Isang kapatid, anak, at single mom—iyan si Mary Jane Veloso sa mata ng kanyang pamilya. Sa mundo, siya ay isang Overseas Filipino Worker (OFW). Tulad ng maraming Pilipinong nangingibang-bayan, bitbit niya ang isang maletang puno ng pangarap, hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi para sa kinabukasan ng kanyang mga mahal sa buhay.

Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, may nakatagong banta ang bagaheng dala niya—isang pasanin na naging mitsa ng pagkawasak ng kanyang mga pangarap. Sa halip na maging tuntungan ito ng kaniyang mga pangarap sa buhay, nauwi si Mary Jane sa likod ng malamig na rehas at nahatulan ng kamatayan sa banyagang bansang Indonesia. Subalit nitong nagdaang Kapaskuhan, matapos ang 14 na taong pagkakakulong, sumilay ang liwanag ng bagong pag-asa: ang pinakaaasam niyang pag-uwi sa bisig ng pamilya at bansang kinalakihan.
Ang Simula
Tubong Cabanatuan, Nueva Ecija, ipinanganak noong Enero 10, 1985 si Mary Jane Fiesta Veloso. Laki sa hirap, at bunso sa limang magkakapatid, maaga siyang huminto sa pag-aaral, dahilan kung bakit hindi siya marunong bumasa at sumulat. Dagdag pa rito na sa edad na 16, siya ay nakapangasawa na nauwi sa hiwalayan at pagiging isang single mom sa dalawang anak. Kaya’t upang masuportahan ang pamilya, tumulak si Veloso pa-Dubai bilang isang OFW.
Enero 1, 2010, kasabay ng pagputok ng bagong taon, nagbalik-bayan siya matapos ang sampung buwang pagtatrabaho bilang domestic worker sa Dubai. Subalit hindi naging matamis ang kwento ng kanyang pagbabalik, dahil karga niya ang isang mapait na karanasan dahil umano sa tangkang panggagahasa ng kanyang amo.
Makalipas ang apat na buwan, inialok ng kaibigan niyang si Maria Kristina "Tintin" Sergio na taga-Talavera, Nueva Ecija, ang isang trabaho sa Malaysia. Tinanggap ito ni Veloso at dumating sa bansa noong Abril 21, 2010. Pagdating niya, ipinaalam sa kanya na wala na ang trabaho, ngunit maaari pa siyang maghanap ng iba. Bilang solusyon, ipinadala muna ni Sergio si Veloso sa Indonesia upang magbakasyon kasama ang planong bumalik sa Malaysia upang ipagpatuloy ang paghahanap ng bagong oportunidad.
Bistado at Arestado
Hindi niya alam, Abril 25, 2010 na pala ang simula ng pinakanakagigimbal na tagpo ng kaniyang buhay. Inaresto siya sa Adisutjipto International Airport sa Yogyakarta, Indonesia, matapos matagpuan ng mga awtoridad ang 2.6 kilong heroin na nakakubli sa maletang ipinahawak lang umano sa kaniya.
Dalawang araw ang lumipas, nakatanggap ng tawag ang mga magulang ni Veloso mula sa kanyang mga biyenan na nagsasabing ligtas siyang nakarating sa Malaysia. Sa pagbisita nila kay Sergio sa Talavera, sinabi niyang napakabait ng amo ni Veloso at binigyan sila ng mga damit at gatas na mula sa kanilang anak. Itinago muna ni Veloso ang tunay niyang kalagayan sa pamilya sa mga unang mensahe. Ngunit noong Mayo 12, 2010, ibinahagi niya na sa kanila ang kanyang kinasapitan na naglagak sa kanya sa kulungan.
Kinabukasan, binalaan ni Sergio ang pamilya ni Veloso na manatiling tahimik, o kaya'y malalagay sila sa panganib dahil bahagi ito ng isang international drug syndicate. Ayon sa kanya, popondohan ng sindikato ng milyon-milyon ang pagpapalaya kay Veloso. Gayunpaman, sa kabila ng mga banta ni Sergio, opisyal nang humingi ng tulong ang pamilya ni Veloso sa gobyerno ng Pilipinas noong Agosto 1, 2010.
