top of page

OPINYON | Hindi Man si Gabriela, Babae Patuloy Kang Aalsa

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Ginaganap tuwing ika-25 ng Nobyembre hanggang ika-12 ng Disyembre taon-taon ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) sa ating bansa sa bisa ng 1987 Constitution at Republic Act 10398, kung saan nilalayon nitong palakasin ang kamalayan ng mga Pilipino patungkol sa karahasang kinakaharap ng mga kababaihan upang mapigilan ang lahat ng anyo na nakapalibot dito. Sa pakikiisa sa panawagang ito, naglunsad ang iba’t ibang organisasyon sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ng “Anti-VAW Exposition” noong Disyembre 5 hanggang 6.

Sa kabi-kabilang mga batas na nilikha upang masugpo ang supresyon ng kababaihan, gaya ng Republic Act 9710 o ang Magna Carta for Women at Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004; sa tinagal na taon na rin ng pangangampanya sa pagwawakas ng iba’t ibang banta sa mga kababaihan, bakit patuloy pa ring naghahari ang sistema ng macho-pasismo, patriyarkal na pamamahala at iba pang porma ng opresyon laban sa mga kababaihan? Na batay sa pahayag ni Philippine Commission on Women (PCW) Deputy Executive Director for Operations Kristie Balmes, ay lalong lumala sa panahon ng pandemya.


Kung patuloy na lumalaganap ang mga pang-aabuso laban sa mga kababaihan, hindi ba't parang may kakulangan sa pagpapatupad ng mga kaukulang batas o sa kasamaang palad tayong mga Pilipino ay nilulupig pa rin ng nakasanayang patriyarkal at misogonistang sistema? Ayon sa Philippine National Police (PNP), 12,000 na kaso ng VAW ang naitala noong taong 2021 na sinundan ng 5,339 na kaso sa unang hati ng 2022. Sa kabila nito, maraming mga kaso ang hindi naisama sa inulat na datos dahil marami pa ring pang-aabuso ang nagpapatuloy nang patago, kung saan ay hindi nasesentensyahan ng kaukulang parusa ang mga salarin. Ito ay dahil kadalasa'y may stigma na kinakaharap ang mga biktima kung saan naiisip nila na ang pagsasalita o pagrereklamo ay hindi makagagawa ng pagbabago sa kanilang sitwasyon. Ang takot na bumabalot sa mga mismong nakararanas ng pang-aabuso tungkol sa pag-angat nila ng kaso sa mga awtoridad ay isang tanda na hindi gaanong katalim ang ngipin ng mga panukalang batas na siyang marapat pumoprotekta sa mga kababaihan. Dagdag pa rito, kamakailan ay naging tampulan ng kontrobersya ang pahayag ng Banaue PNP mula sa Ifugao ukol sa rape preventive measures na kanilang inilunsad na ‘di umano’y nagpapahayag na hindi dapat magsuot ng mga maiigsing damit ang mga kababaihan upang maiwasang ma-rape. Ang post na ito ay burado na, ngunit hindi pa rin ito dapat isawalang bahala dahil ang ganitong direktiba ay nagpapatunay na umiiral pa rin ang seksismo laban sa kababaihan at victim blaming sa mga kasong kinasasangkutan ng mga babae. Tila ba lumalabas na ang kababaihan ang nag-uudyok upang sila'y maltratuhin, abusuhin, at hindi bigyan ng kaukulang respeto. Ito ay isang halimbawa kung gaano kakitid pa rin ang isipan ng mga mismong opisyales na siyang dapat nagpapatupad ng batas na nasa katwiran. Isa pa, lumalabas dito ang pagmamanipula sa kung ano lamang ang maaaring maging hitsura ng isang “disenteng” kababaihan ayon sa baluktot na pamantayang itinatakda ng lipunan. Sa umiiral na sistema ng ating pamahalaan, mapapansin na ilang taon na tayong napamumunuan ng mga lalaking politiko. At sa tuwing may kababaihang nagtatangkang makamit ng posisyon, tala-talamak na batikos sa kanilang kakayahang mamuno ang umaalsa. Isa na rito ang pahayag ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagka-presidente ay hindi raw isang trabaho para sa kababaihan dahil sa “emotional differences” ng babae at lalaki.


Ngunit sa paglipas ng panahon, ilang babae na ba ang nakapagpatunay na kaya rin ng mga kababaihang mamuno? Hindi ba't noong panahong sinakop tayo ng mga imperyalistang Kastila, matapang na tumindig si Melchora Aquino upang gamutin ang mga sugatang sundalong nakikibaka, si Urduja na buong dugo't pawis na ipinagtanggol ang probinsya ng Pangasinan mula sa mga mananakop, at si Kumander Dayang Dayang na walang takot na ipinaglaban ang kanyang karapatang mamuno sa kabila ng lahat ng hamong ibinabato sa kanya mismo ng sarili niyang pamilya. Ilang batas na ba ang nilikha ng kababaihang nasa pwesto ang tunay na napakinabangan at nakatulong sa masa? At ilang kababaihan na ba ang matapang na nakipagsabayan sa mga deliberasyon ng mga kalalakihan sa kabila ng lahat ng pang-aalipusta?


Deka-dekada na rin ang binilang ng mga babae upang patunayan ang kanilang mga sarili. Ngunit patuloy na nagiging bingi ang bayan dahil sa patriyarkal na tutuling nakasilid sa kanilang mga tainga.


Ang mga babae ay hindi mahina at mas lalong hindi idinisenyo para lamang maging palamuti at maging sunod-sunuran sa mga taga-siil na naghahari-harian. May kakulangan pa rin sa ating kampanya na nagdudulot ng kahirapan sa kalagayan ng mga kababaihan. Kung kaya ay palawakin pa sana natin ang ating mga isipan bilang mga indibidwal, lalong-lalo na ang mga taong nasa pwesto na silang dapat na pangunahing gumagawa ng aksyon para masolusyonan ang isyu ng VAW.


Gayundin ay palawigin ang kaalaman ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaabot sa kanila ng ating mga panawagan kahit sa mga kasulok-sulukang bahagi. Bigyan pa ng nararapat na talim ang mga batas upang hindi na ang mga biktima ang matakot, kundi ang magtatangkang manghamak sa mga kababaihan. Makakamtan natin ang tunay na pagwawaksi sa mga pang-aabuso laban sa kababaihan, kung tayo mismong mga babae, kasama ng iba pang miyembro ng komunidad ay magkakaroon ng iisang boses laban dito. Ang pakikiisa sa mga ganitong kampanya ay maaaring maging susi. Sa hinaba na ng taon ng ating pagbuwag sa patriyarka ay hindi pa ba natin iaakyat ang ating laban? Marahil, kagaya ng kahit na sinuman, ay pagod na rin tayo sa paulit-ulit na litanya, mga batas na pinairal ngunit hindi napaliwanag at nadisemina sa mga mamamayan nang husto, at sa walang katapusan na panawagan na baliin ang nakasanayang patriarkal na sistema. Kaya sa bawat kababaihan, ‘di man ikaw si Gabriela, Josefa, o Tandang Sora, lumaban ka at patuloy na kumasa sa hamon ng misogonistang mundo. Sama-sama nating aalisin ang tutuli ng patriyarka sa bawat tainga ng masa.


Artikulo: Alexa S. Franco

Dibuho ni: Timothy Andrei Milambiling


Comments


bottom of page