top of page
Writer's pictureAlec Marc Reguya

Kalagayang pulitika, ulat ng kolehiyo, sumentro sa unang sesyon ng SCA

Kalagayang pulitikal ng mundo at bansa at ang buwanang ulat ng mga kolehiyo ang tumambad sa unang regular na sesyon ng PUP Student Council Assembly (SCA) para sa taong panuruan 2023-2024 nitong Linggo, Nobyembre 5, sa pamamagitan ng Zoom.

Sa pagpapasinaya sa sesyon ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral Vice-president, Abbygail Alforque, naipakita ang mga inisyatiba na naisagawa ng mga konseho mula sa iba't ibang mga kolehiyo at ng SKM sa loob ng ilang buwang pangunguna.


Iyan din ang diwang naipamalas ng konseho ng Kolehiyo ng Komunikasyon nang i-ulat nito sa sesyon ang progress report nito mula sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre.


Ilan sa mga naisagawa nitong mga nagdaang buwan ay ang mga konsultasyon sa badyet, iba’t ibang aktibidad sa paggunita sa anibersaryo ng Martial Law, at mga opisyal na pahayag partikular na halimbawa sa Artificial Intelligence (AI) sportscasters, at death anniversary ng yumaong brodkaster na si Percy Lapid.


Patuloy ring pinangunahan at naging kabahagi ang konseho sa mga mobilisasyon na naganap sa mga unang buwan ng semestre para magsilbing tinig ng sangkaestudyantehan at ng masa.


Sa pagtatapos ng kanyang ulat, ibinahagi ni College of Communication Student Council president Aem Kimberly Ignacio na may nakatakdang isagawa na mga konsultasyon, paralegal training, at pagsasapinal ng pag-anib sa apat na alyansa para sa buwan ng Nobyembre.


Bukod pa sa mga naging tagumpay ng mga kolehiyo sa nagdaang mga buwan, tinalakay din ang mainit na sitwasyong politikal ng bansa sa kasalukuyan.


Sa naging talakayan, iginiit ang pagkaipit ng Pilipinas sa girian ng dalawang higanteng bansang US at Tsina.


Dagdag pa ng SCA, ang mga maliliit na bansa ang nasasangkalan, kagaya ng Pilipinas, sa tunggalian ng dalawang bansa sa ekonomiya, pulitika, at kultural na arena.


Nakatawag-pansin din ang hindi lamang pakikibahagi, bagkus ay tahasang pagpapel ng US-Tsina sa mga domestikong isyu ng mga bansang nais nilang sawsawan.


Patuloy na binanggit na mag-uugat ito sa patuloy na paglugmok ng kalagayang ekonomikal ng bansa lalo pa sa pagkiling ng administrasyon sa estadong neokolonyal.


Matatandaang kamakailan lamang ay nag-abstain ang Pilipinas sa resolusyong inihain sa United Nations (UN) na may panawagang tigil-putukan sa digmaan sa Israel.


Sa ulat ng iba’t ibang mga komite ng SCA at pagtalakay sa ibang mga suliranin natuldukan ang inorganisang unang regular na sesyon ng PUP SCA.


Artikulo: Alec Marc Reguya

Grapiks: Aldreich Pascual

Comments


bottom of page