Moryonan: Ang Sagradong Panata at Makulay na Kultura ng Marinduque
- The Communicator
- 2 hours ago
- 4 min read
Sa paglipas ng Mahal na Araw, nananatiling buhay ang mga tradisyong patuloy na hinuhubog ang pananampalataya at kultura ng mga Pilipino. Sa panahong ito, ating inalala ang lahat ng mga pinagdaanan ni Hesus mula sa Kaniyang pagkapako sa krus hanggang sa Kaniyang muling pagkabuhay. Sa iba't ibang dako ng bansa, nasasaksihan natin ang mga prusisyon, penitensya, senakulo, at iba’t ibang uri ng pagdiriwang. Bagama’t laganap ang mga ito, mayroong kakaibang lalim at katangian ang paniniwala at tradisyon ng mga taga-Marinduque sa tuwing sasapit ang sagradong panahong ito.

Panata
Mahigit isang dekadang kuwento ng malalim na pananampalataya ang suot-suot ni Jhurenso Maac, isang Morion mula pa noong 2015 hanggang sa kasalukuyan. Bukod sa malikhain at ispiritwal na ekspresyon ng debosyon, para sa kaniya, ito ay isang paraan ng pasasalamat sa Panginoon sa mga taong lumipas at sa mga haharapin pa, gayundin ang paghingi ng kapatawaran sa kaniyang mga pagkakasala. Malaking bahagi ng kaniyang debosyon ang pasasalamat sa kagalingan ng kaniyang yumaong lola na si Edna Maigting, at hanggang ngayon ay patuloy niya itong dala-dala kalakip ang panalangin para sa kaligtasan ng kaniyang buong pamilya.

