ISD 2025: Sektor ng kabataan nagkaisa sa kilos-protesta kontra korapsyon
- The Communicator
- 13 hours ago
- 2 min read
Sa taunang selebrasyon ng International Students’ Day (ISD), nagkaisa sa inilunsad na kilos-protesta ang iba’t ibang grupo at sektor mula sa mga pamantasan sa Maynila, kabilang na ang komunidad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), noong Nobyembre 17.

Bitbit ang kani-kanilang mga plakard at balatengga na naglalaman ng mga panawagan at hinaing, nagmartsa ang buong hanay patungong Mendiola Peace Arch, kung saan nakatakda sanang ganapin ang programa. Sa taong ito, nakatuon ang pagdiriwang sa pagkilos laban sa lumalalang korapsyon at katiwalian sa bansa, tangan ang temang “National Day for Action Against Corruption.”
Gayunman, sa kahabaan ng Recto Avenue napilitang ituloy ng hanay ang programa matapos silang salubungin ng mga barikada ng kapulisan sa kalsada na siyang humaharang patungong Mendiola.
Tinalakay sa programa ang iba’t ibang pangunahing isyung kinakaharap ng kabataan at sektor ng edukasyon, kabilang ang patuloy na katiwalian sa gobyerno, kakulangan ng badyet sa mga pampublikong pamantasan, krisis sa klima, gayundin ang talamak na red-tagging sa mga estudyanteng lumalahok sa mga mobilisasyon.
Sa pahayag ni Nuraini “Rain” Nordin, University Student Council (USC) Chairperson ng University of the Philippines (UP) - Manila, iginiit nito na hindi pa rin sapat ang badyet na inilaan para sa edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget.
“Noong ipinapasa ang 2026 budget, sabi raw [ay] sapat na ang pondo sa edukasyon. Bagaman nadagdagan ang pondo sa edukasyon, hindi ito ang edukasyon na nararapat na matamasa natin. Kitang-kita natin ito araw-araw sa mga pasilidad na ginagalawan natin.”
Samantala, itinuon naman ni Jolo ng Alliance of Environmentalists and Stem Students for Inclusive Governance (AESTIG) ang usapin sa klima at kalikasan kung saan kinuwestiyon niya ang mga maanomalyang flood control projects ng pamahalaan. Ani niya, hindi nararamdaman ng mga Pilipino ang benepisyo ng naturang mga proyekto sa kabila ng napakalaking pondong inilaan dito.
Binigyang-diin naman ni dating Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) President Tiffany Faith Brillante sa kaniyang talumpati ang sigaw ng mga kabataan tungkol sa korapsyon.
“Ang panawagan ng Youth Range Against Corruption tungo sa tuluyang pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa korapsyon ng gobyerno ni Marcos Jr. at alisin sa pwesto, panagutin, at ikulong ang lahat ng mga opisyal ng ating gobyerno na nakinabang sa milyon-milyon at bilyon-bilyong pondo mula kaban ng bayan.”
Nakiisa rin si Raven Kristine Racelis, miyembro ng Kabataan Partylist - UST Artlets, na nagbahagi ng kaniyang karanasan sa red-tagging sa loob ng unibersidad. Nagbigay paalala si Racelis sa mga kabataan hinggil sa kahalagahan ng pag-aaral ng kalagayan ng lipunan.
Sa pagtatapos ng programa, hinikayat ni SKM Councilor Michael Dave Bolima ang mga kabataan na muling lumahok sa darating na Nobyembre 30, kung kailan isasagawa ang ikalawang “Trillion Peso March.”
Article: Kristine Jhoy Castulo & Raven Gabriel Cruz
Graphics: Ericka Castillo






Comments