Katotohanang Wala sa PRodcast
- The Communicator
- 2 hours ago
- 4 min read
Sa mahigit 95,000 mag-aaral sa 25 na mga kampus, kakarampot lamang ang P3.4 bilyon ang badyet.

Iyan ang masalimuot na reyalidad ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ngayong 2025. Hindi na mabilang ang mga pangangalampag at panguwenguwestiyong nagmumula sa mga Iskolar ng Bayan patungo sa mga lider na nagdedesisyon sa pondo ng pamantasan. Kaya’t nang mabigyan ako ng pagkakataong makapanayam ang pangulo, dala ko ang isyung ito. Ngunit sa halip na magsilbing plataporma para sa malinaw na kasagutan, ang sandaling iyon ay nagmistulang bahagi ng isang imaheng sadyang hinubog para sa mga manonood.
Nito lamang Disyembre 8, naimbitahan ako, kasama ang dalawa pang mga college students upang kumatawan sa sektor ng kabataan at mga kampus mamamahayag sa pinakabagong episode ng BBM Podcast. Nabigyan ako ng oportunidad na humarap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang kinatawan ng PUP mula sa College of Communication (COC) at bilang News Editor ng aming publikasyong The Communicator. Oo, masasabing isang pribilehiyo ito, lalo na ang marinig nang diretsahan ang kaniyang tugon.
Sa aking pagbabalik-tanaw, malinaw na hindi ito basta isang podcast episode. Bahagi ito ng mas malawak na estratehiya—ang paghubog sa imahe ng isang pangulong kayang makipag-usap at makisabay sa publiko, lalo na sa kabataan. Ngunit may katotohanang wala rito.
Una, sinala ang mga katanungang aking inihain. Sa anim na tanong na aking isinumite, apat lamang ang napili—at hindi kabilang dito ang tahasang tanong hinggil sa badyet ng PUP. Gayunpaman, dahil napag-usapan ang kabuuang P1.38 trilyong badyet para sa sektor ng edukasyon at ang budget cuts sa mga state universities and colleges (SUCs), pinilit kong isingit ang tanong tungkol sa noo’y P3.6 bilyong pondo ng PUP para sa taong 2026 na malayong-malayo sa orihinal na panukalang P12.7 bilyon.
Naging maikli at malabo ang sagot ng pangulo. Giit niya, hindi pinapabayaan ng gobyerno ang SUCs, at sinusubukan nitong punan ang bawat pangangailangan ng sektor na ito. At kabilang sa kanyang nasambit ang katagang, “Education is a right, not a privilege.” Linyang madalas nang naririnig at karaniwang ginagamit o motherhood statement, ngunit hindi tuluyang nasusundan ng konkretong katuparan.
Dahil kung talagang karapatan ito, bakit nananatiling mataas sa P9 bilyon ang tapyas na badyet para sa pinakamalaking unibersidad pagdating sa populasyon? Isang araw lang matapos ang panayam, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon ng General Appropriations Bill na maglalaan lamang ng P3.7 bilyong pondo para sa paaralan.
Pangalawa, hindi isinama sa final cut ang maikli niyang sagot sa badyet ng PUP. Isang pagkakataong sana’y direktang tinugunan ng pangulo ang mga naghihikahos na Iskolar, ngunit sinadya itong i-censor. Mula pa lamang sa briefing bago isagawa ang podcast, nais ng mga kinatawan ng Presidential Communications Office (PCO) na maging pangmasa ang mga tanong at may personal na koneksyon sa pangulo na magpapakilala sa kaniya sa taumbayan, kaya’t inaangkla ang mga katanungan sa mas hindi seryoso at personal na paksa. Ngunit kung tatanungin ang masa, partikular na ang mga Iskolar ng Bayan, paniguradong hindi ang kaniyang buhay o personalidad ang mga nais nilang marinig.
Walang kapantay kung ihahambing ito sa mga estudyanteng danas ang kakulangan sa upuan at silid-aralan, pati na rin sa limitadong suplay ng kuryente dahil sa maliit na pondong pinagkakasya. Walang kasinta-sinta sa isang paaralan na patuloy na nasasadlak sa ganitong kalagayan. Bunsod ng ganitong kalagayan, nagiging makatwiran at kinakailangan na sa pangulo mismo manggaling ang kasagutan.
