top of page

Karapatan o Sikmurang Kumakalam?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Matapos ang siklab ng fireworks sa pagsalubong sa taong 2024, ay ang pagpapasiklab din ng pamahalaan sa inilalatag nitong Charter Change (Cha-cha). Ngunit ang mas nakakapagpasiklab ng galit ay ang panunuhol ng gobyerno sa mga mamamayan upang pumirma pabor sa Cha-cha.


Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, binigyan umano ng “mobilization funds” ang ilang mayors ng Albay, Bicol para sa People’s Initiative na sumusuporta sa Cha-cha. Isang malinaw na manipestasyon kung paano tingnan ng gobyerno ang mga mamamayan—bilhin ang kumakalam nating sikmura at utuin sa pamamagitan ng pera upang matapos ang kanilang problema.


Ang People’s Initiative ay isang proseso kung saan binibigyang kapangyarihan ang mga tao na magmungkahi ng mga pagbabago o amyenda sa Konstitusyon. Ito ay sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga pirma ng 10% ng kabuuang registered voters sa bansa, habang 3% ng mga botante sa bawat distrito ay dapat pirmado rin. 


Samakatuwid, ang People’s Initiative ay isang karapatan ng mga mamamayan. Karapatan natin upang isakatuparan ang isang batas o pagbabago na sa tingin natin ay mag-aangat sa atin sa hirap ng buhay. Sa kabilang banda, ang gobyerno’y walang ibang ginawa kundi nakawin ang karapatan na ito sa atin sa pananamantala nila sa ating kahinaan—ang kahirapan. Ngunit magigiit mo pa ba ang prinsipyo mo, kung sa iilang pisong kapalit may ihahain ka na sa hapag?


Hindi kasalanan ng taong bayan kung mas pipiliin nilang patulan ang ganitong uri ng pagmamanipula sapagkat biktima lamang sila ng baluktot na sistema. Dagdag pa rito na wala sa prayoridad ng gobyerno na bigyan ng kalidad na edukasyon ang mga Pilipino dahil gusto nilang kaunti ang nalalaman ng mamamayan para madali lang nilang maisahan ang mga ito. 


At lalong dapat tayong mangamba dahil pondo ng bayan na mula sa ating mga buwis ang ginagamit nila. Ganyan sila kawalang-konsensyang traydurin ang taong bayan para sa sarili nilang interes.


Hindi dapat humantong sa sitwasyon kung saan namimili ang mga Pilipino kung karapatan o lalamaning tiyan muna nila ang gagawing prayoridad. Kaya naman usigin natin ang gobyerno dahil trabaho nilang punan ang kahirapang pumuputakti sa pamumuhay ng mga mamamayan.


Sa buhay na salat at wala nang ibang dinulot kundi alat, pati edukasyon ay hindi pa ginagawang prayoridad. Ang pagmamanipula gamit ang pera ay hindi na bagong taktika. Kaya naman inaakay dapat nating may kaalaman ang mga naiiwan sa laylayan nang sa ganoon ay hindi sila maiwan at mapagsamantalahan. Kasi sa gobyerno’y wala namang maasahan. Bilang sila rin ang naghahagsik ng kalagiman sa mamamayang dapat nilang pinagsisilbihan.


Artikulo: Alexa Franco

Dibuho ni: Ronalyn Hermosa

Comments


bottom of page