Mababang sweldo, mataas na presyo ng bilihin at laganap na kontraktuwalisasyon.
Ito ang hinaing na bitbit ng mga progresibong grupo na dumalo mula sa iba’t ibang sektor sa ginawang pagkilos bilang paggunita sa ika-159 anibersaryo ng kapanganakan ng rebolusyunaryong lider na si Gat. Andres Bonifacio nitong Nobyembre 30.
Sinimulan ang programa sa Plaza Miranda sa Quiapo kung saan nagtipon-tipon ang mga makabayang grupo tulad ng Nagkaisa, Bagong Alyansang Makabayan, All Workers Unity, Alliance of Concerned Teachers at iba pang samahan na nagmartsa patungong Liwasang Bonifacio hanggang Mendiola sa Maynila kung saan idinaos ang pangkalahatang programa.
Hiling ng mga dumalong labor groups ang dagdag sahod sa mga manggagawang Pilipino, pagpapatigil sa kontraktuwalisasyon, at wakasan na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa dulot ng implasyon.
Sa pahayag ni Elmer “Ka Bong” Calagui Labog, lider ng Kilusang Mayo Uno, mahalaga ang gampanin ng mga manggagawa sa pagpapaunlad ng ekonomiya ngunit katiting lamang ang napupunta sa mga ito dahil sa baba ng pasahod.
Ayon naman kay Anakbayan Chairperson Jeann Miranda, mahalagang mapakinggan ang interes ng karamihan at hindi ang iilan lamang dahil ito ang nagsisilbing ugat ng patuloy na paghihirap ng mga Pilipino.
“Ang ating panawagan para sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa ay ang laban na magsesemento sa ating kaisahan. Ito ang laban na agresibong sasalungat at tutunggali sa uring naghahari sa mga imperyalista at kapitalista,” ani Miranda.
Binigyang-diin naman ni Ronjay-C Mendiola, PUP College of Communication Student Council President, na mahalaga ang isinagawang programa upang marinig ang boses ng karamihan.
“Ganoon siya kahalaga kasi dito natin nakikita iyong assertion ng mga mamamayan na ‘kailangan naming kumain ng tatlong beses sa isang araw,' ‘kailangan namin ng makataong sahod,' ‘kailangan namin ng trabaho,' ‘kailangan ng mga kabataan ng edukasyon,'” saad ni Mendiola.
Dagdag pa ni Mendiola na hindi nagkakalayo ang isyung ipinaglalaban ng mga manggagawa sa mithiin ng mga Iskolar ng Bayan na magkaroon ng nakabubuhay na sahod at kalidad na edukasyon ang mga Pilipino.
“Makikita nila iyong kaisahan natin na itong mga kabataan na ito, mga kasali sa rally na ito, ay makatarungan ang ipinaglalaban nila kasi ipinaglalaban nila iyong makataong sahod saka iyong pagbababa ng presyo ng mga bilihin […] Hindi hiwalay iyong laban ng mga manggagawa doon sa laban natin bilang mga Iskolar ng Bayan. Kasi kung anuman iyong krisis na nararanasan ng mga manggagawa’t magsasaka [ay] tumatagos siya sa atin bilang mga estudyante,” diin ni Mendiola.
Mapayapang nagwakas ang kilos-protesta sa pag-awit ng "Internasyunale" kasama ang kilalang labor leader na si Leodegario "Ka Leody" Quitain de Guzman.
Nauna namang naglabas ng pahayag ang Department of Budget and Management (DBM) noong ika-24 ng Nobyembre na pinag-aaralan na ang posibleng pagtaas sa sweldo ng mga empleyado ng gobyerno sa susunod na taon.
𝗦𝗼𝘂𝗿𝗰𝗲: https://tinyurl.com/37uut6tp
Artikulo ni: Justin Tee
Grapiks: Rhea Dianne Macasieb
Comments