Hatol ng Kamatayan
Nagsimulang umusad ang kaso ni Veloso sa Indonesia pagpasok ng Oktubre 2010. Siya ay kinatawan ng isang court-appointed pro bono na abogado na sinasabing inirekomenda ng pulisya ng Indonesia. Noong Oktubre 11, 2010 hinatulan si Veloso ng parusang kamatayan ng District Court of Justice ng Sleman sa Yogyakarta. Sa parehong buwan, naglaan ang gobyerno ng Pilipinas ng nagkakahalagang $5,000 mula sa Legal Assistance Fund upang kunin ang serbisyo ng isang pribadong law firm sa Indonesia upang iapela ang kaso ni Veloso.
Noong Pebrero 10, 2011, pinagtibay ng Court of Appeals ng Yogyakarta ang parusang kamatayan mula sa hinaing na apela noong Oktubre 22, 2010. Bilang tugon dito, magkasunod na naghain ng apela ang Embahada ng Pilipinas at abogado ni Veloso sa Korte Suprema ng Indonesia upang hilingin ang pagbawi ng naturang desisyon. Ngunit hindi ito napagbigyan, at noong Mayo 31, 2011, makalipas ang tatlong buwan, muling pinagtibay ng Korte Suprema ng Indonesia ang hatol kay Veloso.
Agosto 23 ng parehong taon, pumagitan at umapela sa hatol ang dating Pangulo Benigno Aquino III sa noo’y pangulo ng Indonesia na si Susilo Bambang Yudhoyono, na kilala sa pagpapatupad ng moratorium on executions sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa pamamagitan ni Ambassador Maria Rosario Aguinaldo, opisyal na naisumite ang liham ng clemency ni Aquino sa Ministry of Foreign Affairs ng Indonesia noong Oktubre 10, 2011.
Isang taon ang lumipas bago ipinaalam ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamilya ni Veloso ang masalimuot niyang kalagayan—hinaharap ni Mary Jane ang isang nakabinbing hatol ng parusang kamatayan. Simula noon ay tila bumagal ang pag-usad ng kaso na natengga ng humigit kumulang tatlong taon. Gayunpaman, patuloy ang panawagan ng iba’t ibang grupo at mga human rights advocates para sa hustisya, kasabay ng serye ng diplomatikong negosasyon sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas hinggil sa kaso ni Veloso.
Patuloy na Paglaban
Bago paman sumalubong ang bagong taon, isang masamang balita ang pumutok ukol sa kaso ni Veloso. Matapos ang matagal na paghihintay, sa halip na magdiwang ay nabalot ang kanyang pamilya ng matinding pag-aalala at takot matapos mailabas ng dating Pangulo ng Indonesia, Joko Widodo, ang Presidential Decision 31/G - 2014 noong Disyembre 30, 2014. Ang desisyong ito ay naglaman ng pagtanggi sa lahat ng request for clemency ng mga bilanggo na nahatulan ng parusang kamatayan, kabilang si Veloso.
Pagsapit ng Enero 19, 2015, nagsampa ang kampo ni Veloso ng Application for Judicial Review sa District Court of Justice ng Slemen, Yogyakarta. Isang linggo matapos ang paghahain, personal na iniabot ng dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang liham-panawagan sa Indonesian counterpart nito sa Association of Southeast Nations (ASEAN) Foreign Ministers Retreat sa Kota Kinabalu, hinihiling na bigyan ng kaukulang pansin ang Judicial Review ng kaso sa kabila ng desisyon ng pangulo ng Indonesia.
Nang sumunod na buwan, Pebrero 9, 2015, sa gitna ng state visit ni Pangulong Widodo sa Pilipinas, muling inihain ni Aquino ang apela para sa kaso. Kasabay nito, ipinahayag ni Del Rosario ang kanyang plano na personal na pagbisita kay Veloso sa Yogyakarta upang kumustahin at makita ang kanyang kalagayan.
Ngunit sa kabila ng diplomatikong pakikipag-ugnayan, tinanggihan pa rin ng Korte Suprema ng Indonesia ang petisyon para sa judicial review noong Marso 25, 2015. Ito ay sa kabila ng utos ng mababang hukuman ng Indonesia noong Marso 4 ng parehong taon na isulong ang judicial review upang matukoy kung may sapat na basehan para sa muling pagsusuri ng kaso.
