top of page
Writer's pictureThe Communicator

Mga aberya sa PUPCET, hinarap ng admin

Hinarap ng admin ang ilang usapin hinggil sa kabi-kabilang mga problemang kinakaharap ng mga examinees na lumalabas online o sa pisikal man ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas college entrance test (PUPCET) nitong Pebrero 18.


(Kuha ni Christian Melvin Arejola/The Communicator)


Mga aberya sa e-permit 


Nilinaw ni Earl Jerosh S. Barangan, isa sa admin staff ng PUPCET, na ang pagproseso sa mga e-permit ay system-generated at walang halong human involvement na siyang iminodify ng Information and Communications Technology Office (ICTO). 


Kasama sa pag-system-generate ay ang pagbibigay ng iskedyul sa mga examinee, katulad ng oras, araw ng eksaminasyon at kanilang silid. 


Ayon kay Barangan, random ang pagbibigay ng mga iskedyul dahil kinukumpleto muna ng system ang isang silid na dapat mapunan ng 35 examinees. Pagkatapos ay bubuuin naman nito ang isang palapag hanggang sa matapos bago lumipat sa kasunod.


Dagdag pa niya, nakadepende sa kung kailan na-finalize at na-evaluate ang aplikasyon ng aplikante sa magiging iskedyul nito. 


“So kung bale [kung] nag-apply siya ng November 27, for example, tapos na-evaluate siya let's say the following week, kung ano ‘yung sinabi ng system ay ‘yun na,” pagbibigay halimbawa ni Barangan. 


Para naman sa mga maling araw at oras sa e-permit, nangyari ito nang magsimulang magbukas ng aplikasyon at mag-evaluate ang mga branch ng PUP, ayon kay Barangan.


“‘Yung mga maling date and time, nangyari kasi ‘yan nung [nag]-umpisang magbukas si Main tapos saka kami nag-evaluate. Lumalabas ‘yun na January 1, 2020 something tapos 12 am ‘yung date. Hindi pa masyadong na-sort ni system, hindi pa maayos ‘yung system tungkol do’n sa rules,” pagpapaliwanag pa niya. 


Depensa ni Barangan, sa mga branch at campus kadalasang nangyayari ang mga ganitong suliranin sa kawalan ng oras at araw ng eksaminasyon. 


Aniya, ang pangunahing hinaing sa Main ay ang pagkawala ng iskedyul ng mga examinee at kanila na itong nailapit sa ICTO. Iginiit din niya na ang mga hindi mai-download na e-permit ay nangyayari lamang sa mga IOS device.


“‘Yung mga hindi mai-download na e-permit, nagkakaproblema ay si system. Si iApply mismo kasi maraming sabay-sabay na nag-o-open na campus, nag-open ng iApply,” pahayag ni Barangan.  


Hakbangin ng admin 


Batay sa ibinigay na datos ni Barangan, mula 500 hanggang 1,500 na e-permit ang kanilang nai-evaluate at nabibigyan ng permit sa isang araw. 


Inilahad pa ni Barangan na nagbabasa sila sa email at Facebook page ng PUP upang tugunan ang mga hinaing ng mga examinee tungkol sa kanilang permit. Dagdag pa niya na hindi pa isinasaayos ng ICTO ang tungkol sa kawalan ng iskedyul. 


“‘Yung sa permit, uncontrollable siya sa side namin [Admission Office] since hindi namin alam bakit nagkagano'n simula February nung nagpa-permit kami gano'n na nangyayari sa iOS devices… pero kapag sa ibang operating system okay naman,” saad ni Barangan. 


Ayon pa kay Barangan, sa mga naunang batch ng PUPCET, kaunti lang ang mga nagbakasakaling pumunta sa Admission Office upang tingnan ang araw ng kanilang nakatakdang pagsusulit. Ngunit nitong ikalawang batch ay dumami na ang mga kasong ganito.  


