top of page
Writer's pictureThe Communicator

COCians, umarangkada sa CinePanalo Film Fest

Humakot ng iba't ibang parangal ang ilang estudyante mula sa Kolehiyo ng Komunikasyon sa kauna-unahang Puregold CinePanalo Film Festival sa kategorya ng maikling pelikula na may temang "Mga Kwentong Panalo ng Buhay," sa Gateway Cubao, Sabado, Marso 16.



Itinanghal ang "Last Shift" bilang "Best Short Film," "Best Short Film Poster," at  "Best Screenplay" sa pangunguna ng direktor-estudyante na si Ronjay-C Mendiola, BABR 4-1D.


Kinilala naman bilang "Best Actor" at "Best Supporting Actor" sina Jules Azaula at Vince Macapobre na kapwa mga aktor sa "Last Shift," na sumentro sa krisis na dinadanas ng mga nagtatrabaho bilang mga call center agent. 


Sa isang Facebook post, inihayag ni Mendiola ang taos-puso niyang pasasalamat sa lahat ng kasamahan sa INTRA Productions at sa mga manggagawang naging inspirasyon sa paggawa ng pelikula.


"Tuloy ang laban natin para sa nakabubuhay na sahod at benepisyo… Mabuhay ang mga manggagawang Pilipino! Mabuhay ang pelikulang nagsisilbi sa interes ng mamamayan at hindi ng iilan!" dagdag pa nito.


Bukod pa rito, nagwagi rin ang "Saan ako Pinaglihi?" bilang "Audience Choice Award" mula sa direksyon ni Ma. Rafaela Abucejo ng BAJ 4-1N. Itinatampok sa pelikulang ito ang isang lesbian couple at ang anak nilang nais alamin kung saan siya ipinaglihi.


Umani rin ng pagkapanalo ang direksyon ni Alexa Moneii Agaloos, BABR 4-2D na “Ka Benjie,”  tungkol sa pangarap ng bidang si Benjie at ang pagnanais niyang makapag-aral na nag-uwi naman ng “MOWELFUND Film Institute Special Citation in Short Film” at “Production Workshop” bilang scholarship grant. 


Mula sa 135 na nagsumite ng kanilang maikli at mahabang pelikula, walong direktor-estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines ang nakapasok sa shortlisted ng nasabing film festival noong Nobyembre 6. 


Kabilang na rito ang ilan pang mga pelikulang lumahok katulad ng "Abandoned Lullabies" ni Tyrone Taotao, BABR 1-3D na sumasalamin sa pagdadalamhati ng isang anak. "Paano Po Gumawa Ng College?" na tumalakay sa kuryosidad ng isang bata kung ano ba ang kolehiyo sa direksyon ni Mark Terence Molave, BABR 4-2N. 


Panghuli ay ang "Lola, Lola, Paano Ba 'Yan?" ni Patricia Warde Dalluay, BABR 4-2N na nagpahayag naman ng pagkamulat ng isang paslit sa hirap na dinanas ng kanyang ina. 


Maaaring mapanood ang mga pelikulang tampok sa CinePanalo sa halagang P300, P240 naman para sa mga estudyante, PWD, at senior citizens, at P2000 para sa festival pass mula Marso 15 hanggang 26 sa Gateway Cineplex 18, Araneta City, Cubao.


Layunin ng paligsahang ito ang magbigay inspirasyon at pagkilala sa mga pelikulang produkto ng mga nangangarap na maging direktor.


Commentaires


bottom of page