top of page

Banal, tuwing Linggo

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 39 minutes ago
  • 2 min read


Illustration: Kaiser Aaron Caya
Illustration: Kaiser Aaron Caya

Tahimik ang umaga maliban sa tila walang pagod na kampana ng simbahan. Ito ang Linggo sa bayan: isang oras ng dasal, anim na araw ng paglimot. Ang krus ay dekorasyong bitbit sa leeg, hindi pasaning isinasabuhay. Banal, tuwing Linggo. Pero sa likod ng mga damit na puti at ng abo sa noo, may pusong marurumi at matang hindi marunong tumingin nang pantay.

Papasok sila sa simbahan na tila nalulunod sa dangal, boses ay mahina at malumanay, mga kamay ay magalang na nakatiklop sa hiram na kababaang-loob. Bumubulong ng mga dasal na paulit-ulit nang sinasabayan, habang ang mga mata’y hindi man lang lumingon sa lalaking nakahiga sa harap ng simbahan—amoy ang mga Bible verse na kailanman ay ’di nila isinasapuso. Sa loob, lumuluhod sila nang may pananampalataya. Sa labas, humahatol nang walang habag.

Ang kanilang papuri’y umaangat na parang usok—mataas, pero walang bigat. Malakas silang umaawit, para hindi marinig ang chismis na kinalat nila kahapon. Maingay ang palakpak, para matabunan ang mga panlalait na nanggaling mismo sa kanilang lalamunan. Itinataas ang kamay sa langit, na sana’y walang makapansin sa mga kamay na iyon na kamakailan lang ay ginamit sa galit, sa pananakit, sa paninira. O santo, santo, santo, pero ayon lang sa schedule, kapag may tugtog, kapag may kasama, kapag may nanonood.

Ang moralidad nila’y parang menu sa kainan—pinipili ayon sa panlasa. Maingay sa paghatol, pero tanging sa mga kasalanang hindi nila ginagawa. “Ang Diyos ay pag-ibig,” sigaw nila, ngunit ang bersyon nilang ito ng pag-ibig ay may mga kondisyon at kapalit. Kabisado ang mga salita ng Diyos, pero tinalikuran ang tunay na kahulugan ng malasakit.

Hindi sila takot sa kasalanan. Takot silang makita kung sino talaga sila—maraming pagkukulang, may kahinaan, at nangangailangan ng parehong awa na pilit nilang ipinagdadamot sa iba. Ang kabanalan, para sa kanila, ay hindi pusong may debosyon kundi maskarang isinusuot. At kapag matagal mo nang suot ang maskara, dumikit na ito sa balat. Nakalilimutan ang linya sa pagitan ng pagpapanggap at pananampalataya.

Kaya itinatanong ko: ano ang silbi ng dasal na hindi man lang umaabot sa labas ng simbahan? Ano ang kahalagahan ng pananampalataya kung namamatay ito sa pagtunog ng mga dambana? Ang pagkatao mo ay hindi ikaw tuwing may banal na misa. Ikaw ay kung sino ka kapag walang ibang nakatingin. 

At kung ang Diyos mo ay nabubuhay lang tuwing linggo, baka hindi Diyos ang sinasamba mo—baka salamin.


Writer: Art Michael Malla

 
 
 

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page