Bilang mga mag-aaral sa bansang pinalilibutan ng kabi-kabilang suliraning hindi mawakasan ng kahit sinong mga nagdaang pangulo ng bansa–edukasyon, ekonomiya, kalusugan at marami pang iba–tila isang malaking selda para sa kanila ang kinagagalawan nilang lipunan; nakakulong, kumakapit sa rehas ng kahirapan, at pinagkakaitan ng kalayaan. Sa tuluyang pagsasawalang-bisa ng PUP-DND Accord, isang malaking dagok na naman ang kinakaharap natin bilang mga Iskolar ng Bayan kung paano ma-i-re-rehistro ang bawat sigaw ng pagbabago at reporma sa pamamahalang yumuyurak sa bansa.
Himas-rehas pa rin ba tayo sa seldang binuo ng rehimen?
Ang PUP-DND Accord o Prudente-Ramos Accord ng 1990 ay isang kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense at PUP na pinirmahan ng dating PUP President Dr. Nemesio E. Prudente at dating Department of Defense Secretary Fidel V. Ramos na naggagawad ng proteksyon at seguridad sa lahat ng kampus ng pamantasan mula sa pagsasagawa ng kahit anong operasyon ng militar at kapulisan nang walang paunang pasabi sa pamunuan ng PUP. Binibigyan din ng kasunduang ito ang bawat mag-aaral ng ligtas na lugar upang magsagawa ng pagkilos at makapagpahayag ng kanilang politikal na paniniwala nang malaya nang walang pag-aalinlangang dakpin ng mga awtoridad.
Ngunit nitong Abril 18 ay nakatanggap ang PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP SKM) ng liham mula sa opisina ng University Legal Counsel na nagkukumpirma sa pagbuwag ng kasunduan noong Enero 2021 pa–kasabay nito ang pagsasawalang-bisa rin sa UP-DND Accord ng 1989–na siyang ikinagulat ng mga mag-aaral dahil dalawang taon na pala ang lumipas noong ito ay buwagin at wala man lang inilabas na abiso ang pamantasan ukol dito.
𝗠𝗮𝘁𝗮𝗴𝗮𝗹 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝘁𝗮𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘀𝘂𝗻𝗱𝘂𝗮𝗻
Bago pa man isawalang-bisa ang accord, kabi-kabilang kaso ng intimidasyon at panghihimasok ng hanay ng kapulisan at militar ang magsisilbing patunay na matagal nang naghihingalo ang pinirmahang usapan. Matagal nang inaabuso ng mga pwersang ito–palihim man o hindi–ang kapangyarihan na iginawad sa kanila ng batas na imbes na gamitin para proteksyunan ang mga Pilipino, ay ginagamit lang din pala upang halikan ang paa ng naghahari-hariang rehimen. "To serve and protect" o "To kill and tolerate"?
Isang halimbawa nito ang pangha-haras ng armed personnel ng PNP noong Disyembre 11, 2022 sa isang programa para sa pagdiriwang ng National Children’s Month ng Tulong Kabataan – Sta. Mesa (TKSM) sa kalye ng Valencia dahil umano sa mga ‘subversive’ modules na ipinamamahagi ng TKSM sa mga kabataan. Pinagtatanggal din ng mga pulis ang mga kagamitan sa programa tulad ng tent, sound system, at event banners, na nagdulot ng kaguluhan sa nasabing lugar kahit na aprubado naman ng Barangay 636 chairman ang programang ito.
Maliban dito, kabi-kabila ring kaso ng pagtapak ng kapulisan sa pamantasan ang naitala sa bawat kilos-protesta na ikinakasa na siyang malinaw na paglabag sa kasunduang wala dapat lalapit o papasok sa loob ng 50 metro sa PUP.
𝗨𝗣-𝗗𝗡𝗗, 𝗣𝗨𝗣-𝗗𝗡𝗗 𝗔𝗰𝗰𝗼𝗿𝗱: ‘𝘀𝗽𝗲𝗰𝗶𝗮𝗹 𝘁𝗿𝗲𝗮𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁’?
