top of page

31.5% turnout naitala sa ISKORBOARD 2025; Pangilinan, AKBAYAN, nanguna sa pulso ng COCians

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • May 10
  • 7 min read

Umabot sa 31.5% ang naitalang tugon ng mga COCians sa ISKORBOARD 2025, sa pangunguna ng The Communicator, upang alamin ang pulso ng mga mag-aaral ng College of Communication (COC) sa nalalapit na 2025 Midterm Elections.


ree

Isinagawa ang mock polls sa loob ng pitong araw, mula Abril 12 hanggang 18, sa pamamagitan ng Google Forms na siyang ipinakalap sa bawat departamento na layuning mapasagot ang 2,702 na kabuuang populasyon ng kolehiyo.


Para naman sa metodolohiya, kinuha ang sample size mula sa pagtutuos ng 2,702 na populasyon ng kolehiyo at 95% Confidence Level na may 5% margin of error, kung saan lumabas na kinakailangan ng 337 tugon upang masabing valid ang tala. Itinaas pa ang bilang na ito sa 557 natarget na bilang ng mga boto upang mabigyang-bisa ang tugon ng COC sa PULSO PUP kung saan ang bawat kolehiyo ay itinuring na sample.


Bilang resulta, 31.5% ang pinal na voter turnout na binubuo ng 805 tugon sa Google Forms. Mula sa orihinal na bilang na 809, nabawasan ito ng apat matapos matukoy na ang mga ito ay invalid sa isinagawang masusing beripikasyon kung sila ba’y bona fide na mag-aaral ng COC.


Para naman sa bilang ng mga botante, 722 o 89.69% sa mga tumugon ay mga rehistradong botante habang  83 naman rito ang hindi pa rin nakakapagpa-rehistro. 


Samantala, 479 ng mga mag-aaral ang nagsabing unang beses pa lamang sila boboto ngayong halalan, lagpas sa kalahati ng tumugon. 326 naman sa kanila ay nakaranas nang bumoto sa mga nakaraang eleksyon. 


Tumatalima ito sa inilabas na datos ng Commision on Elections (COMELEC), kung saant umangat ang bilang ng mga registered voters sa 3.9% mula sa nakaraang 2022 national elections. 


Dagdag pa rito, ang mga kabataan ang bumubuo ng pinakamalaking bahagi ng electorate sa darating na eleksyon. Lumabas sa nakalap na datos ng GMA Integrated News Research na sa higit 68.4 milyong rehistradong botante, tinatayang 63% ng mga ito ay mula sa hanay ng mga Millennial at Gen Z. Tinatayang 25.94 million sa mga ito ay mga Millennial, at 21.87 million naman ay Gen Z.


Narito naman ang voter turnout ng bawat departamento sa COC na kinwenta ayon sa populasyon nito ngayong Second Semester, A.Y. 2024-2025:

  • BA Journalism (252 tugon o 56.12%)

  • BA Broadcasting (250 tugon o 26.71%)

  • BA Advertising and Public Relations (178 tugon o 26.65%)

  • BA Communication Research (125 tugon o 24.85%)


Sa antas naman ng mga tumugon, karamihan ay mula sa 1st year (301 boto), kasunod ng 2nd (299 boto) at 3rd year (149 boto). Pinaka-kaunting bilang naman ng mga bumoto ay mula sa 4th year na umabot sa bilang na 56. 


Kababaihan naman ang nanguna sa pinakamaraming bumoto sa naturang mock election poll na may bilang na 522, habang 214 naman ang sa kalalakihan. Kabilang rin sa mga bumoto ay 44 non-binaries at 25 na piniling hindi ibahagi ang kanilang kasarian.


Pangilinan at AKBAYAN, nangungunang senador at partylist sa COC


Matapos ang mabusising pagkolekta ng datos, nanguna si Kiko Pangilinan at ang AKBAYAN Party-list sa pagkasenador at partido. 


Base sa nakalap na boto, narito ang listahan ng mga nanguna sa pagka-senador at ang kanilang mga adbokasiya bilang mga kandidato:


PANGILINAN, Kiko - Liberal Party (LP), 86.58%


Si Pangilinan ay tumakbo bilang bise presidente noong 2022 Elections, isang abogado, at ngayon ay muling tumatakbo sa pagka-senador dala ang platapormang pang-agrikultura, rural development, seguridad sa pagkain, youth empowerment, at collaborative governance. Noong siya ay nasa senado, nakapaglathala siyang mga batas tulad ng Republic Act 11478 na nagdagdag ng Bed Capacity ng Bicol Medical Center, Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, at GMRC and Values Education and Alternative Learning System Act, maging ang COVID Vaccination Program Act of 2021.


