Mahirap Maging Isang Guro
Sa loob ng 15 araw, naranasan ko ang reyalidad na puno ng magkahalong tamis at pait ng isang propesyong patuloy na binibigo ng sistema—sa kabila ng napakalaking tungkulin nito sa paghubog ng ating lipunan: ang pagiging guro.

Nitong nakaraang Buwan ng mga Guro, nakapagturo ako sa mga batang hirap magbasa sa Tangos Elementary School-1, sa ilalim ng ‘NavoYouth Tutors Initiative’ ng lungsod ng Navotas para sa ‘Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program’ ng Department of Education (DepEd).
Mga Ngiti sa Pagbabasa
Iilang salita pa lamang ang kayang basahin ng mga tinaguriang ARAL learners na aking nahawakan na nasa ikalawang baitang. Bilang mag-aaral sa Kolehiyo ng Komunikasyon, naging malaking hamon sa akin na gabayan sila sa pagbigkas at pag-unawa ng mga salitang magiging sandata nila sa pagsulong sa buhay.
Kaya’t sa bawat mahihirap na salitang natututunan nilang banggitin, namumutawi ang ngiti sa aming klase. Ngiti, na sa wakas, nabasa at naintindihan nila ang mga pangungusap na hindi nila mabatid noong una. Mas naging masaya rin ang pagkatuto nila dahil sa nakagawian kong paglipat sa kanila ng silid-aralan at panandalian naming paglalaro.
Bakas sa kanilang mga halakhak at paalam sa akin at sa iba pang mga guro kung gaano sila ka determinado matuto magbasa.
Hindi ko rin makakalimutan na dahil sa loob ng tatlong linggo naming pagsasama, binibiro namin ang bawat isa na huwag kaming magkakalimutan ng pangalan. Pero sa totoo lang, kahit anong pilit kong alalahanin ang kanilang pangalan, hindi ko maalala dahil sa dami nila. Mabuti na lang at sinusulat ko sa papel ang kanilang mga pangalan at ang mga katangian na meron sila.
Gaya ng isa kong estudyante, na inilarawan ko sa tabi ng pangalan niya sa mga salitang “makulit, kailangan niya mag-isa lang sa sesyon.”
Mag-isa lang si Titser, hindi niya talaga kaya ang lahat
Marahil isa rin sa mga dahilan kung bakit maraming kabataan ang nahihirapang magbasa ay ang kakulangan ng pagkakataon ng isang guro na matutukan ang bawat mag-aaral sa loob ng silid-aralan. Kahit ako, sa bawat limang estudyanteng hawak ko kada 40 minuto, nahihirapan akong gabayan at turuan sila na naaayon sa kanilang pangangailangan.
Hindi lahat ng bata ay pantay-pantay ang antas ng kaalaman.
Nakakalungkot isipin na umaabot ng 30-35 na estudyante ang hawak ng bawat guro sa isang klase rito. Sa dami ng estudyante para sa isang guro, talaga namang mahihirapan si titser na turuan, gabayan, at tutukan ang progreso ng bawat isa. Dagdag pa ang iba't ibang gawaing teknikal ni titser na mas nagpapabigat pa ng trabaho niya.
Dinanas ko ang hirap ni titser. Mahirap talaga.
Pero mabuti na lang binigyan kaming mga tutor ng kapangyarihan kung paano tuturuan at patatakbuhin ang sesyon sa bawat estudyante. Kaya naman ng mapansin kong hindi ko talaga kayang turuan silang lima nang sabay-sabay, napagdesisyunan kong magkaroon kami ng indibidwal na sesyon ng pagbabasa.
Mas epektibo para sa akin itong paraan ng pagtuturo kumpara sa sama-sama sila sa iisang sesyon—dahil mas natutukan at na gabayan ko ang pagbasa at progreso ng mga bata.
Lumabas din sa pananaliksik noong 2021 na may epekto ang dami ng mga estudyante sa loob ng isang klasrum sa kanilang pagkatuto sa pagbasa. Ayon dito, mas mataas ang naging marka sa pagbasa ng ilang karatig-bansa ng Pilipinas na may mas mababang bilang ng student-teacher ratio.
Kung kaya naman inirekomenda ng kanilang pag-aaral na babaan ang bilang ng estudyante na hawak ng isang guro, dagdagan ang pondo sa edukasyon para matugunan ang mga kakulangan ng isang paaralan, at magkaroon ng kurikulum na nakabatay sa pangangailangan ng isang bata.
Pero para sa tadhana ng karamihan ng mga titser sa ating bansa na talagang nakakadena na sa maraming mga bata, hindi opsyon para sa kanila ang piliin kung gaano karaming bata lang ang kanilang tuturuan.
