Higit pa sa Numero
- The Communicator
- Aug 31
- 4 min read
Mantsadong bakas ng pagsusumikap para makaalpas sa nagdaang semestre sa piling ni Sinta—iyan ang kaakibat ng mga nakapaskil na numero sa online portal. Ngunit, paano kung ang mga gradong ito ay hindi tunay na naglalahad ng pakikipagsapalarang kinaharap?

Minsan nang nagkalamat ang simbolo ng pagpupunyagi ng sangkaestudyantehan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) nang sumiklab ang isang diskusyon sa Facebook ukol sa itinakdang general weighted average (GWA) para sa President’s List at Dean’s List. Mula sa matinding paghahambing ng pamantayan sa pagbibigay parangal ng mga pamantasan, nauwi ito sa tila pagbabalewala sa pagpupursigi ng bawat iskolar na makapasa sa ilalim ng sistemang depektibo.
Lingid sa kaalaman ng mga naging bahagi ng usapang ito, ang pagkakaroon ng uno sa PUP ay maihahambing sa pagpasok sa isang butas ng karayom. Magkakaiba man ang kurso, maihahalintulad ang paglalarawang ito sa karanasan ng nakararaming sumusubok sumungkit ng mataas na grado. Iisa lamang ang itinuturong puno't dulo ng kanilang hirap—ang mga problemang nakabinbin sa pagmamarka.
Kasabay ng paglipas ng bawat akademikong taon ay ang patuloy na pagbigat ng mga pasaning academic requirement sa kolehiyo. Ngunit hindi ang pagdami ng mga gawain ang idinaraing, kundi ang unti-unting pagkawala ng maayos na puna bilang gabay sa pagwawasto. Mapapansin ito sa madalas na pagtutuon ng kaguruan sa dami ng ipinasa kaysa sa paglalaan ng atensyon sa paghasa ng kakayahan at kaalaman ng mga mag-aaral.
Dumadalas na ang pangunguwestyon ng ilang mag-aaral sa nagiging basehan ng gradong ibinibigay, buhat sa kawalan ng bukas na pagpapaliwanag sa kanilang mga naging kakulangan at sa pamantayang sinusunod sa pagmamarka. Bunsod din nito, nagkakaroon ng paghahambing sa pagitan ng mga mag-aaral na nakakasira ng kumpiyansa sa kani-kanilang kapasidad.
Malimit namang maririnig sa loob ng unibersidad ang mga hinaing hinggil sa isyu ng underperformance ng ilang manunuro. Karaniwang umiikot ito sa mga pagkakataong hindi sumisipot ang propesor nang biglaan sa klase, nagpapanood lamang ng mga video nang walang pagpapaliwanag, at kawalan ng gabay sa pag-aaral ng bawat aralin. Ang ganitong paulit-ulit na kalakaran ay hayagang nagpapatunay sa bumababang kalidad ng edukasyon, hindi lang sa loob ng unibersidad bagkus sa pati na rin sa buong bansa.
Bagama’t hindi na bago ang konsepto ng self-study sa kolehiyo, nananatili pa rin ang tungkulin ng bawat propesor na patnubayan ang pagkatuto ng kanilang mga estudyante. Hindi man maitatangging may pagkukulang din ang mga mag-aaral sa kanilang grado, sila man ay biktima rin ng kakulangan.
Kapalpakan din kung maituturing ang mabagal na pagbibigay ng marka. Mahigit isang buwan na ang lumipas nang matapos ang huling semestre nitong nagdaang taong panuruan. Kapansin-pansing ganoon din katagal na naghihintay ang maraming estudyante na makumpleto ang kanilang pinal na marka. Nawalan ng saysay ang itinakdang deadline para dito sapagkat ang mga propesor lamang din naman ang nagdedesisyon kung kailan sila maglalabas ng mga grado, kahit pa lampas na ito sa petsa ng pasahan.
