Kapag May Nahulog na Chopsticks, Sinong Darating?
- The Communicator
- 7 minutes ago
- 4 min read
Sa isang tahanan, hindi mawawala ang hapagkainan.
Ito ang paboritong puntahan noong musmos pa lamang na nagbibigay pagmamahal at naghahatid ng paru-paro sa sikmura. Para sa karamihan, hindi malimot-limot ang mga memoryang itinatak sa atin ng lamesa dahil dito natin natutuhan ang iba’t-ibang pamahiin—bawal magsalita habang ngumunguya, bawal magligpit kapag may kumakain pa, bawal paalis-alis, at marami pang iba.

Sa kabila ng mga pamahiin na ito, may isang tumatatak sa nakararami na hanggang ngayon ay para bang kusa na lang lumalabas sa mga bibig---pag may nahulog na kutsara ay may parating na babaeng bisita, kapag nahulog naman ang tinidor ay may darating na lalaki. At sa mga ganitong pangyayari, para bang lagi itong may dulot na pananabik, lalo na noong kabataan, na aabangang makita at makasalamuha ang iba.
Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti rin nating nalalaman ang malalim na kahulugang kaakibat nito—na pati ang mga kubyertos ay binigyang kasarian ng lipunan. Sa hapag, ang itinuturing na pares ay kutsara't tinidor—tulad na lamang sa totong buhay na para bang ipinapataw ang paniniwalang dapat na magkapareha ay babae at lalaki lamang.
Kung gano'n, sa mata ng lipunan, paano kapag nahulog ang chopsticks? Sino kaya ang darating?
Tambalang Dapat sa Tama Lang?
Sa tagal ng panahon ng mainstream media sa bansa, iisa lamang ang nagiging mukha ng pag-ibig—mga bidang tambal na babae at lalaki. Mula sa panahon nina Nora Aunor at Tirso Cruz III, patungo kay Jolina Magdangal at Marvin Agustin, hanggang kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, paulit-ulit lamang ang nagiging tema: laging babae’t lalaki ang nagkakatampuhan, nagkakaaminan… at nagkakatuluyan.
Kasabay nito ang konseptong nagkukulong lamang sa mga dapat at hindi dapat gawin ng parehong kasarian—na ang lalaki ang dapat na nanliligaw at babae ang sasagot, lalaki ang tagapagligtas at babae ang inililigtas, lalaki ang nagbibigay ng bulaklak at babae ang tumatanggap. Sa paulit-ulit na palabas ng pag-iibigang normal para sa karamihan, tila ba isang iskrip na lamang ang nagmamando sa lahat—at sa kung ano lang dapat gawin ng mga babae at lalaki.
Ang mga ganitong palabas ng pag-ibig ay hindi lamang basta nagdudulot ng kilig sa mga manonood dahil nagsisilbi rin itong role model kung saan nagiging social norm ang mga ito kung ano lang ba ang dapat sundin sa pagmamahalan.
Kapag ba nagmahal ka, dapat nakabatay sa kasarian? Dapat ba laging may leading lady at leading man?
Kasarinlan ng Kasarian
Kung hindi leading man o leading lady, extra na lang ba lagi sa kuwento?
Mula kay Jason Ty sa pelikulang “I’m Drunk, I Love You” hanggang kay Felix sa “2 Cool 2 Be Forgotten” laging side character kung ituring, nagbibigay kasiyahan o leksyon sa karamihan. ‘Yan ang madalas na takbo ng kwento ng representasyon ng queer people sa mainstream media—nagpapasaya, subject ng galit ng sermon, kuwela, ngunit hindi malaya. Patuloy na nakakahon sa nakagawian at hindi nabibigyan ng kaniyang spotlight.
Ngunit iba ang takbo sa likod ng mga lente, ayon sa pag-aaral ni Alinchanec, I. (2024), may negatibong epekto sa kalusugang pangkaisipan ang mapanganib na paglalarawan ng media sa mga queer people. Ito’y naghuhudyat ng isang kilos para maipadama na hindi lang sila nakaantabay sa likod ng mga bida dahil may sarili silang isinusulat na akda.
Hindi lang dapat pagtanaw at pagkilala, kinakailangang may pagtanggap para maransan ang kasarinlan ng kasarian.
Sa Sine, Dapat Malaya Ka
Sa mga panahong tila masikip na ang lugar ng mga bagong konsepto ng pelikula sa mass media, ay lumalago naman ang entablado ng independent films o mas kilala bilang indie films. Dito ay unti-unting naitatanghal ang mga kwentong matagal nang isinasantabi.
Ngayong taon sa Cinemalaya, naging usap-usapan ang nakatakdang ipalabas na GL (Girls’ Love) film na pinamagatang “Open Endings” na ayon sa sinopsis ay tatahakin ang buhay ng apat na queer women na exes-turned best friends. Pokus din ng pelikula ang mga temang bihira lang na bigyang pansin ng media kapag queer couples na ang bida—kuwentong tungkol sa identidad, pagkakaibigan, at ipinaglalaban ang totoong nararamdaman.
Bukod pa rito, ang mga pelikulang gawa ni Samantha Lee tulad ng Baka Bukas (2016), Billie and Emma (2018), at Rookie (2023), at iba pang mga pelikulang nagrerepresenta sa LGBTQIA+ Community ay naging usap-usapan din ng netizens—na samu’t-sari ang mga komento mula sa iba’t-ibang henerasyon. Dahil kahit sa panahon ngayong mas malawak na ang pagtanggap sa komunidad na ito, napakarami pa ring hindi sang-ayon sa paglabas ng mga ganitong uri ng pelikula dahil hindi “raw” nararapat sa mata ng mga bata.
Kung kaya ng independent cinema na maitampok ang mga ganitong uri ng pelikula para maipakita ang suporta at tamang representasyon sa queer people, bakit kaya hanggang ngayon ay tila iniiwasan pa rin ng media na may malalaking pangalan na mabigyan ng spotlight ang mga ganitong tema?
Hindi lamang sining ang pelikula—isa itong daan para buksan ang isip ng mga tao sa mga bagay na hindi ayon sa paniniwala nila, sa mga hindi pa handang tanggapin ang mga bakla at tomboy kung kanila’y tawagin. Sa pamamagitan ng mga pelikula, mailalarawan na puwede namang magmahalan ang dalawang babae o dalawang lalaki nang hindi dapat iniisip kung ano ang sasabihin ng iba—kasi kung tutuusin, wala naman talagang dapat na sabihing masama. Hindi sakit sa lipunan ang maglabas ng totoong nararamdaman, hindi sakit ang pagiging tomboy o bakla, dahil hindi kailanman magiging sukatan ng mga wastong gawain ang ating nakasanayan.
Dahil ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay…
Kung gaano ito katapat,
Kung gaano ito kalaya,
At kung gaano ito makatao.
Kung tatanungin mo ang isang queer couple kung sinong lalaki o babae sa kanila, ang sagot ay simple lang—WALA. Dahil hindi lamang kutsara’t tinidor ang magkapares sa ating hapag—chopsticks din.
Artikulo: Ma. Deborah Chelsey Bautista & King David Manghi
Grapiks: Ramier Vincent Quiatchon Pediangco
Comments