“Makibeki, huwag mashokot!”
Ito ang matagal nang isinisigaw ng sangkaestudyantehan at iba pang mga bumubuo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) mula noon hanggang sa kasalukuyang panahon.
Kaya naman, taunang ipinagdiriwang ng pamantasan ang PUP Pride Week kung kailan binibigyang pagkakataon ang mga estudyante, guro, at iba’t ibang mga organisasyon na makibaka para sa karapatan ng lahat, partikular sa mga people of diverse sexual orientation, gender identity, gender expression, and sex characteristics (SOGIESC).
Ang linggong ito ay hindi lamang upang ipagdiwang ang makulay na sektor; layon din nito na mas paalingawngawin at paugungin pa ang mga panawagan para sa pagtanggap, respeto, at pagkakapantay-pantay sa loob at labas ng pamantasan.
Kaya naman tuloy at mas pinalalakas pa ng komunidad ang pagsigaw ng, “Makibeki, huwag mashokot!”
Pagtanggap Mula sa PUP
Kilala ang PUP bilang isang inklusibong pamantasan kung saan ang bawat isa ay may kalayaang ipahayag ang kanilang tunay na pagkakakilanlan. Dahil walang sinusundang pamantayan ng pananamit ang halos lahat ng kolehiyo rito, malaya ang bawat isa na isuot ang anumang akma sa kanilang kagustuhan.
Malawak at makulay rin ang espasyo ng komunidad sa pagpapalakas ng kanilang tinig at irepresenta ang mga hinaing ng sangkaestudyantehan sa pamamagitan ng pamumuno.
Isang patunay nito si Miss Kim Modelo—ang kasalukuyang presidente ng Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral (SKM), at ang Alyansa ng Nagkakaisang Konseho (ANAK PUP) 2024 student regent. Kinakatawan ni Modelo ang humigit kumulang 85,000 iskolar ng bayan sa PUP system.
Isang patunay rin si Ianne Gamboa na ang PUP ay maituturing na inklusibong espasyo hindi lamang sa usapin ng kasarian, kundi pati na rin ng talento, kakayahan, at talino. Si Gamboa lang naman ang batch valedictorian noong 2018—ang kauna-unahang trans woman na nagkamit ng parangal sa kasaysayan ng PUP. Nitong taong 2023 din ay pumasa siya sa Bar Exam.
Sa kaniyang naging panayam sa Philippine Star, ipinahayag niya na hindi siya nakaranas ng diskriminasyon sa loob ng pamantasan. Aniya, ang PUP rin ang tumulong sa kaniya upang makilala ang tunay niyang pagkakakilanlan.
Talino, talento, at ang kakayahan ng mga miyembro ng makulay na sektor ng PUP. Iyan ang pinagpupugayan tuwing sasapit ang PUP Pride Week.
Gayumpaman, tunay nga bang may pagtanggap sa loob ng pamantasan?
Pagtanggap Mula sa Karanasan ng Isang Guro
“Even though the PUP provides space because it gives an avenue to celebrate pride marches, I am still not sure if I’m fully accepted,“ saad ni Aileen Camille B. Dimatatac, isang part-time faculty at lesbyana mula sa Department of Journalism.
Ayon pa sa kaniya, kung titingnan ang kahulugan ng salitang pagtanggap sa anggulo ng “safety”, hindi niya sigurado kung tanggap siya sa pamantasan sapagkat hindi niya pa ito nararamdaman mula nang siya ay nagsimulang magturo noong 2016.
“Hindi ko pa nakikita sa buong PUP ‘yung accepting or acceptance sa LGBTQ community. Siguro nasa level pa rin tayo ng tolerance, pero I can say na papunta naman siya sa level ng acceptance. Pero mabagal, mabagal ang proseso, sobrang bagal,” dagdag niya.
Kaya naman, layon niya na magsilbi at panatilihing “safe space” ang kaniyang klase para sa mga mag-aaral na bahagi rin ng komunidad, online man o face-to-face.
Ilan sa hiling at panawagan ni Dimatatac ay magkaroon ng mga programa na tumatalakay sa SOGIESC, gender-neutral na mga palikuran, at pagkakaroon ng gender sensitivity trainings para sa lahat.
Pagtanggap Mula sa Kaniyang Unang Taon sa Kolehiyo
Mula naman sa pananaw ng isang transgender woman at mag-aaral ng Bachelor of Science in Hotel Management (BSHM) na si Jerica “Eka” Antonio, ramdam niya ang pagtanggap ng unibersidad sapagkat malaya siyang ihayag ang kanyang SOGIESC.
Hindi gaya sa dati niyang pinapasukang paaralan, malaya raw naisusuot ni Eka ang kasuotang akma sa kaniyang kasarian.
“Here sa university, accepted kami, respected, and we are being supported by the university,” saad pa ni Eka.
Hiling naman ng mag-aaral na hindi niya maranasan sa PUP ang naranasan niyang diskriminasyon mula sa dati niyang paaralan nang dahil lang sa pagsusuot ng mga nais niyang pananamit.
Pagtanggap na Ipinaglalaban ng Isang Lider-Estudyante
Para kay Maki Landicho, konsehal para sa gender, inclusivity, and safe spaces (GISS) ng College of Communication Student Council (COC SC), hindi pa buo ang pagtanggap sa mga miyembro ng LGBTQIA+ sa PUP. Gayumpaman, nakikita naman na ang unti-unting progreso nito.
“Wala tayo sa footing na ilagay sa limot at palabnawin ang mga isyu ng karahasan sa pamantasan at maging sa komunidad ng COC. Kaya ko rin sinasabi na hindi pa talaga ganap na mayroong safe space sa'tin dahil sa mga nagdaang taon ay nagkaroon ng kaso ng mga karahasan at diskriminasyon sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community,” saad ni Landicho.
Panawagan naman ng lider-estudyante hindi lamang sa pamantasan kundi pati na rin sa mga kinauukulan, ipasa na ang SOGIESC Equality Bill na mahigit dalawang dekada nang nakabinbin sa Senado.
“Dahil kung atin namang tatalakayin ito nang maigi, hindi naman ito isang batas na tumutugon lamang sa interes ng isang komunidad at sektor ngunit saklaw nito ang pagbibigay proteksyon sa LAHAT ng mamamayan; dahil lahat naman tayo ay may SOGIESC,” paliwanag ng konsehal.
Tunay ngang malaki ang gampanin ng PUP at ng sangkaestudyantehan sa pakikipaglaban para sa minimithing pantay na karapatan hindi lamang sa loob ng pamantasan kundi pati na rin sa buong bayan.
Bukod sa pagkakaroon ng kalayaan na maihayag ang tunay na pagkakakilanlan, nagiging lugar din ang sintang paaralan upang isigaw ng sangkabaklaan ang kanilang mga panawagan para sa respeto, pagkakapantay-pantay, at dalisay na pagtanggap.
Bagaman matatawag na inklusibo ang PUP, hindi pa rin masasabing buo ang pagtanggap nito sa komunidad. Gayumpaman, mabagal man ang proseso, tiyak na darating din ang panahon na pakikinggan at tatanggapin ang ikatlong kasarian sa loob at labas ng pamantasan.
Buhay na buhay ang diwa ng aktibismo sa PUP. Kung kaya’t patuloy ang laban tungo sa makulay na kinabukasan. Tuloy ang pagsigaw ng “Makibeki, huwag mashokot!”
Artikulo: Rolan Muyot
Grapiks: Renzo Cabitlada
Comentários