Pagtanggal ng Pag-asang Matuto Magbasa
Matapos ang deliberasyon ng badyet para sa sektor ng edukasyon, hindi mabibigyan ng sapat na pondo ang ARAL Program sa susunod na taon sa kabila ng layunin nitong matugunan ang problema ng mga batang Pilipino sa pagbabasa.
Batay sa National Expenditure Program 2027 na inilabas ng Department of Budget and Management, may sobrang badyet sa Pork Barrels at mga imprastraktura na may bahid ng korapsyon, pero pagdating sa kinabukasan at pag-asang makabasa ng kabataan—hindi kaya.
Malaking tulong sana ang ARAL Program, kung mapopondohan ito ng tama, para madagdagan ang mga magtuturo sa bata kahit sa maiksing panahon lamang. Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, nagpanukala sila ng halos P16 bilyon para sa programa upang maipagpatuloy ang mga nakamit na tagumpay noong nakaraang taon, kung saan aniya, mula sa 6.7 milyong estudyanteng nakapasok sa programa, 4.5 milyon sa kanila ang hindi na nahihirapang magbasa.
Sa katunayan, sa Programme for International Student Assessment o PISA 2025—isang pandaigdigang pagsusulit na sumusukat sa dunong ng mga 15-taong gulang na mag-aaral sa pagbasa, matematika, at agham—umakyat ang Pilipinas sa ika-72 puwesto mula sa pagiging ika-6 sa pinakamababa noong 2022.
Pero sa kabila ng progresong ito, nasa 350 milyon lang ang itinalaga para rito—hindi sapat para mas palawakin ang programa.
Dahil sa hindi pagpondo ng sapat sa programang ito para sa susunod na taon, ang hinaing ng maraming guro: parang binarat ng kasalukuyang administrasyon ang mga kabataan at mas hinadlangan ang solusyon sa krisis.
Militanteng Pagkilos para sa Dagdag-Pondo at Karapatang Matuto
Bago sumapit ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro ngayong taon, ilang beses nagkasa ng iglap-protesta sa Malacañang ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers of the Philippines, para ipanawagan ang dagdag-pondo sa edukasyon, pagtaas ng sahod sa mga guro at kawani sa mga eskuwelahan, at pagtigil ng korapsyon na anila’y nagnanakaw ng pondo para sa edukasyon.
Sa mga kinasang mobilisasyon, walang ahensya o representante ng gobyerno ang humarap upang pakinggan ang mga panawagan ng mga guro. Bagkus, pwersa ng estado, sa pamamagitan ng mga pulis at sundalo ang humarap at marahas na nagpapaalis sa kanila.
At nang sumapit ang mismong araw ng Oktubre 5, lumabas ang mga guro at estudyante sa kanilang mga silid-aralan. Binitbit nila ang mga karanasan upang manawagan sa lansangan para lutasin ang matagal nang problema sa sistema sa edukasyon.
Mataas ang pagtingin ko sa mga gurong iyon dahil madalas ko rin silang makasama sa lansangan sa ilang mga kilos-protesta. Nakita ko kung paano lumaban ang mga gurong iyon para makamit ang maayos na sistemang pang-edukasyon at kinabukasan ng kanilang mga estudyante bilang pangawalang magulang ng mga ito.
Handa silang ibaba ang mga lesson plan at i-angat ang mga plakards sa gitna ng mainit na kalsada para sa mas makatarungang edukasyon.
Hindi lang ang mga nasa loob ng klasrum ang tinuturuan ni titser. Mula sa bawat sulok ng lansangan hanggang sa Malacañang, naroon sila para turuan ng leksyon ang mga nasa kapangyarihan kung paano ayusin ang kalidad ng edukasyon.
Mula sa mas mataas na pondo at dagdag-sahod, hanggang sa makamasa at siyentipikong edukasyon, handa silang magsakripisyo at lumaban hanggang mapagtagumpayan ang makabayang sistema ng edukasyon na siyang mag-aangat sa buhay ng mga kabataan.
Patunay sila na walang pinipiling oras at lugar ang pagtuturo sa bayan. Ang mga sakripisyo ng bawat isang gaya nila ay hindi na dapat binibigo ng sistema, sapagkat wala namang ibang propesyon kung wala sila.
Titser, maestra, pangalawang magulang o ano pa mang tawag sa kanila—iisa lang ang malinaw na katotohanan: mahirap maging isang guro.
Kaya naman, ngayong Buwan ng mga Guro, isang militanteng pagpupugay ang aking inaalay sa mga tunay na pader at pundasyon
ng ating edukasyon.
Artikulo: Klarenz Palomer
Dibuho: Jin Hernandez





Comments