top of page
Writer's pictureJake Jose Salinas

BALITA | Pagratsada sa MROTC, PUP budget cut, tutulan–R4E, PUPians

Pagratsada sa MROTC, PUP budget cut, tutulan–r4e, PUPians.



Nagkasa ang Rise for Education Alliance – Polytechnic University of the Philippines (R4E-PUP) kasama ang PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) ng hybrid press conference na may temang “We Need Funds for Safe, Inclusive, and Quality Education in PUP! Not Mandatory ROTC!” nitong Huwebes, Pebrero 9.


Naglahad ng sentimyento ang mga representante mula sa iba’t ibang organisasyon at kolehiyo sa ilalim ng PUP system patungkol sa Mandatory Reserved Officers Training Corps (MROTC) at ipinanawagan ang dagdag badyet para sa dekalidad na edukasyon.


Pinuna ni PUP SKM Vice President at Defend PUP Main Convenor Benhur Queqquegan ang kawalan ng ‘student representation’ sa naganap na committee hearing sa senado ukol sa mandatory ROTC.


“Nagkasa tayo ng mobilisasyon sa labas ng senado upang tawagin ang mga senador natin dahil hindi tayo inimbitahan. Wala man lang representasyon ng tunay na kabataan sa loob ng subcommittee hearing,” ayon kay Queqquegan.


Sa pagdinig sa senado nitong Lunes, tinatayang aabot sa 61.2 bilyon ang mungkahing badyet para sa implementasyon ng mandatory ROTC ayon sa inilahad ni Colonel Ronald Jess Alcudia, executive officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP) reservist.


“Sa pagbibigay ng pondo sa militarisasyon, walang pakundangan, harap-harapan tayong niloloko ng estado, na nakararanas tayo ng malawakang krisis sa edukasyon, sa kabila ng apat na milyon na mass dropout, kakulangan ng mga modules at materyales panturo, at mental health krisis,” saad ni Angelica De Guzman, Rise for Education Alliance – PUP.


Maisasantabi lamang daw ng mandatory ROTC ang demokratikong karapatan ng mga estudyante kaya higit na nararapat na pagtuunan ng pansin ang mga sektor na nasa ilalim ng malawakang krisis.


Samantala, hinimok ni PUP College of Political Science and Public Administration (CPSPA) SC President Joshua Aquiler ang mga kabataan na “makibahagi at paingayin pa ang ating kampanyang pagtutol sa Mandatory ROTC.”


“Abutin nating mapakinggan tayo ng mga mambabatas at hindi maipasa itong panukala,” dagdag nito.


Nagpahayag din ng pagkadismaya ang mga student organization sa nakaambang tapyas sa budget ng Commission on Higher Education (CHED).


Para kay Keidi Dela Pisa ng PUP College of Education Student Council (COED-SC), magagamit sana ang pondo para matugunan ang kakulangan sa classroom, at pagpapataas ng sahod at kompensasyon ng mga guro.


Mananatiling umiiral ang paglalaban laban ng mga estudyante sa edukasyon dahil sa kakaunting slots na mai-o-offer kung kakarampot daw na badyet ang inilalaan ng gobyerno sa edukasyon, ayon kay Terrence Tamayosa, College of Accountancy and Finance (CAF) SC President.


Sa kabila nito, siniguro ni SKM President Kirchoff Angala kasama ng mga lider-estudyante na ipagpapatuloy ang mga gawain tulad ng mobilisasyon, on-ground lobbying, at pakikipagdayalogo sa mga mambabatas.


Hinimok din ni Angala ang mga kabataan na makilahok sa mga aktibidad na io-organisa ng mga student organization. Inanunsyo rin ang pagsasawa ng flash mob bilang bahagi ng kampanya kontra ROTC sa ika-10 ng Pebrero.



Grapiks: Cathlyn de Raya


Comentários


bottom of page