AQUINO, Bam - Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino (KNP), 84.60%


Si Aquino ay naging senador na rin mula noong 2013 hanggang 2019, naging dating chairman at commissioner ng National Youth Commission, at may platapormang muling ilaban ang Anti-Political Dynasty Bill, Rice Tariffication Law, taas-badyet sa sektor ng edukasyon, at irepaso ang K-12 Law para sa mga graduates nito.


BROSAS, Arlene - Koalisyong Makabayan (MKBYN), 82.11%


Kasalukuyang representante ng Gabriela Women’s Partylist sa House of Representatives at Minority Leader ng House Committee on Women and Gender Equality, layunin niyang magkaroon ng mas mataas na budget para sa serbisyong pangkalusugan, mailaban ang National Public Health Care Bill, maayosang Anti-Rape Law at Anti-VAWC Law, at maisulong ang Divorce Bill at SOGIE Equality Bill.


RAMOS, Danilo - Koalisyong Makabayan (MKBYN), 81.61%


Si Ramos ang kasalukuyang chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kasama sa kumatawan sa mga magsasaka laban sa Anti-Terrorism Law, tinutulan ang National Land Use Bill, at isa sa naglathala ng Genuine Agrarian Reform Bill. Pangunahin niyang layunin ay para sa mga sektor ng pagsasaka, tulad ng Agricultural Reform, Land Rights and Equity, at suporta para sa mga lokal na magsasaka.


ESPIRITU, Luke - Partido Lakas ng Masa (PLM), 80.50%


Bilang isang abogado, kilala si Espiritu sa kanyang partisipasyon sa mga high-profile cases tulad ng plunder charges laban kay dating pangulong Arroyo, naging legal counsel sa mga biktima ng Extrajudicial Killings sa Negros Occidental, maging ang Teachers Dignity Coalition, Philippine Movement for Climate Justice, at Power for People Coalition. Layunin ni Espiritu ay maisulong ang Green Transition Initiative, Fair Labor Right Act, Health for All Program, Education Equity Act, Transparent Governance Act, at Economic Revival and Support of SMEs.


CASIÑO, Teddy - Koalisyong Makabayan (MKBYN), 74.66%


Kasalukuyang chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan at dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist sa House of Representatives, ilan sa kanyang plataporma ay ang democratic governance at political reform, social justice at human rights, pagpapababa ng presyo ng produkto at serbisyo, nakabubuhay na sahod at mga karapatan ng manggagawa, at pag-usbong ng mga local na industriya.


ARAMBULO, Ronnel - Koalisyong Makabayan (MKBYN), 72.55%


Isang mangingisda, si Arambulo ay isa ring chairperson ng grupong PAMALAKAYA o Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas at dating kagawad ng Barangay Malakaban sa Binangonan, Rizal. Tangan niya ang platapormang ipaglaban ang karapatan ng mga mangingisda, ilaban ang pangisdaan at aquatic reform, at idiin ang soberanya sa  West Philippine Sea sa pamamagitan ng Independent Foreign Policies.


CASTRO, Teacher France -  Koalisyong Makabayan (MKBYN), 69.32%


Isang Licensed Professional Teacher sa pampublikong paaralan, isinusulong niya ang pagdaragdag sa pondo ng edukasyon tungo sa  6% ng GDP mula sa kasalukuyang kakarampot na tatlong porsyento. Isinusulong niya rin ang nakabubuhay na sahod, benepisyo, at secured tenure para sa mga guro at personnel, pagtanggal ng confidential and intelligence funds, at abolisyon ng NTF-ELCAC.


MENDOZA, Heidi - Independent (IND), 63.11%


Isang Certified Public Accountant (CPA) at former commissioner ng Commission on Audit o COA, pangunahing layunin ni Mendoza ay budget literacy at transparency, anti-corruption measures, public accountability measures, at pagpapalakas sa edukasyon. Bilang isang dating COA commissioner, siya ang nag-iisang nagsiwalat ng korapsyon at naglapag ng mga ebidensya sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa military comptroller na si Carlos Garcia, at nag-imbestiga rin sa graft case ng dating Makati Mayor Elenita Binay, asawa ng dating bise presidente Jejomar Binay. 


DE GUZMAN, Ka Leody - Partido Lakas ng Masa (PLM), 55.65%


Si De Guzman ang kasalukuyang pangulo ng Partido Lakas ng Masa at chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino. Layunin niya ay pataasin ang minimum wage, tuldukan ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon, pagtuunan ang paggamit sa renewable energy, at ilaban ang Anti-Political Dynasty Law.


