top of page
Writer's pictureThe Communicator

LATHALAIN | Tayo sa bawat hiling: New Year's Resolution ng isang Iskolar

Marahil ay naging isang tradisyon na kada pagpasok ng bagong taon ang paggawa ng New Year’s Resolution dahil dito natin dahan-dahang ibinubunyag ang lahat ng ating mga nais makamit, mapuntahan, at maasam. Mahirap simulan ang listahan kapag salat at aminadong sa mga nagdaang taon ay nabigo rin namang makamtan ang lahat ng naisulat—pero iba na ngayon.



Unang listahan ko ito bilang isang Iskolar ng Bayan.


Sa ilang buwan kong pamamalagi sa pamantasan, namulat at patuloy akong naliliwanagan sa katotohanang pumapalibot hindi lamang sa mga state universities katulad ng Sintang Paaralang patuloy na binabawasan ng gobyerno ang budget, ngunit pati na rin sa mga epektong hatid ng inflation sa ating mga iskolar at local vendors sa loob at labas ng institusyon. Hindi maipagkakaila na bukod sa aking mga nabanggit ay marami pang ipinaglalaban ang bawat iskolar, kaya bilang isa sa kanila—ito ang aking nabuong listahan.


  1. Pagbaba ng inflation rate


Isa sa mga hiling ng isang iskolar na tulad ko ngayong taon ay mabawasan na sana ang pagpunta ko sa Pastil sa Teresa (PST) dahil ‘yun na lamang ang pagkaing kasya sa baon ko. Sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, hindi ko maitatanggi na naisasantabi na minsan ang gastusin para sa pagkain dahil mas mahalaga ang mga gamit sa eskwela, project, at mas minsan pa sa asul na buwan naming mga gala ng aking mga kaibigan. Kung dati ay sumosobra pa ang allowance na ibinibigay, ngayon ay wala pa sa kalahati ng linggo—makikita niyo na akong nabubuhay sa de lata at pastil dahil sa pagtitipid.


Nakatuon lamang ito sa isa sa mga marami kong danas bilang isang estudyante. Ngunit para sa mga nagtatrabaho at may pamilya, paniguradong mas ramdam nila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado. Mababa na nga ang sahod, mataas pa ang presyo ng bilihin. Saan nalang kaya pupulutin ang pambili sa mga araw-araw na pangangailangan, lalo na kung arawan din ang sahuran sa trabahong pinapasukan? Abonado pa sa tatlong kilo ng bigas at dalawang lata ng sardinas—isinasawalang bahala na ang sustansya basta busog at nakakakain ang pamilya.


Sa taong 2025, hiling ko na sana’y hindi na marami ang tubig sa noodles na iluluto ni nanay—dahil sakto na ang dami, at kaya na ng badyet bumili ng isa pa kung kukulangin. Gumising na sana ang mga nakatataas sa panaginip na sapat ang P64 sa isang araw upang mabusog at makakain ng masustansyang pagkain—malayo sa katotohanan ng bayan na kanila mismong pinamumunuan.



  1. Mataas na Budget para sa mga SUC’s


P3.4 bilyon lamang ang inilaan na badyet para sa PUP ngayong 2025 na siyang malayo sa proposed budget na P11.8 bilyon. Kung patuloy na magkakaroon ng pagdadamot para sa mga pamantasang bumubuo sa ating sistemang pang-edukasyon, mawawalan ng esensya ang pagkakakilanlan ng mga state universities bilang panlahat dahil maapektuhan nito ang dami ng mga estudyanteng maaaring matanggap sa loob ng pamantasan. Sa kakulangan ng badyet papasok ang mga problema sa mga renobasyon at pagpapaunlad ng mga facilities na hindi magawa dahil ipinapriyoridad muna ang mas mahalagang bagay tulad ng pasahod sa mga masisipag nating propesor at mga kawani ng unibersidad. 


Nalalapit na ang unang araw ng PUPCET 2025 at maraming mga estudyante ang nananabik na makapasok sa Sintang Paaralan. Matanggap man ay haharapin agad nila ang mapait na katotohanang limitado lamang ang slots para sa mga programa o kursong nais nilang pasukan. Unahan at kung maubusan ay lilipat sa ibang paaralan o kaya naman’y magtiyatiyaga sa programang hindi naman talaga nila gusto—dahil ito ang natatanging pag-asa at walang ibang unibersidad na pagpipilian.


  1. Mabigyang hustisya ang mga biktima ng EJK


Bago matapos ang taong 2024, nagsimula na ang imbestigasyon at pagdinig kay dating pangulo Rodrigo Duterte tungkol sa mga ilegal na pagpatay sa ilalim ng kaniyang pamumuno—kilala bilang Extrajudicial Killings o EJK. Isa sa mga kampanya ng rehimeng Duterte noon ang laban kojtra droga, na kilala rin bilang Oplan Tokhang, kung saan marami ang nasawi—kabilang na ang libo-libong inosenteng menor de edad at napagkamalan lamang na kasama sa listahan.


Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin natatapos ang laban para sa hustisya. Patuloy na tinatakbuhan at itinatanggi ang pinsalang ibinigay sa mga inosenteng pamilya, at naglalakad nang malaya ang may sala sa kabila ng mga kasalanang ginawa. Bagamat maayos ang intensyon, nakita naman ng taong-bayan na hindi makatao ang naging implementasyon. Kaya ang isa sa mga sigaw at samo ko ngayong bagong taon: hustisya para sa mga pamilya ng mga yumao, at hindi na muling maulit ang madidilim na gabing bumaha ng pula sa mga kalsada at eskinita ng ating bayan.


  1. Magkaroon na ng malinaw na kasunduan tungkol sa West Philippine Sea


Sa kabila ng maraming diskusyon tungkol sa West Philippine Sea (WPS), patuloy pa rin ang pag-angkin ng Tsina rito sa pamamagitan ng pagtatayo ng iba’t ibang imprastraktura para tuluyan nang makuha ang lupa. Bagamat ilang mapa na ang nagpapatunay na sa atin ang WPS, hindi pa rin natitigil ang pang-aangkin na siyang nakakaapekto sa kaligtasan ng ilan sa ating mga mangingisda na lumalaot sa panig na iyon para sa kanilang kabuhayan.


Patunay ang ilang mga litrato at bidyo sa social media na ginagamitan na ng dahas ang ating mga mangingisda at may mga pagkakataon pang kinukuhanan din sila ng mga kagamitan. Isa sa mga malalaking pag-atake na ginawa ng Tsina ay ang paggamit ng water cannon sa barko ng Philippine Coast Guard noong lumapit sila sa Scarborough Shoal. Ayon sa Coast Guard ng Tsina, apat na barko mula sa Pilipinas ang nagtangkang pumasok sa kanilang teritoryo at ginawa lamang nila iyon bilang pag depensa.


Kung patuloy na hahayaan ng pamahalaan ang ganitong mga aksyon laban sa ating mga mangingisda at hukbong pandagat, matatanto nating pati ang ating mga katubigan ay hindi na ligtas pang pag-lautan. Marahil ay hindi natin maituturing na sariling atin ang isang lupain na hindi naman natin tunay na napapakinabangan, kung titignan ngayon ay parang ipinamigay na ito at patuloy lamang pinapabayaan. Hindi lamang lupain ang nakapaloob sa ganitong usapan—kaligtasan at kapayapaan din ng ating mga kababayan.


  1. Pagtatapos ng alitang Israel at Palestine


Ayon sa imbestigasyon ng Amnesty International noong ika-5 ng Disyembre taong 2024, maituturing nang kaso ng genocide ang nangyayaring pagpatay at pag-atake ng Israel sa Gaza dahil hindi na lamang nakapokus sa mga miyembro ng Hamas ang mga atake, kundi pati na rin sa mga sibilyan na wala namang kasalanan. Matapos humiling para sa pambansa nating kaligtasan mula sa pagbabanta sa ating mga karagatan—nararapat lamang na may kamalayan din tayo patungkol sa hidwaan na nangyayari sa ibang bansa kahit na hindi tayo diretsong naaapektuhan.


Isang malaking isyu ang genocide at ngayon na nangyayari na naman ito sa modernong panahon—ang problema na nagsimula dahil sa maliit na lupain sa Gaza o Gaza Strip—ay nagbunga sa pagkamatay ng ilang libong sibilyan. Marahil ay sa presyo ng langis lamang tayo pinaka-naaapektuhan, ngunit dapat din nating tandaan na kasali pa rin tayo sa laban na ito—para sa kanilang mga karapatan, hustisya, at pandaigdigang kapayapaan.


Matupad kaya ang mga kahilingan ko?


Nakakagulat na nagkasya sa isang buong papel ang bigat ng lima kong hiling at nais makamit ngayong taon. Kinaya ng tinta ang importansya at naiparating sa mumunting sulat ang halaga na mapagtagumpayan ang mga isyung ito. Aminado akong may kulang dahil kung tutuusin ay kulang na kulang pa talaga ang isang malinis na papel para sa hiling nating mga iskolar, dahil kahit tayo—pasan-pasan sa mga balikat ang hirap na nararanasan ng bayan.


Alinsunod dito ang ating mga mumunting samo at hiling, kaya naman sa ikli ng mga nasulat ko sa aking listahan—masisisi niyo ba ako kung nais ko talaga itong matupad nang lubusan? Bilang sa isang kamay at tunay na may bigat, ngunit bilang isang iskolar na nakakaranas at namumulat sa araw-araw na pananatili sa pamantasan—marahil ito na ang pagbubunyag sa ilan ng mga nais kong makamit at maasam natin ngayong bagong taon. 


Dahil tayo ang nakasalalay sa bawat hiling, ikaw, nakagawa ka na rin ba ng listahan mo?


Artikulo: Jolyn Audrey A. Madrilejos

Grapiks: Aldreich Pascual

コメント


bottom of page