Mahigit sampung taon na ang nakalipas nang ako ay nasa ika-apat na baitang, tumambad sa aming telebisyon ang balita tungkol sa pagkamatay ni Jennifer Laude—isang transwoman na walang awang pinaslang ng isang sundalong Amerikano sa Subic. Bagaman bata pa ako noon, hindi ko lubos na maunawaan kung paano nagiging dahilan ang pagkakakilanlan ng isang tao para sa ganitong uri ng karahasan.
Habang ako’y lumalaki at natututong unawain ang mga isyung kinakaharap ng LGBTQ+ community, unti-unting naging malinaw sa akin kung gaano kahalaga ang Transgender Day of Remembrance (TDoR) na ginugunita tuwing ika-20 ng Nobyembre. Sa araw na ito, binibigyang-pugay natin ang katapangan, at inaalala ang pangalan ng mga biktima ng karahasang nakabatay sa kanilang pagkatao.
Ngunit higit pa sa pag-alala, isang mahalagang tanong ang bumabalot sa ating kamalayan: Paano nga ba makatutulong ang mga kaalyado sa pagprotekta at pagtaguyod ng ating mga kapatid na bahagi ng komunidad, lalo ang mga transgender?
Diwa ng pagtindig
Sa pakikibaka ng mga transgender, may mga boses na hindi lamang sumasama sa sigaw, kundi nagpapalakas pa ng mga ito. Ang mga kaalyado—na bagamat hindi bahagi ng komunidad ngunit tumatayo sa kanilang tabi—ay may mahalagang gampanin sa pagpapaalab ng apoy ng katarungan. Ang mga guro, magulang, kaibigan, at kasamahan sa trabaho na nagtatanggol at tumutulong sa pagpapalaganap ng tama at makatarungang pagtingin sa komunidad ay isang tunay na kayamanan. Sila’y nagsisilbing gabay at tagapagtanggol laban sa diskriminasyon na matagal nang nakakubli sa bawat sulok ng lipunan.
Ngunit paano nga ba sila makatutulong nang higit pa sa simpleng pagsuporta? Ang mga kaalyado ay maituturing na haliging nagpapatatag sa ating mga adhikain. Sa kanilang mga plataporma at mga hakbangin, binibigyang-puwang ang mga boses na pilit binubusalan ng diskriminasyon. Sila ang nagbibigay-buhay sa mga kuwentong minsang itinatago sa dilim, at ibinabaon sa hukay kasama ang labi ng mga kapatid nating pinagkaitan ng hustisya.
Ang pagiging kaalyado ay hindi lamang usapin ng pagkakapit-bisig—ito rin ay paninindigan sa pagharap sa mga hamon. Ang kanilang pagkilos ay hindi isang personal na desisyon, bagkus isang moral na obligasyong nagbubunsod sa kanila upang tumindig at labanan ang pang-aabuso. Sa kanilang presensya, nagiging mas matatag ang samahan at lumalakas ang panawagan para sa katarungan.
Ang papel ng midya: ilaw o anino?
Napakalaki ng papel ng midya sa paghuhukay ng katarungan, at sa pagtataguyod ng katotohanan. Sa pamamagitan ng mga dokumentaryo, balita, at programang pantelebisyon, ang midya ay may kapangyarihang buhayin ang mga alaala ng mga biktima o kaya'y burahin sila mula sa kamalayan ng publiko.
Kung positibo ang paglalarawan sa mga transgender, nagkakaroon ng mas malalim na pang-unawa at pagtanggap mula sa lipunan. Subalit, kapag ang kanilang mga kuwento ay naisantabi o napalitan ng mga baluktot na naratibo, tila sinasaksihan natin ang pangalawang pagpatay sa kanilang alaala.
Natatandaan ko pa ang mga balita ukol kay Gretchen Diez—hinamak at inalipusta dahil lamang sa kaniyang pagkakakilanlan. Ang ganitong mga pangyayari ay sumasalamin sa dalawang mukha ng midya—isang tagapag-ingat ng katotohanan at isang daluyan na maaaring magpalabo sa mga karapatan ng mga nasa laylayan. Sa mga pelikula at teleserye, madalas pa ring lumalabas ang mga estereotipong naglalagay sa mga transgender sa negatibong liwanag—karaniwang ginagawang biro o ipinalalabas bilang hindi seryosong mga tauhan.
