OPINYON | Bakit ngayon lang, ANAK?
- The Communicator
- 1 day ago
- 7 min read
Taunang idinaraos ang eleksyon sa Alyansa ng Nagkakaisang Konseho (ANAK) PUP kung saan inaabangan ito, hindi lamang ng mga publikasyon para tutukan, ngunit pati na rin ng kabuuan ng pamantasan.

Napakahalaga ng pagsasagawa ng ANAK PUP Congress sapagkat dito ihahalal ang rehente at executive committee na kakatawan sa libo-libong Iskolar ng Bayan sa bawat yunit ng PUP system.
Ang maihahalal na pangulo ng nasabing executive committee ang siyang magiging kinatawan ng mga Iskolar ng Bayan sa Board of Regents (BOR) ng PUP. Sa kasalukuyan, si Miss Kim Modelo ang Student Regent (SR) ng unibersidad.
‘Overstaying’?
Kinwestyon ng ilang mag-aaral sa magkakaibang post sa isang Facebook group ang umano’y overstaying ni Modelo sa kanyang posisyon. Sinasabing lagpas na ang kasalukuyang SR sa isang taong (1 year) termino nito bilang rehente ng 95,000 na Iskolar ng Bayan.
Naihalal si Modelo bilang SR sa ginanap na ika-24 na ANAK PUP Congress noong Disyembre 12, 2023. Mula sa araw na ito hanggang sa kasalukuyan, mahigit isang taon at tatlong buwan na niyang hawak ang posisyon.
Ngunit ayon sa isang impormanteng nakapanayam ng Dakom, naantala ang panunumpa nito bilang Student Regent sa BOR sapagkat tapos na ang sesyon na isinagawa noong Disyembre 2023 – isang linggo bago siya [Modelo] mahalal na bagong rehente.
Si dating Student Regent Wilhelm Provido pa umano ang humarap sa BOR sa nasabing sesyong idinaos noong Disyembre 2023. Kaya naman si Provido pa rin ang kinilalang Student Regent ng BOR mula noong araw na iyon hanggang sa nakapanumpa si Modelo noong Marso 2024.
Kung ito ang magiging batayan ng haba ng termino ni SR Modelo, bumibilang pa lamang na isang taon at anim na araw (1 year and 6 days) ang kanyang pagiging rehente nitong Marso 31, 2025.
Batay sa kaparehong impormante, nag-anunsyo umano ng holdover ng termino sa Office of the Student Regent (OSR) si Modelo nitong Enero. Kinumpirma rin ito ng isa pang opisyales ng opisina. Subalit nilinaw ng opisyales na dulot ito ng pagsasagawa ng unang regular meeting ng BOR nang mas maaga ngayong 2025.
Imbis na Marso 2025, ginawang Pebrero ang unang regular meeting ng BOR. Dahil dito, ang termino ng OSR ay hindi pa aabot ng isang taon (1 year) nang isinagawa ang nasabing pagpupulong.
Ito ang itinuturong dahilan kung bakit napagpasyahan na magkaroon ng holdover ng termino at isagawa ang ANAK PUP Congress sa buwan ng Abril sapagkat inaasahan na ang kasunod na regular meeting ng BOR ay sa ngayong buwan rin.
Bukod pa riyan, ayon sa resolusyong inihain ng ANAK PUP Executive Committee na nagtakda ng transitory period mula 18th to 19th Student Regent, mayroong precedent na dapat isang buong taon ang termino ng student regent.
Mga legal na basehan
Sa kaparehong mga post na kinekuwestyon ang haba ng termino ni Modelo, iginiit ng ‘Anonymous Poster’ ang Sec. 1 at Sec. 2 ng Art. VIII ng 2019 ANAK PUP Constitution and By-Laws.
Nakasaad sa mga nasabing seksyon ng Art. VIII na sa loob ng isang taon lamang ang paninilbihan ng executive committee at taunan ang pagsasagawa ng halalan para sa ANAK PUP.
Malinaw na sinasabi sa Art. VIII, Sec. 3 hanggang Sec. 9 ang gampanin at tungkulin ng mga bumubuo sa executive committee ng ANAK Federation mula presidente hanggang mga cluster representative. (TINGNAN: ANAK PUP Constitution and By-Laws)
Samantala, ang (University) Code naman ang iginigiit ng iba na diumano batayan ng termino ni SR Modelo bilang rehente.
Sa katunayan, batay sa Art. 2, Sec. 2(f) ng PUP University Code v. 2017 patungkol sa termino ng isang student regent:
The President of the Faculty and Alumni Federations and the President of the Supreme Student Council or the student representative elected by the student council shall sit as Members of the University Board of Regents until the expiration of their term of office in such capacities in accordance with their respective Constitution and By-laws.