Isla ng Katapusan
Matapos ang isang buwan, nagsimulang mabalot sa matinding pangamba ang buhay ni Veloso pagsapit ng Abril 24, 2015. Siya ay inilipat sa Nusa Kambangan Prison, isang maliit na isla sa timog baybayin ng Java na kilala bilang "Execution Island.” Kasama siya ng walong iba pang mga nahatulan ng kasong may kaugnayan sa droga na nakatakdang bitayin noong Abril 29, 2015 sa pamamagitan ng firing squad. Sa kabila ng matinding kalagayan, nagawa pang sumulat ng liham ni Veloso kay Aquino upang magmakaawa na iligtas siya sa itinakdang kamatayan.
Isang araw bago ang ipataw ang parusa kay Veloso noong Abril 28, 2015, nilabag ni Aquino ang protokol ng karaniwang proseso ng diplomatikong pakikipag-ugnayan matapos makipag-usap ng direkta kay Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa telepono. Dito iminungkahi ni Aquino na maaring gawing saksi si Veloso upang makatulong sa paglilitis sa kriminal na sindikatong gumamit sa kanya.
Naganap din sa parehong araw ang pagsuko ni Sergio sa mga awtoridad ng Pilipinas kung saan kinasuhan siya ng illegal recruitment, human trafficking, at estafa. Nagpahuli rin ang kasabwat nitong si Julius Lacanilao kung saan ibinahagi ng dalawa ang mga death threats sa kanila bilang dahilan ng paghingi ng proteksyon.
Isang oras bago ang nakatakdang pagbitay, pinagkalooban si Veloso ng indefinite reprieve o pagpapaliban ng pagbitay noong bandang ala-una ng madaling araw ng Abril 29. Ayon sa DFA, ang apela ni Aquino ang naging dahilan ng kanyang pagkaligtas. Bilang karagdagan, naging mahalagang saksi si Veloso sa kasong isinampa ng DFA laban sa West African Drug Syndicate. Subalit, pagkatapos ng petsang ito, muling naiwan na nakabinbin sa ere ang kaso ni Veloso at hindi naaksyonan sa matagal na panahon.
Nagdaan ang isang taon at limang buwan, at sa ilalim ng bagong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 12, 2016, napabalitang binigyan niya ang pamahalaan ng Indonesia ng "go-ahead" upang ituloy ang pagbitay kay Veloso, ayon sa isang ulat sa Jakarta Post. Samantala, noong sumapit ang ika-33 kaarawan ni Veloso noong Enero 10, 2018, humingi ito ng tulong kay Duterte upang payagan siyang tumestigo laban sa mga taong nanlinlang sa kanya sa pagpupuslit ng droga.
Lumiliwanag na Pag-asa
Pagkaraan ng dalawang taon, Enero 30, 2020, hinatulan ng korte sa Nueva Ecija ang mga sinasabing recruiter ni Veloso na sina Sergio at Lacanilao para sa malakihang illegal recruitment sa isang hiwalay na kaso na kinasasangkutan ng tatlo pang babae.
Matapos ang panunungkulan ni Duterte, sa pagpasok ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lumipad siya patungong Indonesia noong Setyembre 4, 2022, para sa kanyang kauna-unahang state visit. Sa mahalagang pag-uusap na ito, binigyang-diin niya ang kaso ni Veloso sa pakikipagpulong sa dating pangulong Widodo ng Indonesia.
Noong Hunyo 2023, nagkaroon muli ng pagkakataon si Veloso na makapiling ang kaniyang pamilya matapos ang mahabang panahong pagkakawalay. Bumiyahe ang kaniyang mga magulang at dalawang anak patungong Yogyakarta, Indonesia, kung saan siya nakakulong sa Wonosari at nakasama niya ang mga ito sa loob ng dalawang araw. “Napakasaya ng aming pamilya. Pagkatapos ng matagal na panahon, nayakap na namin muli si Mary Jane,” ani Celia Veloso, ina ni Veloso.
