top of page

Makabuluhan, Hindi Kabastusan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Taliwas sa sabi-sabi ng nakararami, makabuluhan at hindi ‘kabastusan’ ang mga ituturong aralin sa mga nasa edad 10 hanggang 19 ng Comprehensive Sexual Education (CSE) na layuning ipatupad sa ilalim ng Senate Bill (SB) No. 1979 o ang Adolescent Pregnancy Prevention Act. Kung kaya’t nakadidismayang marami sa mga senador, maging ang pangulo, ay hindi pabor sa pagsasabatas nito.


Dibuho ni Luke Perry Saycon
Dibuho ni Luke Perry Saycon

Magdadalawang taon matapos itong ihain ni Senator Risa Hontiveros, naging matunog ang SB 1979 na naglalayong solusyunan ang lumalalang kaso ng teenage pregnancy sa Pilipinas. Iba’t-ibang mga negatibong komento ang natanggap nito dahil umano sa mga maling konseptong nakapaloob sa CSE na balak gawing mandatory sa lahat ng mga paaralan sa bansa. Sa campaign video na inilabas ng National Coalition for the Family and the Constitution (NCFC), isang religious group na kritiko ng panukala, binanggit na ipakikilala umano ng CSE na nakalinya sa international standards ang “masturbation” at iba pang mga “bodily pleasure” sa mga menor-de-edad—bagay na hindi naman nakasaad sa SB 1979 at mariin ding pinabulaanan ni Hontiveros.


Nakalulungkot isipin na sa kabila ng malinaw at magandang hangarin ng panukala, partikular na ng CSE, ay pilit itong hinahanapan ng butas na nagiging dahilan upang magkaroon ng maling perspektibo ang karamihan. Ipinapakita lamang nito na magpahanggang-ngayon, bukod sa sarado pa rin ang isipan ng nakararami ay patuloy pa ring binabahiran ng pamumulitika ang mga ganitong klaseng programa kahit pa ito’y lubhang makakatulong upang maibsan ang mga problemang panlipunan.  


Sa kasalukuyan, pataas nang pataas ang kaso ng teenage pregnancy sa bansa na nagdudulot ng maagang pagbuo ng pamilya ng maraming kabataan. Isa itong sakit ng lipunang mayroong malaking epekto sa iba pang mga nararanasang problema sa sektor ng edukasyon, populasyon, at kahirapan.


Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa mahigit 3,300 ang mga batang inang nasa edad 15 noong 2023, tumaas ito ng 39% mula sa naitalang datos noong 2019. Dagdag pa rito, base sa Child Rights Network (CRN), isa sa 20 na mga sanggol sa bansa ang ipinapanganak ng mga nasa 15 hanggang 19 taong gulang. Ayon pa sa CRN, karamihan sa mga ama ng mga sanggol ay mas matanda kaysa sa mga batang inang kadalasang humahantong sa pang-aabuso. 


Samantala, marami naman ang nagsasabing hindi na dapat pang ituro sa mga eskwelahan ang CSE dahil maaari naman umano itong matutuhan sa tahanan sa tulong ng mga magulang. Ngunit kung iisipin, hindi naman ito naaangkop sa lahat sapagkat magkakaiba ang estado ng pamumuhay ng bawat pamilya sa bansa. Hindi lahat ng mga magulang o matatanda sa isang tahanan ay may panahon upang magturo nito, lalo pa’t ang ilan sa kanila ay abala sa paghahanap-buhay at pagtataguyod ng pamilya; ang mas nakalulungkot pa, hindi naman lahat sa kanila ay may wasto at sapat na kaalaman sa edukasyong pangsekswal. 


Isa pa, salungat sa karaniwang iniisip ng karamihan sa CSE, hindi lamang naman ang konsepto at epekto ng sekswal na aktibidad ang ituturo nito. Kabilang din sa mga aspetong tatalakayin, batay sa nakasaad sa SB 1979, ay ang kahalagahan ng consent, kontraseptibo, sexually transmitted diseases, pornograpiya, gender-based violence, at iba pa. Bukod pa rito, tinitiyak din ng panukala na magiging “age-appropriate” at “culturally sensitive” ang pagtuturo nito na talagang dapat ay ikinokonsidera sa pagtuturo ng CSE.


Magpahanggang ngayon, dahil sa relihiyosong paniniwala, ay hindi pa rin legal ang divorce at abortion sa bansa kahit pa marami ang mga nangangailangan nito at malinaw namang mayroong malaking benepisyo para sa mga Pilipino. Nangangahulugan ba na dapat ay ganoon din ang maging kahihinatnan ng CSE? Hindi. Sapagkat maliban sa hindi angkop at makatarungan ang ganitong sistema ay hindi rin naman talaga nito inililihis ang mga kabataan sa itinuturo ng simbahan, bagkus ay itinatama pa nga nito ang kanilang landas tungo sa wastong pamumuhay.


Hindi maitatangging isang konserbatibong bansa na nakasentro sa Kristiyanismo ang Pilipinas. Subalit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat itong pairalin, lalo na ng gobyerno, dahil may mas nararapat na isaalang-alang sa implementasyon ng mga batas.


Ngayon na ang tamang panahon upang unahin naman ng pamahalaan ang kapakanan ng bansa kaysa sa mga paniniwalang napag-iiwanan na ng panahon at hindi na angkop sa kasalukuyang henerasyon. Ito ay dapat na magsimula sa mga kabataan, at magagawa ito sa pamamagitan ng pagsasabatas at pagsuporta sa makabuluhan at hindi kabastusang panukala, ang Adolescent Pregnancy Prevention Act.


Sa tulong ng CSE na nakapaloob dito, mas matututo ang mga kabataang alagaan ang kanilang mga sarili at kung paano bigyang respeto ang ibang mga tao nang hindi bumabatay sa kasarian. Higit sa lahat, babaguhin din nito ang mga usapin na nakasanayang bigyan ng malisya o maling pakahulugan na sa huli ay tiyak na may malaking ambag sa paglaban ng bansa sa lumalalang kaso ng teenage pregnancy at iba pang mga isyung panlipunang nakaugat dito.


Artikulo: Earies John M. Porcioncula

Comentarios


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page