(E)Leksyon ng GMA Masterclass: Mga kabataan, may kapangyarihan sa halalan
- The Communicator
- 3 days ago
- 2 min read
Updated: 2 days ago

Dalawang buwan bago ang midterm elections, nagtungo ang GMA Masterclass nitong Marso 12 sa Jose Rizal University upang maghatid ng leksyon sa mga kabataang botante, at talakayin ang kanilang papel sa pagpapanatili ng katotohanan sa panahon ng disimpormasyon.
Dinaluhan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan ng Metro Manila ang NCR Leg ng “award-winning talk initiative” upang direktang matuto sa mga batikang mamamahayag at personalidad ng midya na nagbahagi ng mga karanasan at kahusayan sa kani-kanilang mga larangan.
Pagboto ng at nang Matalino
“I fell in love.” Ito ang naging pambungad na pahayag ni GMA Integrated News Social Media Assistant Manager Theodore Ortiz patungkol sa kaniyang trabaho. Tinalakay niya ang responsableng pakikibahagi sa social media at ang kanilang mga inobatibong kampanya upang isulong ang mapanuring pagpili sa mga kandidato.
Ipinaalala naman ni GMA News Research Senior Manager Karen Mayrina ang halaga ng bawat datos nang ipresenta niya ang mga numerong bumubuo sa elektorado at halalan sa bansa. Kaya’t ang paalala niya sa maimpluwensyang 21.87 milyong mga Gen Z sa Mayo: “Main character kayo dito—if you use this influence well.”
Samantala, nagbahagi si Miss Universe Philippines 2021 Bea Gomez ng mga personal na kwentong naghubog sa kaniyang pag-unawa sa pagseserbisyo sa publiko. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagyakap sa mas malawak na pananagutan bilang mga mamamayan ng bansa.
Kapangyarihan ng Kabataan
Kabilang din ang beteranong broadcast journalist at dokumentaristang si Atom Araullo sa mga nagbigay-diin sa kahalagahan ng eleksyon at sa pagboto. Bago ito, tinalakay niya ang kalagayan ng midya sa kasalukuyan. Ayon sa kanyang datos, halos 90 porsyento ng Pilipino ang kumukuha ng balita online, ngunit wala pa sa kalahati nito ang may tiwala sa isinusulat ng mga mamamahayag.
Dagdag pa niya, madaya at marumi ang pulitika sa bansa, ngunit may paraan upang maging mabuting mamamayan at maging bahagi ng pagbabagong ninanais ng bawat Pilipino.
Kasunod nito, si GMA News Online Editor-at-Large Howie Severino ay nanumbalik sa nakaraan kasama ang mga mag-aaral. Tampok sa kanyang paksa ang pag-usbong ng teknolohiya mula sa industriya ng midya at sa kung paano nito naaapektuhan ang paglaganap ng impormasyon online. Ayon sa kanya, isa sa mga pinakamabisang gamot upang mapuksa ang mga maling impormasyon ay ang “resibo” o ang mga katotohanan sa likod ng mga kasinungaling patuloy na ipinapakalat sa publiko.
Bilang panghuling speaker, iminulat ni broadcast journalist Sandra Aguinaldo sa kabataan ang kahalagahan ng paggamit sa karapatan sa pagboto. Sapagkat talamak ang pagbebenta at pagbili ng boto tuwing eleksyon, ipinaalala niya na sa bawat balota, kinabukasan ng kabataan ang nakasalalay. Bilang may kapangyarihan sa pagluklok, nararapat na bumoto nang matalino at protektahan ito laban sa anumang uri ng anomalya.
Sa pagtatapos ng programa, nabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na makapagtanong at magbahagi ng opinyon. Naging daan ito upang mas lalong mapalalim ang kaalaman at pag-unawa ng kabataan sa kahalagahan ng malinis at tapat na eleksyon.
Pitong taon mula nang magsimula ang GMA Masterclass, nakarating na ito sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas upang makapagbahagi ng samot-saring paksa gaya ng halalan na siyang ikalilinang ng kaisipan at kamalayan ng bawat kabataang estudyante. Sa patuloy nilang pag-ikot, dala nila ang “dapat totoo” na paghahayag ng impormasyon.
Artikulo: Tim Lozano, Jan-Rhada Amarila
Comments