Pagkaraan ng mahigit isang dekada magmula noong 2010, sumambulat sa telebisyon ang isang magandang balita: inihayag ni Marcos noong Nobyembre 20, 2024 ang kaniyang pasasalamat kay Prabowo Subianto, ang bagong pangulo ng Indonesia at sa kanyang pamahalaan para sa kanilang mabuting kalooban nang magkasundo ang Pilipinas at Indonesia na ilipat ang kustodiya ni Veloso pabalik sa bansa.
Matapos ang magandang balita, umapela kinabukasan ang mga magulang ni Veloso na sina Cesar at Celia Veloso sa gobyerno ng Pilipinas na ilipat siya sa isang ligtas na lokal na pasilidad dahil sa pag-aalala sa mga banta na nagmumula sa international drug syndicate na nagdawit sa kanya. Samantala, nagpahayag naman ng pagiging bukas si Marcos sa ideya ng pagbibigay ng clemency kay Veloso.
Pinakahihintay na Pag-uwi
Sa wakas, Disyembre 18, 2024, nag balikbayan na si Veloso mula sa Indonesia sakay ng isang flight na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos ang halos 15 taon mula noong siya ay makulong. Pinasalamatan niya si Pangulong Marcos, Pangulong Subianto, at ang lahat ng mga nag trabaho para sa kanyang pag-uwi.
Direktang dinala si Veloso sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong. Pagkarating pa lamang niya, mainit na sinalubong si Veloso ng kanyang dalawang anak na ngayon ay mas matangkad na kaysa sa kanya. Agad silang yumapos ng mahigpit, habang bumuhos ang luha sa emosyonal na tagpo. Nagpatuloy ang pag-iyak nang siya’y mayakap ng kanyang mga magulang na kapwa may edad na, kasama ang iba pang miyembro ng pamilya na may dalang puting bulaklak.
Gayunpaman, nakatakda ang pagdinig para sa mga kasong qualified human trafficking, estafa, at illegal recruitment na isinampa ni Veloso laban sa kanyang mga illegal recruiters sa Pebrero 19, 2025. Inaasahan ng kanyang abogado na papayagan siya ng Bureau of Corrections na dumalo sa pagdinig upang makapagbigay ng testimonya. Kung magtatagumpay siya sa mga kasong ito, mas magiging malinaw ang kaniyang sigaw—siya ay inosente at isang hamak na biktima lamang.
Labing-apat na Pasko, Bagong Taon, kaarawan ng mga mahal sa buhay, at iba pang mahahalagang okasyon ang nagdaan nang hindi nakapiling ni Mary Jane ang kanyang pamilya. Tatlong administrasyon ang inabot, at ngayon, ang mahigit isang dekadang panalangin ni Mary Jane ay nagkaroon ng katuparan—ang makabalik sa lupang sinilangan. Ngunit habang nakalapat na ang kanyang mga paa sa sariling bayan, nananatili ang isang huling layunin: ang lubos niyang pag-uwi, hindi lamang sa pisikal na tahanan kundi sa ganap na kalayaan at katarungan na matagal niyang ipinaglaban.
Mga Sanggunian:
1. TIMELINE: Mary Jane Veloso, from OFW dreamer to death row inmate
By JOVILAND RITA, GMA Integrated News
2. EXPLAINER: Sino si Mary Jane Veloso? Bakit siya nasa death row sa Indonesia? https://www.youtube.com/watch?v=FjMos66focM
3. TIMELINE: Mary Jane Veloso's decade-long ordeal from Indonesian death row to 'miracle' homecoming
Jauhn Etienne Villaruel, ABS-CBN News
4. 14 years on death row: Timeline of Mary Jane Veloso’s fight for justiceBy: Jown Manalo - Reporter, INQUIRER.NEThttps://globalnation.inquirer.net/258482/fwd-from-2010-to-2024-the-14-year-case-of-mary-jane-veloso
5. #SaveMary Jane TIMELINE OF EVENTS: Let the facts speak for themselvesPrepared by Migrante International and the National Union of People’s Lawyers
6. Mary Jane Veloso is Coming Home: A Journey of Life and Death
Information compiled by GMA Integrated News Research
7. Mary Jane Veloso muling nakapiling ang pamilya, hiniling kay Marcos na mabigyan siya ng clemency
Report by Zen Hernandez, ABS-CBN News
Artikulo: Jan-Rhada Amarila & Rain Ogabar
Grapiks: Kent Bicol
コメント