Nang maningil ang mga nanlaban
- The Communicator
- Mar 18
- 1 min read

Nanaginip ako
Naglalakad daw ako sa kalye impyerno
Nahukay mula sa kamay na bakal na walang sinasanto
Bawat sulok ay malagim na nagkukwento.
Maingay rito, umaalingawngaw ang pagtangis ng pamilya't kaibigan
Sa kanto’y laganap ang patayan
Buháy ang takot para sa búhay na inaambang tuldukan
Ng diyos-diyosang naghahari-harian.
Sa bawat kalyeng binabaybay ay may dalawang katiyakan
Akyat-panaog si kamatayan at
Si hudas ay buháy at nakikipagkamayan
Sa mga mortal na kaluluwang halang.
Dito, bala ng baril ang patak ng ulan
Binabagyo ng bala’t hiyaw na umaalingawngaw
Bangkay ng mamá sa kanto’y minamarkahang ‘wag tularan
Binabaha ng luha't galit ang bayang binayaran.
Umaalingasaw ang sangsang ng kalsadang lantad
Ang bakas ng mga dugong pinambayad
Kapalit sa guni-guning bayang ligtas
Na inutang sa libo-libong dugong dumanak.
Nagising ako’t tumambad sa huling hantungan.
Kasama ang mga maralitang pinuputakte’t ninanakawan
‘Di lang ng karapatan kundi kalayaan
Ang umawit ng katarungan, kasama ang mga nanlaban.
Libo-libong mga puta’t ulol—mga juan na tinatakan ng 'wag tularan
Na sa isang iglap, mga hininga'y nalagot
Ang umahon sa tanikala ng kamatayan
Lilitisin na ang nagkanulo sa búhay at bayan.
Ngayon, oras na ng paniningil
Sa mga huwad na sa inosente’y sumupil
Natimbang na ang hustisya’t karapatan
Gising na ang bayan.
Artikulo: Abigail Prieto
Dibuho ni: Luke Perry Saycon
Comentários