top of page
Writer's pictureThe Communicator

Matamis na Patalim

“Alam mo, sayang ka.”


Simula nang kanilang makita ang paraan ng pananalita at pagkilos na hindi akma sa kinagisnan, iyan na ang kanilang bukambibig. Ngunit, sino nga ba sila? 


Sa patriyarkal na lipunan, tila walang takas ang mga miyembro ng makulay na komunidad mula sa mga matatalim na salitang nakabalot sa matatamis na papuri. Ang bawat pagkilala at pagpupugay ay sinusundan ng mga salitang “kaso lang” o “sayang nga lang.” 


Ang mas masakit pa, madalas itong naririnig sa mga taong dapat sana ay mas nagbibigay tamis sa bawat tagumpay na nakakamit—ang pamilya. 


Sayang ang Lahi


“Maganda/gwapo sana kaso parang hindi na magpaparami, sayang.” 


Karaniwang panghuhusga sa mga miyembro ng komunidad ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual (LGBTQIA+) ang pagkasayang umano ng kanilang lahi—partikular sa mga taong kumbensyunal ang kagandahan. 


Sayang dahil batid ng marami na maaaring hindi magkaroon ng mga supling ang nagmamahalang homosekswal. Hanggang ngayon kasi, nakatali pa rin ang marami sa pag-iisip na pakikipagtalik lamang ang paraan upang magkaanak. 


Sa patuloy na paglago ng siyensya at teknolohiya, marami nang artipisyal at alternatibong paraan ang umusbong upang magkaanak. Ilan sa mga ito ay ang sperm donor insemination, third-party reproduction, in vitro fertilization, gestational carrier, at ang pinakakaraniwang paraan ng pag-aampon.  


Bagaman may mga paraan, hindi pa rin maituturing na sayang kung pipiliin ng isang bakla—o ninuman—na huwag bumuo ng pamilya. Hindi sayang kung matitigil sa kanila ang lahi—lalo na kung ito rin ang tatapos sa mga maling kinagisnan at paniniwala.


Para bang minamarkahan ng ekis ang buong mukha, tinatanggal ang pribadong bahagi ng katawan, at kinakandado ang kakayahang makabuo ng tahanang tinitirhan ng makulay na pamilya sa tuwing ang matamis na papuri ay may layuning ikaw ay sugatan.


Sayang ang Sipag at Tiyaga 


“Masipag nga, malambot naman kung kumilos.” 


Tila nababalewala ang pawis, pagod, at luha na siyang simbolo ng pagsusumikap sa tuwing sinasaksak ng matatamis na patalim na hindi naman hiniling na marinig.


Nagiging kabawasan ba sa ipinamamalas na kasipagan ng isang miyembro ng ikatlong kasarian ang pagkilos nang hindi angkop sa kinamulatang pamantayan ng lipunan?


Ayon sa World Economic Forum Global Gender Gap Index Report (WEF GGGR) noong 2023, nasa ika-16 na pwesto ang Pilipinas sa 146 na mga bansa pagdating sa pagiging “gay-friendly” at sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.


Kontra sa mga datos na ito ay ang mga danas ng maraming miyembro ng komunidad. Litaw na litaw pa rin ang diskriminasyon at mga panghuhusga na nag-uugat sa pamantayan ng lipunan na may impluwensya ng patriyarka. 


Para bang ang magdidikta sa bilis at bagal o tigas at lambot ng iyong pagkilos ay ang nasa pagitan ng iyong mga hita. Kung ikaw ay bading, dapat tigasin ka pa rin kumilos dahil lalaki ka pa rin; kung lesbiyana ka naman, babae ka pa rin at dapat ‘di makabasag-pinggan ang paggalaw. Natatabunan ng bulok na pamantayan ng lipunan ang sipag at tiyaga ng isang bakla. 


Walang solidong pamantayan ang magdidikta kung paano dapat kumilos ang isang tao. Sapagkat matigas man o malambot hindi ito kailanman magiging kabawasan sa pagkatao ninuman.


Sayang ang Medalya 


“Mahusay sana, kaso lang bakla.” 


Bagaman walang kinalaman ang kasarian, likas sa maraming mga bakla ang pagiging talentado at mahusay sa iba’t ibang larangan. Mababakas ito sa kanilang mga marka sa iba’t ibang industriya. Gayunpaman, hindi pa rin tiket ang kanilang mga kakayahan upang malampasan ang pasimpleng pangungutya na nakabalot sa matatamis na salita.


Gaya ng madalas na itinatampok sa telebisyon, normal na kung maituturing na maranasan ng mga homosekswal ang makatanggap ng papuri dahil sa kanilang kahusayan. Subalit hindi ito natatapos sa papuri lang, madalas ay may karugtong itong mga salitang, “kaso lang bakla” o “sayang.”


Mistulang kinakalawang ang mga gintong medalya na inuuwi sa tahanan, nagiging abo ang bawat sertipiko, pira-pirasong nadudurog ang mga tropeyo, at nawawalan ng saysay ang bawat tagumpay sa tuwing ang pangungutya ay nasa porma ng isang matamis na kendi.


Papuri nga bang maituturing kung ang intensyong maiparating ay sayang ang potensyal dahil sa kasarian? 


Ang bawat indibidwal ay nagtataglay ng iba’t ibang abilidad. Walang kinalaman dito ang kanilang kasarian. Hindi ka laging mas malakas dahil ikaw ay lalaki. Hindi ka rin mahina sapagkat ikaw ay babae. Hindi ka sayang dahil isa kang bakla. Walang kakayahan ang kulang at sayang kung hindi pagaganahin ang baluktot na panghuhusga. 


Walang duda na buhay pa rin ang homopobya sa bansa; nakabalot na nga lamang ito sa matatamis na mga salita. Ngunit marapat na mas mag-alab sa lipunan ang pantay-pantay na pagtingin sa lahat ng kasarian. 


Hindi kailanman magiging kabawasan sa talino, talento, at husay ng isang bakla ang kanyang identidad. Ang tunay na kabawasan sa pagkatao ay ang pagtingin nang mababa sa kapwa dahil hindi nakahanay sa paniniwala mo ang kanyang pamumuhay, partikular ang kanyang kasarian. 


Ang papuring nasa anyo ng matamis na kendi ngunit may intensyong kutyain ang iyong pagkakakilanlan ay hindi papuri—ito ay matamis na patalim na ang layunin ay ika’y lasunin.  


Artikulo: Rolan Muyot

Grapiks: Aldreich Pascual


Comments


bottom of page