‘Overstaying’ na nga ba?
Isa sa mabigat at pinakamahalagang gampanin ng presidente ng executive committee ang pagiging kinatawan ng mga iskolar ng bayan sa Board of Regents bilang student regent.
Kaya kahit nahuli ang panunumpa ni Miss Kim Modelo bilang student regent, hindi nito pwedeng kaladkarin ang termino ng buong ANAK executive committee sapagkat iba naman ang gampanin niya bilang student regent at sa iba pang gampanin niya bilang pangulo ng executive committee ng pederasyon.
Ang naunsyaming panunumpa ni Modelo ay hindi rin naman hadlang sa buong executive committee ng ANAK PUP na gampanan ang kanilang gampanin sa pederasyon ayon sa konstitusyon.
Batay sa PUP University Code v. 2017 na tumukoy sa termino ng student regent, ang batayan ng termino nito ay ang kani-kaniyang Constitution & By-Laws (CBL) – sa usaping ito, ang ANAK PUP CBL ang tutukoy ng termino ni SR Modelo.
Liban pa riyan, kung matatandaan, batay sa Art. VIII, Sec. 1, taunan ang paghalal sa mga bumubuo ng Executive Committee ng ANAK PUP.
Sinabi pa sa kasunod na seksyon ng nabanggit na artikulo na ang executive committee ng ANAK PUP ay manunungkulan nang hindi hihigit sa isang taon o mas maaga kung sila ay mapapalitan na sa general assembly.
Ang matimbang na batayan para sukatin ang haba ng termino ni Modelo ay ang termino niya bilang pangulo ng ANAK PUP kaysa kung kailan siya naging rehente.
Sapagkat kaakibat lamang na tungkulin ang pagiging rehente na ibinibigay sa pangulo ng executive committee ng ANAK PUP at hindi isang bukod na mandato.
Kung hindi man umabot ng isang taon ang pagiging rehente ni Modelo, hindi na natin problema iyon. Lagpas isang taon nang pangulo ng pederasyon si Miss Kim Modelo.

Batay pa sa Art. IV, Sec. 2 ng konstitusyon, lahat ng konseho ng mga kampus at branch ng pamantasan ay maituturing lamang na “active member” ng ANAK PUP kung ang mga kinatawan nito ay incumbent o kasalukuyang nagsisilbi sa termino.
Nakasaad din sa Artikulo VII, Seksyon 4 at 5 na isang taon lamang ang termino ng executive committee. Na dapat binubuo lamang ng mga Student Council at mga estudyante ng pamantasan.
Wala nang hawak na anumang konseho sa kasalukuyan sina Modelo at ilang miyembro ng executive committee matapos na humalili ang bagong mga kinatawan nito noong nagdaang Student Council Elections.
Sa inisyal na pagsasaliksik ng publikasyon, napag-alamang nagsipagtapos na rin ang ilan sa miyembro ng Executive Committee sina Carl Ianne Ramos (Executive Vice President), Daniel Jiro Fernandez (Secretary-General), Rheneboy Tabon (VP for Campuses), at Rey Saranate Jr. (Laguna-Batangas Cluster Representative). (TINGNAN: 24th ANAK PUP Executive Committee)
Kaya naman mga iskolar ng bayan, mayroon tayo ngayong miyembro ng Executive Committee ng ANAK PUP na bumuo at bumoto sa panibagong SR Selection Code na matagal nang hindi pangulo ng anumang konseho at mga naka-graduate na.
‘Honest mistake’?
Bigyan natin ng benefit of the doubt ang mga ito. Maaaring sabihing ‘honest mistake’ lamang ang lahat at nang dahil sa ‘precedent’ kaya ipinilit ang isang-taong termino bilang rehente.
Kung ganoon ang sitwasyon, nawa’y magsilbing tanglaw ang artikulong ito para ituwid ng susunod pang mga mamumuno sa mga iskolar ng bayan ang pagsunod batay sa nilalaman ng panuntunan gaya ng Constitution and By-Laws ng ANAK PUP at ng PUP University Code v. 17.
Ngunit ayon sa inilabas na Resolution No. 3, S. 24th Congress o Rules ng ANAK PUP kamakailan lamang, may nilabag ang kasalukuyang nakaupong executive committee ng pederasyon sa mismong patakarang sila ang may gawa at labag sa konstitusyon ng ANAK PUP.
Sinasabi sa Rule III, Sec. 6 na sa panahong maka-graduate at mapalitan bilang pangulo ng student council ang mga miyembro ng executive committee, mananatili pa rin sila sa posisyon hanggang sa kasunod na eleksyon at panunumpa ng panibagong executive committee.
