top of page
Writer's pictureThe Communicator

BOSES '24: Talento, pagtatanghal bilang panawagan sa sangkabaklaan

Bilang paggunita sa Pride Month, inilunsad ng Viva Voce COC (VVC) ang  BOSES 2024 na may temang, "Here & Queer: Chuva Choo Chooing our Way to Liberty," sa PUP College of Communication (COC) Lobby nitong, Hunyo 6.





Nagbahagi ng pambungad na talumpati si Department of Broadcast Communication (DBC) Chairperson at VVC Adviser, Kim Bernard G. Fajardo, kung saan binigyang-pugay niya ang taun-taong komemorasyon ng BOSES, pati na ang pisikal na selebrasyon nito ngayon.


Sa pamamagitan ng pagtatanghal ng iba’t ibang talento kagaya ng pag-awit, tanghal-tula, deklamasyon, at pananalumpati, nanawagan ang sangkabaklaan para sa tunay na paglaya ng kasarian.


Ayon kay Jordan Joaquin, mang-aawit, bagamat selebrasyon ng Pride ang buwan ng Hunyo, tinatanaw ng pagdaraos na ito ang mga indibidwal na hindi pa rin handang ibulgar ang kanilang pagkakakilanlan at lumabas sa kani-kanilang mga kloseta.


"Ang BOSES 2024 ay nakatutulong upang mabigyang diin ang mga panawagan ng mawakasan na ang ilustrasyon ng diskriminasyon, paggiit sa karapatan, at depiksyong negatibo sa mga LGBTQIA+," saad  ni Joaquin ukol sa esensya ng platapormang naibibigay ng nasabing komemorasyon.


Nagpahayag din si Daryn Rivera, isa sa mga nagtanghal, kung papaanong ang mga aktibidad katulad ng BOSES ay nakatutulong upang unti-unting makamtan ng komunidad ang tunay na kalayaang hinahangad.


"Sa pamamagitan ng boses at artes sa pagsulat ay naihahayag natin kung ano nga ba ang danas ng nasa komunidad," dagdag ni Rivera sa kung paano nga ba dapat gamitin ang talento ng isang indibidwal.


Bilang panapos, nagtalumpati ang BOSES 2024 Project Head at VVC Secretary-General na si Mary Bernitz Ellopo kung saan kanyang pinasalamatan ang mga dumalo at katuwang na organisasyon sa paglunsad ng nasabing event.


Artikulo ni: Parzyval Valdez

Grapiks: Aldreich Pascual

Comments


bottom of page