Ipinanawagan ng iba't ibang progresibong organisasyon ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang pagtutol sa National Polytechnic University (NPU) Bill sa pamamagitan ng kilos-protesta sa labas ng South Gate ng House of Representatives (HOR) nitong Lunes, Pebrero 12.
Alinsunod ito sa nangyaring pagdinig sa House Bill (HB) 8829, 8860 at 9060 o "An Act Amending Presidential Decree 1341,” na mas kilala bilang Charter of the Polytechnic University of the Philippines at ang panawagang ibasura ang pribatisasyon at komersyalisasyon ng pamantasan na nakasaad sa mga nasabing panukala.
Nakiisa sa protesta ang Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA) PUP at Kabataan Partylist (KPL) ng Kolehiyo ng Komunikasyon.
Nagkaroon ng girian sa pagitan ng mga estudyanteng nagwewelga sa labas ng HOR, at ng mga pulis na humarang sa kanila upang pigilan ang inorganisang pagkilos ukol sa hindi pagkakaroon ng kinatawan sa loob ng kamara.
Kalaunan ay nagkaroon din ng kinatawan para sa libo-libong iskolar ng bayan sa loob ng kamara matapos ihayag ni PUP Student Regent (SR) Hon. Miss Kim Modelo ang pagkadismaya sa isang Facebook post hinggil sa hindi pagkakaroon ng representasyon para sa sangkaestudyantehan sa ginawang pagdinig.
Tinalakay ni Chairperson of the Committee on Higher and Technical Education Rep. Mark Go ang ilan sa mga nilalaman ng panukala katulad ng pagtataas ng badyet at pagpapatayo ng karagdagang kampus sa Abra, Laguna at Cagayan de Oro.
Inihain naman ni Modelo ang ilan sa mga panawagan na pasok sa pangangailangan ng bawat tauhan sa PUP katulad ng disenteng sahod para sa teaching and non-teaching personnels, aksesableng edukasyon para sa kabataang Pilipino, at serbisyo para sa libo-libong estudyante ng PUP.
Ipinaliwanag naman ni SAMASA Chairperson Ronjay Mendiola ang ilan sa mga tinututulang probisyon sa panukalang batas na NPU Bill kagaya ng pagpapaalis sa lagoon concessionaires kapalit ng malalaking korporasyon sa loob ng pamantasan.
Kinontra agad ito ni Go at sinabing maaaring gamitin ito upang pagkakitaan ng pamantasan at ang pondong malilikom mula rito ay para sa kapakanan ng unibersidad at ng mga estudyante.
Nagtapos ang pagdinig sa suhestyon ni Congresswoman Arlene Brosas na magkaroon muna ulit ng konsultasyon ang mga kinatawan ng komunidad ng PUP ukol sa NPU Bill upang mas maging malinaw ang kanilang mga tinututulan at implikasyon nito sa pamantasan at ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) na suhestyon naman ni Congresswoman Lani Revilla na sinang-ayunan naman ni Go.
Artikulo ni: Parzyval Valdez
Grapiks: Ramier Vincent Pediangco
Comentarios