Sa kabilang banda, hati rin ang opinyon ng ilang Pilipino sa pagkakaroon ng ‘eksklusibong’ kasunduan sa pagitan ng dalawang pamantasan (UP at PUP) at DND.
“Itong UP-DND & PUP-DND Accord ay klarong-klaro na special treatment na inabuso na, sa tagal ng panahon. Kung sa 400 plus campuses ng iba’t ibang SUCs ng bansa wala namang ganyang accord pero peaceful naman, tama lamang tanggalin na ang special treatment na ‘yan na naaabuso rin naman,” ani Duterte Youth Party-list Representative Ducielle Cardema na tahasang kinokondena ang ‘special treatment’ umano sa UP at PUP sa pagkakaroon ng ganitong uri ng kasunduan.
Ngunit kung mas palalalimin at sisilipin ang reyalidad ng mga pamantasan sa bansa, maliban sa UP at PUP, sila rin mismo ay nakakaranas ng hirap at pagmamanipula ng estado. Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 17% lamang sa ‘poorest of the poors’ ang kayang makapag-aral sa mataas na edukasyon at higit 30% naman sa mga higher education institutions (HEIs) ay walang mga accredited program sa kanilang mga pamantasan.
Samakatuwid, isa itong malinaw na manipestasyon na ang ugat ng mga krisis-edukasyon na ito ay dulot ng bulok na pamamalakad ng administrasyong Marcos-Duterte na wala nang inatupag kundi mag-pondo sa mga walang kabuluhang programa katulad na lamang ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na notoryus din sa pan-re-redtag sa mga pamantasang ito.
𝗞𝗮𝗹𝗮𝘀𝗮𝗴 𝘀𝗮 𝗲𝘀𝘁𝗮𝗱𝗼𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗽𝗮𝗻𝗴-𝗮𝗯𝘂𝘀𝗼
Ang kalayaang pang-akademiko, sa esensya, ay ang malayang pagtugis at pagkamit ng akademikong kahusayan, pagkatig sa patas na pagkalat ng kaalaman, at malayang pagpapahayag nang walang panghihimasok ng mga awtoridad (Quijano, 2013). Dagdag pa rito, isinasaad din sa Artikulo 14, Seksyon 5(2) ng Saligang Batas ng 1987 na “dapat tamasahin ang kalagayang akademiko sa lahat ng mga institusyon ng lalong mataas na karunungan.” Samakatuwid, ang akademikong kalayaan ay hindi lamang terminong pinag-aaralan sa paaralan; bagkus ito ay basikong karapatang dapat tinatamasa ng bawat mag-aaral at hindi ipinagdaramot.
Kilala ang pamantasan sa masikhay at progresibong kultura ng pagkilos. Tahanan ito ng mga iskolar na patuloy ang pakikibaka upang maipaglaban ang mga pilit na binubusalan at pinapatahimik ng rehimen. Ang pagbuwag ng kasunduang ito ay repleksyon ng kanilang pamumuno–kaduwagan. Duwag si Marcos Jr. na harapin ang nagkakaisang hanay ng iskolar ng bayan upang solusyunan ang mga suliraning sila rin naman ang nagdulot, nagdudulot, at magdudulot. Duwag si Marcos Jr. na tanggapin ang katotohanan na siya mismo ang dahilan ng patuloy na pag-urong ng bansa at pagsupil sa mga kabataang ipinaglalaban lamang ang pagsulong ng lipunang niyurakan at dinudungisan. Humihimas man sa rehas ng ‘kalayaan,’ tuloy pa rin ang pagtangan ng panulat bilang armas at pagsigaw sa kalye ng Teresa.
Ibalik ang PUP-DND Accord! Depensahan ang pamantasan!
Dibuho: Timothy Andrei Milambiling
Comments