“Nung first batch medyo kaunti, mga 20 lang. Tapos ngayon siguro mga nasa 30-40 kasi hindi naman namin tina-track ‘yung gano'n pero alam namin na marami,” pagbibigay-datos ni Barangan. 


Iskedyul ng eksaminasyon 


Binigyang linaw naman ng test admin na si Fernando V. Lipardo Jr. ang usapin sa iskedyul ng pisikal na eksaminasyon nito. 


Ani Lipardo, bilang mga test admin ay kailangan nilang sumunod sa kung ano ang ibinabang iskedyul sa kanila dahil iyon ang nakasulat sa kanilang manual. Mayroon ding 15-minutong grace period bago pormal na magsimula ang exam kung saan pinapayagan pang lumabas ang mga examinee. 


“We need to follow the schedule as much as possible diba kasi kung ano ‘yung schedule na nakalagay ayun ‘yung susundin… May manual tayong sinusunod eh, so far organized naman tayo,” pagdidiin ni Lipardo. 


Ngunit, may ilang hinaing pa rin tungkol sa hindi pantay na oras ng pagsisimula at pagtatapos ng pagsusulit sa bawat silid at palapag. 


Ayon kay Barangan, hindi na hawak ng Admission Office ang mga ginagawa ng test admins at proctors sa bawat room at floor kung anong oras nagsisimula magpa-exam ang mga ito. 


“Basta nag-a-assign kami ng proctor saka ng test admin, sila bahala magpa-exam,” sinabi ni Barangan.


“Well, meron naman do’n sa test kit nila [test admins] na timeframe, dapat nga strikto sila do'n pero nga, ‘yun nga nasa kanila naman kasi kung susundin nila o hindi. Hindi naman kasi namin nakikita o namo-monitor yung ginagawa nila, sila-sila lang yun,” pagpapaliwanag pa niya. 


Dagdag pa niya, mayroon naka-assign na test supervisor sa bawat palapag at tungkulin nito na pangasiwaan ang wing na kanilang hawak. 


“Nung umakyat ako ng mga 1 pm, yung iba nag-a-answer na [at] may iba na hindi pa, hindi namin alam kung bakit. Kanina may nalaman ako na na-delay yung tapos nung exam sa isang room. Natapos ‘yung iba, tapos sila meron pang time. Parang late sila nagsimula kaya late din sila natapos,” ani Barangan. 


Sa kabilang banda, ang mga nahuling aplikante sa kanilang nakatakdang oras ay pinapayagan pa ring makakuha ng exam ngunit ang mga na-late na ng ika-3:30 ng hapon ay ini-iskedyul na sa ibang araw, sinabi ni Barangan. 


“Kagaya nung batch 1, yung mga na-late ng 3:30 PM, pinag-exam nila ng Feb. 9 yata, different room,” ayon sa kaniya. 


Kalagayang Pangkalusugan


Tumangging magbigay ng datos ang isang doktor nang kapanayamin ito tungkol sa mga kadalasang naitalang kaso at bilang ng mga dinadalang examinees sa klinika. 


Ayon pa sa kanila, kailangan umano na pumunta muna sa direktor at doon kunin ang datos, ngunit hindi pa agad sila nagta-tally kung ilan ang kabuuang kaso sa araw ng pisikal na eksaminasyon. 


Samantala, iniulat ni Lipardo na may dalawang kaso ng pagkahilo sa umagang set ng examinees. “Kasi palagay ko sa init ng araw, ayun lang ‘yung medyo napansin ko. Kasi ikaw ba naman ilagay sa init ng araw tapos tensyunado pa, ayun ‘yung isa sa mga valid concern,” aniya. 


Sa mga ganitong pagkakataon, ayon sa Admission Office ay malilipat ang mga ito ng araw ng pag-exam at ini-iskedyul ito ng nasabing opisina.


Artikulo ni: Rhoze Ann Abog 

Grapiks: Aldreich Pascual

Comentarios


bottom of page