top of page
Writer's pictureThe Communicator

Leksyon sa Katiwalian o Parusa sa Mamamayan?

Sa isang bansang matagal nang lugmok ang serbisyong pangkalusugan, ang kawalan ng badyet para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa taong 2025 ay isang tahasang pagtalikod sa serbisyong ipinangako nito sa sambayanan. Imbes kasi bigyan ng sapat na pondo ang ahensya na responsable sa kalusugan ng milyon-milyong Pilipino, mas pinaboran pa ang ibang sektor na hindi malinaw kung sino ang makikinabang.


Dibuho ni Jamie Rose Recto

Noong Disyembre 11, inaprubahan ng House of Representatives ang P6.352 trilyong pambansang badyet para sa 2025. Ngunit sa laki ng pondong ito, wala man lang nakalaan para sa kalusugan ng mamamayan. Base sa 2024 National Expenditure Program (NEP), orihinal na nakalaan ang P74.43 bilyon para sa PhilHealth, ngunit binawasan ito ng Senado at bumaba sa P64.419 bilyon. Sa huli, matapos ang bicameral conference, napagdesisyunan na tuluyang alisin ang subsidy para sa ahensiya, isang hakbang na nagdulot ng malaking usapin sa sektor ng kalusugan.


Bakit kailangang bawasan o alisin ang pondo para sa kalusugan, isang sektor na pundasyon ng matatag at maunlad na lipunan? Paano mapangangalagaan ang kalusugan ng sambayanan kung ang pangunahing ahensyang inaasahan nila, tulad ng PhilHealth, ay nawalan ng badyet?


Ayon kay Senator Grace Poe, ang desisyon sa pagkaltas ng pondo ng PhilHealth ay may batayan. Ipinaliwanag niya na may reserba ang ahensiya na umaabot sa P600 bilyon, ngunit tila hindi ito nagagamit nang tama. Sapat nga ba itong batayan upang pahirapan ang taumbayan?


Habang makatwiran ang layuning itama ang maling pamamahala ng pondo, ang kawalan ng direktang suporta sa PhilHealth ay nagdudulot ng pangamba. Sa gitna ng kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, ang mga Pilipino ang unang apektado. Nararapat lamang na masusing suriin ang sistema at magpatupad ng mga reporma upang matiyak ang tamang paggamit ng pondo, kaysa tanggalin ito.


Samantala, aprobado naman ng Senado at mga miyembro ng House of Representatives ang P26 bilyong pondo sa ayuda para sa Kapos at Kita Program (AKAP) sa ilalim ni House Speaker Martin Romualdez. Kasabay nito, tumaas rin ang alokasyon para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mula P652 bilyon hanggang P1.113 trilyon. Ayon sa NEP ang kabuuang badyet ng DPWH ay P556 bilyon, ngunit tumaas ito sa bicameral conference sa kadahilanang ang pondo ay gagamitin sa incoming infrastructure at flood control projects.


Nakakalungkot na ang mga ahensyang tunay na kinakailangan ng taumbayan tulad ng Department of Education (DepEd) ay nabawasan ng P12 bilyon, ang Commission on Higher Education (CHED) ay nawalan ng P30 bilyon, at ang suporta sa libreng kolehiyo ay nabawasan ng P3 bilyon. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay nawalan ng P96 bilyon.


Walang masama sa paglalaan ng pondo para sa mga proyektong pakikinabangan ng lahat, ngunit hindi maipagkakaila na may mga alokasyong tila hindi makatarungan. Nakakadismaya na ang ganitong desisyon ay tahasang nagpapakita ng pag pabor sa interes ng iilan at hindi ng taumbayan.


Sa kabila ng patuloy na pangakong pag-unlad, tila napapabayaan ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng medikal. Kinakailangang tiyakin na ang bawat sentimong inilalaan ay tunay na napupunta sa mga programang makapagbibigay ng pangmatagalang benepisyo, lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan. Araw-araw, kinakaltasan ang sahod ng mga manggagawa para sa benepisyong inaasahan sa PhilHealth. Ngayon, matapos tanggalan ng pondo ang ahensya, ano na ang mangyayari sa mga Pilipinong nagsusumikap para lang magkaroon ng benepisyo?


Isa pa, maraming senior citizen ang umaasa sa PhilHealth upang matugunan ang mataas na gastusin sa ospital at gamot. Malaking tulong ang serbisyong ito para sa mga walang kakayahang magbayad ng buo sa pagpapagamot, lalo na sa mga walang ipon o pamilya na hindi sapat ang kita. Kung tunay na may malasakit ang mga nasa katungkulan, hindi nila dapat balewalain ang pangangailangan ng sektor na ito.


Palibhasa, hindi nararanasan ng mga politiko ang paghihirap na araw-araw na dinaranas ng mga Pilipino. Ang mga ospital sa bansa na tila palengke sa dami ng tao at siksikan na mga pasyente. Ang kulang-kulang na kagamitan at pasilidad na tila kinalimutan na ng panahon. Hindi na nga nagagamit nang tama ang pondo, aalisan pa ng benepisyo ang mga tao. Kailan kaya mas magiging makatao ang mga desisyon ng ating pamahalaan?


Sa halip na unahin ang kapakanan ng mamamayan, inuuna ang mga proyektong hindi taumbayan ang makikinabang. Hindi na ito bago sa sistema ng gobyerno—isang lumang taktika na kunwaring nagmamalasakit, pero sa likod ay may mga itinatagong intensyon. Inuuto lamang ang mga tao na tila hindi alintana ang tunay na pangangailangan ng mga mamamayan.


Hindi dapat tayong mga Pilipino ang nagdurusa sa mga maling desisyon ng pamahalaan. Ang mga makasariling hakbang na inuuna ang pansariling interes kaysa kapakanan ng sambayanan ay tila paulit-ulit na eksena sa ating gobyerno. Sa halip na iprayoridad ang mahahalagang sektor tulad ng kalusugan, edukasyon, at seguridad, ang mga buwayang nasa posisyon ay abala sa garapalang pagkimkim sa kaban ng bayan.


Panahon na upang wakasan ang ganitong uri ng pamumuno. Hindi dapat tiisin ng taumbayan ang kakulangan ng serbisyo, bulok na sistema, at kawalang-hiyaan ng mga opisyal na dapat naglilingkod ng tapat. Ang Pilipinas ay karapat-dapat sa mga lider na may malasakit, hindi sa mga gahaman na winaldas ang tiwala ng publiko. Sapat na ang mga leksyon ng nakaraan—unti-unti nang natatauhan ang mga tao at ang tunay na parusa ay malapit niyo nang matamasa.

Artikulo: Charmie Rose Cepe

Comments


bottom of page