Lubha itong nakadidismaya lalo pa’t malaki ang nagiging epekto nito sa mga bagay na napakahalaga para sa mga estudyante, tulad na lamang ng scholarship, na ang iba ay nagreresulta sa tuluyang pagkatanggal dahil sa hindi agad na pagsusumite ng kanilang mga marka bilang requirement.
Isang halimbawa pa nito ang maraming estudyante mula sa Sinta na nagbakasakaling maging benepisyaryo ng Education for Development Scholarship Program (EDSP) at OFW Dependent Scholarship Program (ODSP) ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Bukas ito para sa mga anak at kapatid ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nag-aaral sa kolehiyo, batay sa Facebook post ng nasabing ahensya. Subalit, dahil sa ‘first-come, first-served’ basis ito at sa usad-pagong na pagbibigay ng grado ay marami sa kanila ang naubusan na ng slots at hindi na nakaabot sa pagpapasa ng mga requirements na hanggang katapusan lamang ng Hulyo.
Malinaw na nakasaad sa Title 2, Section 2.1.2 ng 2019 student handbook ng PUP na dapat ay maipasa sa tamang oras ang pinal na grado ng mga estudyante, alinsunod sa layunin ng pamantasang magkaroon ng kalidad na edukasyon—ngunit, hindi ito ang nangyayari. Sa katunayan, imbes na maghigpit sa deadline ay makailang beses pa nga itong iniuurong dahil sa iba't ibang mga dahilan hanggang sa inaabot na ito ng lampas isang buwan matapos ang ikalawang semestre.
Samantala, minsan naman nang isinulong ng Office of the Student Regent (OSR) at student councils na amyendahan ang Title 5, Section 15.2.4 ng student handbook—na naglalayong gawing hindi dapat magkaroon ng markang bababa sa 3.0, mula sa 2.5, upang mag-qualify sa Latin honors. Marahil ay bunga ito ng mga hinaing ng mga estudyanteng hindi na kwalipikado sa Latin honors dahil sa nakuhang mababang gradong sanhi ng hindi patas at kwestiyunableng pagmamarka.
Ngunit kung iisipin, hindi dapat ang qualifications ang ayusin para maging kwalipikado sa Latin honors kung sa una pa lamang ay maayos at makatarungan na ang pagbibigay ng grado. Ang mga propesor na walang tunay na hangaring paghusayin ang kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga kritisismo, at ang basta na lamang pagbibigay ng hindi makatarungang grado ang dapat na kalampagin, at ang pamunuan ng pamantasan ang dapat na mangunguna rito.
Ang mga problema sa marka ay hindi na bago, palagian na itong nangyayari sa tuwing natatapos ang bawat semestre ng taong panuruan. Subalit, isa itong bagay na hindi dapat ninonormalisa dahil nagpapababa lamang ito sa kalidad ng edukasyon.
Tandaan, hindi lamang sa magandang performance ng mga estudyante ibinabase kung gaano kahusay ang isang unibersidad; nasusukat din ito sa kung paano isinasakatuparan ng mga guro ang kanilang responsibilidad, sa pagtuturo man o sa pagbibigay ng marka.
Dahil dito, nararapat lamang na solusyunan na ng pamantasan ang problemang ito ng sangkaestudyantehan, lalo pa't patuloy nilang ipinangangalandakan ang maayos na performance ng paaralan kahit na hindi nila maresolba ang bulok na sistema. Hindi rin puwedeng ipagsawalang bahala lamang ito, sapagkat ang mga gradong makikita sa online portal ay higit pa sa numero lamang. Repleksyon ito ng talino, pagod, at pagsusumikap ng mga estudyante sa loob ng bawat semestre; kung kaya’t, tunay na nakapanlulumo kung ang matagal na hinihintay na mga marka ay walang nagiging malinaw na basehan at tila hindi naaayon sa inilalatag na pamantayan.
Artikulo: Mary Ellen Faith Montemayor & Earies Porcioncula
Dibuho: Allaine Chesca Arcaya
Comments