Isang malaking katanungan mula sa hanay ng mga estudyante ang usaping badyet. Bunga ng kapabayaan sa sektor ng edukasyon, dulot ng panggigipit sa pamantasan, pilit na pinagkakasya ng PUP ang bawat pasilidad para sa mahigit 40 estudyante sa bawat klase. Ito ang araw-araw na kalbaryong dinaranas ng bawat Iskolar ng Bayan bunga ng maliit na pondong pinagkakasya para sa bawat mag-aaral.Bukod pa rito, hihingiin ko rin sana ang kaniyang pahayag tungkol sa paghain ng subpoena laban kay Jacob Baluyot, National Chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag - PUP (AKM-PUP) at Associate Editor ng The Catalyst, na muling nakatanggap ng Petition for Indirect Contempt mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at kay Tiffany Faith Brillante, dating presidente ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM). Tanong na sana'y naglalayong mapag-usapan ang kapakanan ng mga estudyanteng nakataya at ang pananagutan ng mga nasa kapangyarihan sa hindi makatarungang panggigipit laban sa kanila. Ngunit dahil sa limitadong oras na ibinigay sa amin at sa produksyon ng podcast na pabor sa kaniya, hindi narinig ng pangulo ang naturang tanong.
Pangatlo, sa huli’t huli, hindi sa ganitong kaparaanan makakapagpabango ang pangulo sa sektor ng kabataan. Bagaman ang Generation Z ay binubuo ng 41 milyong katao sa bansa ayon sa 2020 census ng Philippine Statistics Authority (PSA), kami rin, kasama ang mga millennials, ang dalawang henerasyong nagpakita ng pinakamatinding galit laban sa mga proyektong may kinalaman sa katiwalian sa gobyerno, ayon sa pinakahuling pag-aaral ng OCTA Research.Sa PUP pa lamang—mula sa tarangkahan hanggang sa Lagoon at sa paligid ng Charlie del Rosario building—ipinapahayag ng mga kabataan ang kanilang mga hinaing tungkol sa kalagayan ng edukasyon. Bawat sigaw, malinaw nilang ipinapahayag ang kanilang panawagan: ikulong ang mga kurakot, ibigay ang sapat na pondo para sa edukasyon, at itaas ang badyet para sa Sintang Paaralan, na siyang pinakamalaking unibersidad sa bansa batay sa populasyon.
Sa mahigit 30 minutong panayam, 22 minuto lamang ang inilabas sa publiko. Maraming tanong ang hindi isinama, at ilang sagot ng pangulo ang piniling tanggalin. Walang kaming naging kontrol laban sa isang maingat na pagmamanupaktura ng imahe ng Pangulo.
Inasahan kong magsisilbing daan ang oportunidad na ito upang makakuha ng konkretong sagot mula sa pangulo—ang pinakamataas na opisyal ng bansa na may huling salita sa bawat sentimong buwis ng mamamayang Pilipino. Ngunit sa pagsasantabi ng mga tunay na usapin, naisasantabi rin ang kinabukasan ng kabataan at ng mga kampus mamamahayag na gaya ko—na ginamit pa bilang sangkap sa kaniyang nilutong public relations (PR) stunt o pampaganda ng relasyon sa publiko.
Sa kabaliktaran, mapait ang reyalidad sa lansangan. Mula sa mga barikadang humaharang sa mga raliyista patungong Mendiola, hanggang sa mga tear gas at water cannon na pilit nagpapatahimik sa boses ng mga nagpoprotesta. Gayunpaman, hindi rito nagtatapos ang laban ng kabataang nananawagan ng kalidad na edukasyon para sa lahat.
Sapagkat hangga’t patuloy na tinatakasan, pinapalipas, at pinagbubulag-bulagan ng pinakamakapangyarihang tao sa bansa ang mga tunay na isyu ng bayan at kabataan, walang podcast o anumang estratehiya ang makapagpapabango sa kaniyang imahe bilang isang tunay na PResidente ng Pilipinas.
Artikulo: Jannine Lagbawan
Dibuho: Allaine Chesca Arcaya








Comments