Umaalingawngaw sa espasyo ng social media ang senatorial survey results kung saan nilabas ang mga listahan ng sinasabi nilang 'napipisil' ng mamamayang iboto sa paparating na halalan. Sa bawat datos nito, mahalagang suriin ang bawat pangalan. Hindi na dapat ito sundin kung ang mga nangunguna ay hindi naman talaga para sa masa at may bahid na ng karumihan sa pulitika.

Halos dalawang buwan bago ang halalan sa Mayo 12, kaliwa’t kanang sarbey ang isinasagawa upang malaman kung sino ang top choice ng taumbayan. Pinangungunahan ito ng mga kompanya at organisasyon katulad ng Social Weather Stations, Pulse Asia Research Inc., Publicus Asia Inc., TANGERE, Octa Research, WR Numero, at marami pang iba—na nagsasabing nangunguna si senatorial aspirant Erwin Tulfo ayon sa kanilang pagtatala. Sure ball naman sa top 12-14 sina Bong Go, Tito Sotto, Ben Tulfo, Pia Cayetano, Ping Lacson, Bato Dela Rosa, at Manny Pacquiao.
Dagdag pa rito, hindi mawawala sa pinagpipilian sina Lito Lapid, Bong Revilla, Willie Revillame, Abby Binay, at Imee Marcos. Karamihan sa mga nabanggit ay kabilang sa samahan ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, na siyang suportado ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa darating na halalan.
Sa kabilang banda taliwas ang mga pangalan na ito sa datos na nakalap mula sa mga mock elections na isinagawa ng mga prestihiyosong unibersidad tulad ng University of Nueva Caceres, West Visayas State University, Southern Luzon State University, Polytechnic University of the Philippines, Tarlac State University, Ateneo Law School, Dr. Yanga’s Colleges, Inc., at University of Santo Tomas, kung saan namamayagpag sa listahan ang pangalan nina Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Luke Espiritu, Ka Leody De Guzman, at Heidi Mendoza. Kasama rin sa iilang listahan sina Teddy Casiño, France Castro, Arlene Brosas, at ilang mga kandidatong hindi kabilang sa alyansang inendorso ni BBM o ng dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Sa laki ng agwat sa mga datos na nakalap, makatuwiran nga bang batayan ang mga survey ngayong halalan?
Kwestiyonable ang kredibilidad at hindi sapat ang bilang ng mga kalahok sa surveys upang malaman kung anong kagustuhan ng taumbayan. Umaabot lang sa libo ang bilang ng pinagtanungan na siyang napakalayo sa 69 milyon rehistradong botante sa record ng Comissions on Elections (COMELEC). Gayundin naman sa mga isinagawa sa mga paaralan, maliit na bilang lamang ang pinagkunan ng datos. Samakatuwid, walang konkretong resulta kung pili lamang sa estado ang bahagi ng representasyon.
Hindi rin sapat ang katanungan na, “Kung ngayon ang eleksyon, sino ang mga iboboto mo sa pagka senador?”, dahil kung tatanungin mo ang isang tao, kung sino na lamang ang agarang pumasok sa isipan nito ang siyang sasambitin ng bibig nang walang matalinong pagdedesisyon. Kung sino na lamang ang may pinakamaraming mukha sa daan o pinakamaraming komersyal ang maaalala’t sasabihin nito. Kung sino na lamang ang matunog at kinakampanya ng mga idolong artista ang kanilang pipiliin.
Sa hamon ng paglipana ng surveys, nagbabala ang mga eksperto tungkol sa kawalan ng kawastuhan ng mga ganitong uri ng pagsusuri. Ayon sa University of the Philippines School of Statistics, hindi karapat-dapat paniwalaan ang mga ito dahil ginagawa lamang itong daan ng ilang kompanya upang iadbertisa ang kanilang pangalan sa publiko. Maaaring taktika lamang ang pagsasagawa ng survey para magkaroon ng mass engagement lalo na sa online space para sa sarili nitong pag-unlad at benepisyo, na nakakaapekto naman sa pagpili ng mayorya dahil daan din ito upang i-mind condition ang taumbayan sa pagboto.
Bukod pa rito, mahalagang malaman na hindi bukas sa publiko ang kumpletong proseso kung paano isinasagawa ang survey sa bansa. Kahit na si COMELEC Chairman George Garcia, nilantad na wala silang alam kung paano ang pamamaraan ng mga ito. Ang kawalan ng inteligensiya sa metodolohiya nito ay sumasalamin sa kawalan ng katibayan para paniwalaan ang datos ng survey.
Sa isang banda, hindi mawawaglit ang kahalagahan ng survey sa eleksyon, lalo na kung ito’y para din naman sa akademikong layunin nang higit na maunawaan ang halalan sa bansa. Tinutulungan nito ang mga tao na maging aktibo sa pampulitikang diskurso at makibahagi sa kaganapan ng eleksyon. Gayunpaman, hindi pa rin dapat maging batayan ang mga resulta ng mga poll survey. Ni sino ang manguna, mangalawa, o mapabilang sa dose, kung sa public debate ay hindi makapunta? Para saan pa ang mapabilang sa honor roll kung sa plataporma naman ay nganga?
Sa huli, nasa mamamayan ang desisyon kung sino ang kanilang mamarkahan sa balota. Huwag magpapalinlang sa kung sino ang angat sa tala, sa halip, mangialam at maging mapanuri batay sa karanasan ng kandidato sa pulitika at alamin ang mga nakahandang plataporma.
Para naman sa mga nangunguna sa listahan ng mga survey, nararapat na mapatunayan nila sa taumbayan na wasto ang pagpili sa kanila. Tanggapin ang hamon na sila'y kilatisin sa mga pampublikong diskurso nang magkaalaman kung nararapat ba talaga silang maging isang mambabatas, o magiging dagdag suliranin lamang sila sa senado.
Kaya sa darating na halalan, iboto natin ang mga kandidatong hindi lamang nangunguna sa mga listahang ito, kung hindi ang mga kandidatong nagmula sa hanay ng handang maglingkod sa masa.
Artikulo: Anne Margareth Dela Merced
コメント