top of page
Writer's pictureThe Communicator

Naghaharing Bahaghari: COC Bilang Tahanan ng Makulay na Komunidad




“College of Colors.” Ito ang bansag sa PUP College of Communication (COC) dahil sa maligayang pagtanggap nito sa komunidad ng LGBTQIA+. Ang bawat sulok ng kolehiyo ay puno ng makukulay na kuwento ng mga miyembro ng komunidad na malayang naipapahayag ang kanilang mga sarili.


Mula noon, magiting nang ipinaglalaban ng mga COCian ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay at pagdiriwang ng kontribusyon ng bawat isa upang mamutawi ang masaya, mapayapa, at ligtas na espasyo para sa lahat ng mga estudyante. 


Bawat Sulok ng COC ay Runway


Isa sa mga ipinagdiriwang ng komunidad sa kolehiyo ay ang malayang karapatan sa pananamit. Ang karapatang ito ang siyang bumubura sa restriksyon sa pagpapahayag ng kasarinlan. Dahil dito, tila araw-araw ang Fashion Show sa loob ng kolehiyo—walang kaba ang pagrampa ng mga COCian sa munti nitong mga pasilyo.


“I feel empowered seeing diverse individuals na walang kabang rumarampa sa COC Lobby at mag-fi-fit check sa salamin ng Movers [and Motions]. When you witness how someone is free to wear anything they want without the fear of being heavily embarrassed or discriminated against, that only proves that the COC is a safe space for every queer individual because the people there are very open and have a welcoming presence towards queer people too, and that should be celebrated,” pagbabahagi ni Mx. COC 2023 Harley Palubon.


Bawat COCian ay Maituturing na Safe Space


Bukod sa pananamit, saksi rin ang kolehiyo sa mga kuwento ng makabuluhang pagkakaibigan at samahan. Patuloy na itinataguyod ang pagiging inklusibo hindi lamang ng mga mag-aaral para sa kapwa mag-aaral, kundi pati ng mga propesor para sa kanilang mga tinuturuan.


“Ngayong buhay kolehiyo ko, hindi na ako kinakabahan ‘pag makapal yung kulay ng labi ko, hindi na ako natatakot sa gunting dahil alam kong hindi na nila papakialaman ‘yung bangs kong mahaba, nagagawa ko na rin ilabas ‘yung makeup kit ko na hindi magwo-worry kung maco-confiscate ba ito. Those improvements, I realized na kaya ko nang ipakita yung identity ko,” pagkukwento ni Vannece Llera, mag-aaral mula sa Bachelor of Arts in Broadcasting 3-2D. 


Dagdag naman ni Harley, “I’m just so lucky that I have found the right people, the right environment where I can express my identity, but I also do feel unhappy because others might not have the same circumstance.” 


Bawat Programa sa COC ay Inklusibo


Hindi rin nahuhuli ang mga programang bitbit ng bawat organisasyon sa kolehiyo para maiangat ang mga karapatan at mga panawagan na ipinaglalaban ng bawat COCian.


Sa mga nagdaang taon, kabi-kabilang ang mga kaganapan na inilunsad ng mga organisasyon upang ipagdiwang at itaas ang mga panawagan ng komunidad. Nariyan ang Pride March ng PUP Kasarianlan tuwing Marso, Mx. COC na handog ng Konsehal ng mga Mag-aaral ng kolehiyo, ADPRIDE ng PUP Advertising and Public Relations Organization of Students (ADPROS), at marami pang iba. 


Ayon kay Harley, naging susi ang mga ito upang mapalaganap ang mga adbokasiya niya dahil sa hindi mabilang na mga interviews, gender and development forums, at educational discussions


It gives chance sa lahat ng mag-aaral na maging bahagi ng komunidad ng paaralan nang walang diskriminasyon. This also strengthens diversity and it gives more space sa pag-unlad at pagkatuto ng bawat isa,” dagdag ni Rica Limbing, estudyante mula sa BAPR 4-1D. 


Para sa mga miyembro ng komunidad, hinubog pa ng COC ang kanilang mga identidad at nagiging daan para makapagbahagi ng kanilang mga kaalaman at ipinaglalaban sa mas malawak na madla. 


Basta COCian, Walang Iwanan


Mula noon hanggang ngayon, patuloy sa pag-abante ang COC bilang isang lugar na maituturing ng komunidad na tahanan. Panawagan ni Harley na magpatuloy pa ang mga makabuluhang advocacy-driven events upang mas mapalawig pa ang mga panawagan ng pagtanggap at pagkilala sa komunidad ng LGBTQIA+.


Malayo pa ngunit malayo na ang narating ng ating pakikipaglaban para sa mainit na pagtanggap ng bawat isa sa mga miyembro ng bahaghari sa loob ng kolehiyo. Kung dati ay nililimitahan ang mga estudyante sa uniporme at tabas ng buhok, ngayon ay malaya na ang bawat isang ipagdiwang ang kanilang pagkakakilanlan—may okasyon man o wala. 


Hindi natatapos sa Pride Month ang pagsulong ng mga adbokasiya para sa mga kapatid natin mula sa komunidad. Bukod sa makukulay na mga kaganapan upang ipagdiwang ang kasarinlan ng iba’t ibang kasarian, patuloy ding nagniningas ang sinimulang laban para sa kanilang mga karapatan. 


Mula noon hanggang ngayon, kapit-bisig ang bawat COCian na tinatangan ang lansangan upang maiangat ang mga panawagan para sa tunay na pagtanggap sa komunidad. 


Artikulo: Maxine Pangan & Shaeka Madel Pardines

Grapiks: Aldreich Pascual


Commentaires


bottom of page