larawan mula kay Jhurenso Maac
Isang hindi malilimutang karanasan para sa kaniya ang taunang “Kalbaryuhan” o ang pagsasadula sa daan ni Hesus patungong kalbaryo. Sa ibinahaging panayam ni Jhurenso sa The Communicator, ikinuwento niyang tunay na hindi biro ang pagmo-Morion dahil sa tindi ng init na dinaranas, bigat ng kasuotan at maskara, at ang pagtakbo sa ilalim ng matirik na araw—na kanilang ginagawa lahat sa ngalan ng pagsasakripisyo.
Ang tanging mensahe ni Jhurenso sa mga nagnanais maging Morion ay, “Ang pagmo-Morion, na nagmula sa Mogpog noong 1807, ay hindi simpleng katuwaan kundi isang sagradong panata ng pagsisisi at sakripisyo bilang pagtulad sa paninindigan ni San Longhino. Ito ay dapat isagawa nang may malalim na pasasalamat at pag-aalay ng buhay sa Diyos, kung saan ang bawat hirap sa ilalim ng maskara ay nagsisilbing pagkilala sa mga natanggap na biyaya.”
Pinagmulan
Gaya ng lalim ng labing-isang taong istorya ng panata ni Jhurenso, matagal nang nakaugat sa lalawigan ng Marinduque ang Moryonan, o mas kilala sa tawag na Moriones Festival. Ngunit mahalagang itanong: saan nga ba ito nagsimula?
Ang nagsilbing turning point o rurok ng pagbabago sa paraan ng pagdiriwang ng Mahal na Araw sa isla ay ang inisyatiba ni Padre Dionisio Santiago, isang pari mula sa bayan ng Mogpog. Siya ang kinikilalang pangunahing tagapagtaguyod na nagpanukala ng isang makabago at kakaibang konsepto sa pagdaraos ng Mahal na Araw. Dahil sa kaniyang pangunguna, mula pa noong 1807 ay ipinagdiriwang na ng probinsya ng Marinduque ang Moriones Festival.
Dito nagsimulang magsuot ang mga kalalakihan—at sa kasalukuyan ay pati na rin ang mga kababaihan—ng mga maskara, helmet, at makukulay na kasuotan na hango sa anyo ng mga sundalong Romano noong panahon ni Hesus. Sa pamamagitan nito, kanilang isinasabuhay ang kuwento ni Longinus, ang Romanong senturyon na mahimalang nakakita nang matalsikan ng dugo ni Hesus matapos niyang tusukin sa krus, na nag-akay sa kaniya sa pananampalataya at naging sanhi ng kaniyang pagkamartir.
Ang dulaang ito ay taon-taong ginaganap tuwing Mahal na Araw upang ipakita ang naging buhay at pagpapahirap kay Hesus noong Siya ay nasa lupa pa. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na pinangangalagaan ng mga Marinduqueño ang tradisyong ito, at maging ang ibang mga lugar ay nagsisimula na ring tularan ang kanilang natatanging paraan ng paggunita sa Mahal na Araw.
Kultura at Pananampalataya
Bukod sa pagiging “Puso ng Pilipinas”, ang Marinduque ay tahanan ng Moriones Festival o Moryonan. Isa itong buhay na patunay ng mayamang sining at malalim na pananampalatayang pamana ng kasaysayan. Hindi lamang ito isang makulay na parada dahil para sa mga debotong tulad ni Jhurenso, ang pagsusuot ng maskarang morion at armor ay isang sagradong panata ng pagsasakripisyo, pasasalamat, at pagbabagong-buhay.
Ang debosyong ito ay hindi lamang mananatili sa pahina ng kasaysayan kundi buhay na nakaugat ito sa puso ng bawat mamamayang mananampalataya tulad ni Jhurenso na sa gitna ng tirik na araw, patuloy na pinagyayaman ang tradisyon at kultura sa pamamagitan ng pagpasa ng kaalaman sa mga bagong henerasyon.
Kaya’t paalala niya na ang gawaing ito ay may kaakibat na mabigat na responsibilidad. Mula sa sining ng paglililok hanggang sa pakikilahok sa mga dulaan, tinitiyak niya at ng mga Marinduqueño na sa bawat pagdiriwang, ang kanilang identidad at matatag na pananampalataya ay mananatiling buhay para sa susunod na henerasyon.
Sining
Ang mga maskara ng Moryonan ay obra-maestra ng pagiging malikhain ng mga Marinduqueño. Sa pamamagitan ng masusing pag-uukit sa kahoy at paglalagay ng mga detalyadong disenyo ng mga bihasang manlililok, binibigyang-buhay nila ang bawat maskara bilang simbolo ng kanilang identidad. Mula sa mga tradisyonal hanggang sa mga makabagong istilo, ang bawat ukit ay patunay ng husay na ipinamamana sa mga susunod na henerasyon.
Mula sa masusing pag-uukit ng kahoy na sasapinan ng barnis hanggang sa mga detalyadong disenyo, maingat na binubuo ang maskara upang mabigyang-buhay ang anyo ng Romanong sundalo. Kapansin-pansin ang pagkakaiba-iba ng sining sa bawat bayan, partikular na ang mga Morion sa Mogpog na pinagmulan ng tradisyon. Kilala ang kanilang mga maskara sa maamong mukha, malalaking mata, at mabulaklak na headdress na yari sa palara—na sumisimbolo sa haba ng panahon ng pagmo-Morion ng isang deboto.
Ang bawat maskara ay hindi lamang gawa sa kahoy at pintura, kundi isang buhay na testamento ng sining na nagbubuklod sa kasaysayan at modernong pagpapakita ng galing ng mga Marinduqueño. Ang mga likhang ito ang nagsisilbing korona ng kanilang pagkakakilanlan na patuloy na nagniningning at maipagmamalaki sa buong mundo.
Sa pagtatapos ng sagradong panahong ito, ang katotohanan ay hindi na mapapaghiwalay ang Marinduque at ang Moryonan dahil isa itong tradisyong nakaukit sa kaluluwa ng lalawigan. Higit sa makulay na pagtatanghal, ang bawat hakbang ng mga Moriong tulad ni Jhurenso ay taimtim na pagsisisi at pakikiisa sa sakripisyo ni Kristo.
Iligpit man ang maskara at pawiin ang mga patak ng pawis at dugo pagkatapos ng Mahal na Araw, mananatiling buhay ang panata sa puso ng bawat mamamayan bilang simbolo ng kanilang matatag na pagkakakilanlan at muling pagkabuhay ng espiritu sa piling ng Panginoon.
Artikulo: Trisha Sorsano
Grapiks: Kent Bicol




Comments