Higit kailangang bigyan ng atensyon ang mga tunay na kuwento ng pakikibaka at tagumpay. Ang midya ay nararapat na maging tagapaghatid ng mga totoong karanasan, hindi lamang para sa pagpapahayag ng emosyon kundi para sa pagbubukas ng mga mata ng publiko. Kung ang midya ay magiging patas at bukas sa pagtanggap, makakagawa ito ng pagbabago sa pagtingin ng lipunan at makatutulong sa paghubog ng mga pananaw upang pagpugayan ang kanilang alaala.
Be an Ally: Mga Hakbang Para Sa Laban
Ang pagiging “ally” ay hindi nagtatapos sa simpleng pagsasabi ng ‘Nandito ako para sa iyo.’ Isa itong aktibong paglahok sa mga adbokasiya at pagtindig laban sa maling impormasyon at opresyon. Maaaring magsimula ito sa pag-aaral ng kasaysayan at pag-unawa sa mga hamon na kinakaharap ng mga transgender. Ang patuloy na pagsasanay sa pagkakaunawaan at pagpapalaganap ng mga tamang impormasyon ay ilan sa mga pinakamakapangyarihang hakbang upang makibahagi sa layunin ng pagkakapantay-pantay.
Mahalaga rin ang pagdalo sa mga seminar, pagsama sa mga protesta, at pagbabahagi ng mga impormasyon sa social media na tumutuligsa sa diskriminasyon. Ang edukasyon ay susi sa pag-unlad; kaya naman, dapat tiyakin ng mga kaalyado na nauunawaan nila ang mga tamang termino, kasaysayan, at mga sitwasyong kinakaharap ng komunidad ng mga transgender. Sa ganitong paraan, hindi lamang sila magiging kasangga—magiging aktibong tagapagtaguyod din na handang magsalita at kumilos.
“Ang ating pananahimik ay nagiging kasabwat ng karahasan,” wika ni Audre Lorde, isang kilalang manunulat at aktibista. Ang pagiging kaalyado ay hindi lamang pagkakaroon ng simpatya, kundi aktibong pakikilahok sa pagbuo ng makatarungang lipunan. Dito papasok ang isang mahalagang aspeto: ang pagtuturo ng tamang aral sa mga kabataan at ang pagpuksa sa mga maling paniniwala at estereotipo. Ang pagtuturo sa mga susunod na henerasyon ng mga prinsipyo ng paggalang at pagtanggap ay makatutulong sa paglikha ng lipunan na may mas malaking puwang para sa lahat.
Alaala at Pag-Asa
Ang Transgender Day of Remembrance ay higit pa sa pag-alala sa mga pangalan. Ito ay isang paalala na ang bawat isa sa kanila’y may kuwento, may pangarap, at may karapatang mabuhay nang may dignidad. Ang mga alaalang ito ay ating pananagutan na panatilihing buhay sa ating isipan. Sa tuwing binabaybay ang mga pangalan tuwing TDoR, bawat salita ay mistulang tinig ng mga biktima—patuloy na humihiling ng katarungan, sa pag-asang hindi ito mapipigilan.
Sa tulong ng mga kaalyado, maitataguyod natin ang isang mas maaliwalas na bukas. Ang mga pagtitipon at paggunita ay dapat maging masigla, may kasamang diskusyon at mga programang nagtutulak sa pagpapabuti ng karapatan ng mga transgender.
Muli, naaalala ko si Jennifer at ang iba pang transgender na biktima ng karahasan at opresyon. Hindi lamang sila mga istatistika; sila’y simbolo ng ating pagpupunyagi at pag-asa na darating ang araw na ang kanilang alaala’y magiging liwanag para sa mas ligtas at mas patas na mundo.
Ang laban ay hindi lamang sa komunidad ng LGBTQ+; ito ay laban ng bawat isa na naniniwala sa katarungan. Ikaw, ako, tayo—lahat ay may papel. Sa huli, hindi lamang dapat maging tagapanood ang mga kaalyado, bagkus maging aktibong bahagi ng pagkilos na magbubukas ng pintuan ng mas mabuting bukas.
Sa pakikipaglaban sa opresyon, ano nga ba ang iyong hakbang?
Artikulo: Rebelyn Beyong
Grapiks: Katherine Cielo
Comments