top of page
Writer's pictureThe Communicator

BALITA | SJ, NAFLU-KMU, nagkaisa kontra Starcom

Pumatungkol sa sahod, trabaho, at karapatan ang naging pangunahing paksa ng pagpupulong na isinagawa ng Samahang Janitorial ng PUP (SJ-PUP) kasama ang National Federation of Labor Union (NAFLU) - Kilusang Mayo Uno (KMU) sa PUP Oval Sabado, Marso 4.



Mahigit 70 janitorials ang lumahok sa pagpupulong kung saan nilahad nila ang kanilang sentimyento laban sa kasalukuyang ahensya ng Starcom Manpower Agency dahil umano sa hindi makatarungang pagtrato nito sa kanila.


“Ang namumuno ay hindi matatawag na inutil kundi pabaya. Lahat ng problema natin [at] hinaing, yung ating 13 month na kulang-kulang. Maliit ang ating sweldo, hindi pa ibinibigay ng buo hanggang sa ngayon,” saad ng presidente ng unyon na si Jun Jorda.


Bukod sa isyu ng kanilang 13 month pay, binigyang-diin din nito ang 5-day incentives na ipinapagkait ng Starcom sa kanila.


Ayon sa Chapter 3 Article 95 ng Labor Code of the Philippines, ang empleyado na naka isang taon na sa serbisyo ay may karapatang humingi ng limang araw na pahinga na may kaukulang bayad.


Sa testamento ni Nanay Cristy, isa ring manggagawa, nabanggit niya na isang paraan nang panggigipit ng ahensya ay ang pagbibigay nito ng memo kapag hindi nasunod kaagad ang kanilang utos.


Dagdag pa niya, may kasamahan na silang nasuspende ng 15 araw dahil sa pag-alma at pagpuna nito sa patakaran ng ahensya.


Nabanggit din ni Jorda na inalis siya sa group chat ng mga namumuno nang minsan niyang isatinig ang kanyang opinyon tungkol sa paraan ng Starcom sa paghawak sa kanila.


“Kaya nananawagan ang pamunuan ng SJ na magsipag-leave tayo sa gc ng Starcom para ipakita natin na solido tayong unyon at hindi tayo matatakot sa kung ano-anong ginagawang pananakot nitong (si Roderick),” saad ni Felix Bejerano na miyembro ng SJ-PUP.


Ang pagbuo ng unyong SJ-PUP ay ang panimulang hakbang para sa paghahain ng Collective Bargaining Agreement (CBA).


Ayon kay Celso Rimas ng NAFLU KMU, ngayong ganap nang may unyon ang mga manggagawa, kinakailangan naman nilang makumpleto ang mga rekisitos para sa Petition for Certification Election (PCE) upang maisakatuparan ang CBA.


Ang pagsusulong ng CBA ay may layong tugunan ang kaalwanan sa pagtatrabaho, dagdag pasahod, at benepisyo na ayon sa kanila ay higit na kailangan dahil sa tumataas na gastos sa pamumuhay.


Mariin ding kinokondena ng SJ-PUP at NAFLU-KMU ang nakabinbin na bidding na tanging 40 manggagawa lamang ang kukunin ng Starcom. Ito ay halos wala pa sa kalahati ng kasalukuyang miyembro ng samahan.


“Dito tayo nabubuhay, dito tayo mamamatay sa pamantasang ito,” dagdag ni Bejerano.


Kasama sa isinusulong na CBA ay ang pagsasawata ng kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa.


Magtatakda rin ng kilos-protesta ang SJ-PUP hinggil sa Starcom at inaasahan na maoobliga nito ang ahensya na magbayad ng sampung libo bilang multa sa PUP Administration.


Hindi pa naitatakda kung kailan ang petsa ng protesta.


Ilan din sa mga tinalakay sa pagpupulong ay ang mga isyu tungkol sa kababaihang manggagawa, sahod, at ang napipintong transport strike sa Lunes na pinangunahan ng Mayday Multimedia.


Artikulo nina: Maricel Galut at Alexandrea Mecky Buenafe

Graphics: Criselda Lizada


Comentários


bottom of page