, tila ang bagay na ito ay ipinagkakait ng bagong administrasyon.

 

Matatandaan na kamakailan lang ay inaprubahan ng senado ang kahilingan ni Bise Presidente Sara Duterte na ₱500 milyong 'confidential funds' para sa Office of the Vice President (OVP) na nagresulta sa kabuuang ₱2.92 bilyong badyet na tatlong beses na mataas mula sa alokasyon nito sa kasalukuyang taon.

 

Nakapagtataka lang na sa gitna ng lumalalang krisis sa sektor ng edukasyon ay nagawa pang magkaroon ng confidential funds na ganoon kalaki. Hindi makatarungan na ganoon lang kadali para sa mga politiko na humiling ng confidential funds habang ang mga estudyante at guro ay kailangan pa munang mapaos at mabilad sa araw para lamang maipabatid ang kanilang mga panawagan.

 

Maraming bagay ang nangangailangan ng dagliang aksyon. Dapat nang itigil ang konsepto ng confidential funds sapagkat pera ng taumbayan ang ginagamit dyan. Hindi ‘yan galing sa bulsa ng mga politiko para itago.

 

Nararapat na magkaroon ng transparency ang mga tao sa gobyerno para makita ng taumbayan kung saan napupunta ang bawat sentimo ng kanilang pinagpaguran.

 

Gayundin ay nararapat na pakinggan ang panawagan para sa ligtas na pagbabalik sa mga unibersidad, pagbibigay ng solusyon sa kakulangan sa mga pasilidad, at pag-aayos sa kasalukuyang kurikulum na mayroon tayo. Kasabay nito ay ang pagbibigay ng karagdagang scholarship at educational assistance para sa mga mag-aaral na salat sa buhay.

 

Subalit, ang mga ito ay malabong mangyari kung patuloy na ipagkakait sa kabataang Pilipino ang nararapat na para sa kanila.


Dibuho ni: Ranzmar Longcop

Comments


bottom of page