EDITORYAL | Oras na ng Paniningil
- The Communicator
- Mar 12
- 3 min read

Sa takbo ng buhay, mahirap kalkulahin ang oras—pwede kang mauna o hindi kaya’y mahuli, maaaring nasa taas o nasa ibaba, ngunit isa at isa lang naman ang siguradong patutunguhan sa huli dahil may kapalit ang kalabisan at may hangganan ang lahat ng bagay.
Halos siyam na taon matapos ilunsad ng dating administrasyon ang malawakang laban kontra droga na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 30,000 katao ay sa wakas, unti-unti nang umuusad at nabibigyang hustisya ang mga biktima.
Kahapon, March 11, nang inaresto ang dating pangulo Rodrigo Duterte ng Manila International Criminal Police Organization (INTERPOL) dala ang warrant of arrest na aprubado ng administrasyong Marcos, matapos isangguni rito ng International Criminal Court (ICC) ang mga kasong paglabag sa karapatang pantao noong kasagsagan ng “war on drugs” o “extrajudicial killings” (EJK) sa bansa.
Bagaman hindi na parte ng ICC ang Pilipinas noong 2018, tungkulin pa rin ng bansa ang makiisa sa international policy ng mga grupong kinabibilangan nito, tulad ng INTERPOL, na siyang tinapik ng ICC para arestuhin ang berdugo.
Dagdag pa, ayon sa batas ng husgado, sakop pa rin ng ICC ang isyu ng extrajudicial killings sa Pilipinas sapagkat gumugulong na ang imbestigasyon rito noong 2011 pa lamang dahil sa mga naging pagpatay sa Davao City.
Ang INTERPOL ay isang pandaigdigang organisasyon na kinabibilangan ng mga bansang nagtutulong-tulong upang mapadali ang pandaigdigang kooperasyon ng pulisya at pagsugpo sa mga krimen. Matatandaan na kaagapay ang INTERPOL upang muling madakip at makita ang ilan sa mga pugante na tumakas sa bansa tulad ni Alice Guo at Rep. Arnolfo Teves Jr.
Wari’y nabunutan ng tinik sa lalamunan ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima ng EJK sa kaalamang naaresto na ang berdugong walang awang kumitil sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan. Isang ginhawa na ang taong tumapak sa karapatang pantao ng bawat biktima ng krimen ay nandoon na—lulan ng isang eroplano tungo sa lugar kung saan may hustisyang nakaabang.
Subalit kasabay nang pag aresto sa dating pangulo ay ang paglipana ng mga taong sumusuporta sa kaniya, maging ang ilang senador tulad ni Bong Go na siyang naging alalay ng pangulo sa labas ng Villamor Airbase kung saan ito pansamantalang ikinulong, at Senador Bato dela Rosa na siyang nagsumite ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Supreme Court sa pag-asang mahaharangan nito ang pagdala kay Duterte sa The Hague.
Kakatwang sa pagdakip sa berdugo ay may mga umaangal pa ring payaso. May mga nagsabing mali ang proseso at ito ay illegal detention, pero kung tutuusin ay mas maayos ito kaysa sa walang habas na pag-aresto at pagkitil nila sa buhay ng mga taong dinungisan nila ng ngalang “nanlaban” “adik ako, wag tularan”.
Itinuring nilang mga hayop ang buhay ng libo-libong Pilipino sa kanilang hindi makataong pagkitil tapos aasa silang maganda ang itatrato sa kanila?
Simula pa lamang ito ng laban, nagsisimula palang ang proseso sa pagkamit ng hustisya para sa mga ninakawan ng kalayaan. Ang pag aresto sa berdugong Duterte ay isa lamang sa ilang dosenang hakbang para makamit ang tunay na hustisya para sa libo-libong inutang na dugo ng administrasyon.
Ngayong nasa ilalim na ang dating pangulo ng ICC, wag sanang makalimutan ng gobyerno na mayroon tayong pananagutan at tungkulin upang pagbayarin sa kaso si Duterte. Malaking bagay ang kooperasyon ng pamahalaan at huwag sana itong magmaliw at maiwan sa ere bilang isang estratehiya na may bahid ng pamumulitika upang pabagsakin ang mga Duterte.
Tanging hiling ko lang, sana bukas makalawa hindi siya lalabas sa telebisyon ng naka wheelchair at neck brace. Dahil wala ng puwang ang drama para makamit ang matagal ng inaasam na katarungan.
Marapat na tandaan ng mga Pilipino na hindi ito tungkol sa tunggalian ng mga Marcos at Duterte, o sa mga panatikong pinagtatanggol ang berdugo. Ito ay tungkol sa mga biktimang ilang taon ng nakabaon sa ilalim ng lupa, agnas na ang katawang lupa ngunit wala pa ring hustisyang nakakamtan.
At sana sa bawat pagprotekta natin sa pangalan ng dating pangulo, sa bawat awa na ibinibigay natin kay Kitty Duterte, ay mamutawi sana sa alaala natin ang bawat pagtangis ng mga ina na nawalan ng anak, mga pinagkaitan ng magulang at mga batang ninakawan ng pangarap. Hindi lang basta datos ang biktima ng EJK, ito ay mga buhay na ninakaw sa isang iglap para sa pangakong “kapayapaan.”
Hindi pa tapos ang laban, marami pang nararapat panagutin sa batas at oras na para taumbayan naman ang maningil sa mga maniniil!
Comments