Unconstitutional at tahasang pagtaliwas ito sa diwa ng konstitusyon ng ANAK PUP na malinaw na sinasabing isang taon lamang ang termino ng executive committee at dapat mga student council president at mga estudyante ng pamantasan ang mga ito gaya ng nabanggit sa itaas.
Ayon naman sa Rule II, Sec. 4.3, kung sakaling mabakante ang posisyon sa executive committee, maliban sa student regent, dapat na magkaroon ng special meeting o General Assembly ang ANAK PUP sa loob ng 14 na araw para makapaghalal ng papalit sa posisyong mababakante.
Kahit na sinasabi nating unconstitutional ang Rule III, Sec. 6, tila kontradiksyon ito sa Rule II, Sec. 4.3.
Paanong nakapamamalagi sa posisyon ng executive committee ang mga miyembrong nakapagtapos na kung may partikular na seksyong nagsasaad ng prosesong palitan ito kapag naka-graduate na?
Honest mistake pa nga ba? O tahasang pag-maniobra sa konstitusyon at batas na sila mismo ang may gawa?
Matatandaang sila pa mismo ang unang lumaban sa ilang araw na paglagpas ni dating SR Provido sa kanyang termino. Pero kumusta naman ang termino ng kasalukuyang ANAK ExeComm?
Opisyal na pahayag ng SR
Noong Marso 13, naglabas ng pahayag si Modelo sa kanyang personal na Facebook account kung saan nilinaw niya ang ilan sa mga isyung kinakaharap ng opisina.
Ngunit imbes na sagutin ang katanungang “bakit ngayon lang” gaganapin ang ANAK PUP Congress, binusalan at tinuldukan na agad ang isyung ito sa paglalahad ng pagbuo ng election committee at plano ng ANAK Executive Committee na bago at ‘demokratikong’ Student Regent Selection Code.
Tamang landas na ang tinatahak natin sa pagbuo ng independienteng COMELEC na pangungunahan ng mga Student Council (SC) COMELEC Chairpersons ng buong PUP System sa paparating na pagtitipon ng ANAK PUP.
Tama rin naman na magkaroon ng mas malinaw na proseso ng paghalal ng SR.
Walang mali sa paghahangad at pagsusulong ng mas demokratikong proseso sa pagpili ng kakatawan sa mga iskolar ng bayan. Sa katunayan, dapat pa itong patuloy na ibaka.
Ngunit walang puwang sa kahit anong pagkakataon ang paggamit ng ngalan ng demokrasya para pagtakpan at takbuhan ang mga isyu o ugong ng kapabayaan.
Ilegal na SR, ilegal na ExeComm
Hindi natin layong kwestyunin ang hakbang na ito para sa demokratikong partisipasyon sa pamantasan, ngunit tila taliwas sa nais nilang demokrasya ang kanilang ginagawang pag-hostage sa posisyon sa ANAK PUP ExeComm.
Dapat kwestyunin ang legalidad ng binuong Student Regent Selection Code sapagkat batay sa konstitusyon, tapos na ang kanilang termino nang binuo nila ito. Bukod pa riyan, kasama pa sa pagbuo at pagboto ukol dito ang mga miyembrong nakapagtapos na sa pamantasan.
Kaya kung tunay na diwa ng demokrasya at continuity ang tunay na inaalala ng namumuno sa atin, Disyembre 2024 pa lamang, ibinigay na dapat ang panunungkulan sa mga halal na pangulo ng student council ng PUP System.
Kailangan pa bang buoin ang isang taon bilang rehente? Nilinaw na nating hindi naman kailangan o required. Ang precedent o anumang tradisyon ay hindi makahihigit sa konstitusyon at kodang nagpapatakbo sa ANAK PUP at ng buong pamantasan.
24th ANAK PUP ExeComm, tinalo niyo pa si Provido, lagpas isang taon na kayo. Overstaying at ilegal na kayo.
Tutal opisyal na kinikilala pa ring SR si Modelo hanggang sa susunod na sesyon ng BOR sa Abril, wala na tayong magagawa riyan.
Ngayon, hamon para sa bagong uupo sa 25th ANAK Fed at magiging ika-19 na student regent, siguruhing hindi na muli mauulit ang mga ito. Kahit mas matimbang ang nagawang nakabuti sa pamantasan, hindi ito pahintulot para makatakas sa pananagutan. Lalong huwag maging dahilan ang pagkakatulad ng pinaglalaban para palampasin na lamang ang lahat ng kamalian.
Ituwid at bigyang pangil pa ang mga panuntunan. Amyendahan ang konstitusyon kung kinakailangan. Ibalik ang paglilingkod para sa interes ng mga Iskolar ng Bayan at hindi ng iilan.
Artikulo: Alec Marc Reguya
Dibuho: Allaine Chesca Arcaya
Comments