MAZA, Liza - Koalisyong Makabayan (MKBYN), 54.29%


Dating congresswoman ng Bayan Muna at Gabriela Women’s Party, nakapagpasa si Maza ng mga batas tulad ng Rent Control Act, Juvenile Justice and Welfare Act, Philippine Nursing Act, Anti-Torture Law, at Anti-Trafficking in Persons Act. Layunin niya ay social justice at equality, anti-corruption at good governance, pati na rin ang pagtataguyod ng pagpapabuti sa lagay ng ekonomiya, kababaihan, at kalikasan.


DORINGO, Nanay Mimi - Koalisyong Makabayan (MKBYN), 40.12%


Si Doringo ay isang community organizer mula sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap, na lumalaban sa demolisyon, taas-pamasahe, karahasan, at kawalang-trabaho. Ang kanyang mga plataporma ay tumutuon sa katikayan sa paninirahan, disenteng kabuhayan, murang bilihin, at maayos na ayuda at suporta tuwing sakuna.


Ito naman ang mga nanguna para sa mga partido:


AKBAYAN Citizen’s Action Partylist (AKBAYAN), 40%


Sa pangunguna nina Atty. Chel Diokno, Rep. Perci Cendaña, at Dadah Ismula, nirerepresenta ng partido ang urban poor, kabataan, kababaihan, at mga marginalized sectors. Layunin nila ay ang sumusunod:


  • Inclusive economic growth, social justice at karapatang pantao

  • Democratic governance at transparency

  • Labanan ang korupsyon at political dynasties

  • Ilaban ang mga batas para sa kababaihan at mga naaabuso

  • Suportahan ang informal workers at ipakilala ang universal basic income,

  • Ipanukala ang reproductive health law upang malutas ang tumataas na kaso ng teenage pregnancies.


KABATAAN Partylist (KABATAAN), 37.64%


Pinangungunahan nina Atty. Renee Co, Pao Echavez, Jpeg Garcia, ang partido ay nirerepresenta ang sektor ng kabataan, urban poor, mangingisda, magsasaka, manggagawa, kababaihan, Indigenous People (IP), LGBTQIA+ community na isinusulong ang mga adbokasiyang sumusunod:

  • Libreng edukasyon

  • Nakabubuhay na sahod at trabaho

  • Pambansang soberanya

  • Repormang agraryo 

  • Kalusugang pangkatawan at pangkaisipan 

  • Batayang serbisyong panlipunan

  • Hustisya at pananagutan

  • Kapayapaan at pagwawakas sa tiraniya 

  • Aksyong pangklima

  • Pagsugpo sa diskriminasyong pangkasarian


Naging kaisa rin ng PUP ang KPL sa mga pagkilos nito mula pa noong 2010 tutol sa 2000% Tuition Hike. Noong 2023 naman, naging katuwang ito ng PUP Budget Increase Network sa lobbying efforts, alinsabay sa mga inisyatibo ng PUP admin, para sa pagdaragdag ng budget sa House of Representatives at Senado. Matapos ihain ang petisyon na may higit 7,000 lagda mula sa komunidad ng PUP, nakatanggap ang pamantasan ng karagdagang pondo ng 300,000 milyong piso.


Gabriela Women’s Partylist (GABRIELA), 10.06%


Sa pangunguna ng mga nominees na sina Rep. Sarah Elago, Cathy Estavillo, at Dr. Jean Lindo na kumakatawan sa mga kababaihan at LGBTQIA+ community, mga biktima ng gender-based violence, marginalized sectors kasama na rin ang sex workers, layunin ng partido ang sumusunod: 


  • Karapatan para sa kababaihan at pagkakapantay-pantay sa kasarian

  • Social justice at human rights

  • Magsulong ng mga polisiya para sa marginalized sectors

  • Palakasin ang implementasyon ng Anti-Rape Law at Anti-Violence against Women and Children (VAWC) Act.


Alinsabay sa isinagawang COC mock elections, inilunsad din ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) ang PULSO PUP 2025, kasama ang Kabataan, Tayo ang Pag-asa (KTAP) Network at The Catalyst, na may inisyatibong Voter’s Education at System-wide Mock Elections na naglalayong alamin ang pulso ng 94,452 na mga Iskolar ng Bayan, kabilang ang mga resulta ng ISKORBOARD 2025 mula sa COC.


Artikulo: Jannine Lagbawan and Arabella Grace Palisoc

Grapiks: Kent Bicol

 
 
 

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page